Home/Makatawag ng Pansin/Article

Mar 16, 2022 1494 0 Bishop Robert Barron, USA
Makatawag ng Pansin

IKAW AY LAANG MAGING ISANG AGILA, HINDI ISANG MANOK: ISANG PAGMUMUNI-MUNI SA PAGBIBINYAG

Noong ako ay buong-panahong naglilingkod sa parokya, isa sa mga kinalulugdan kong gawain ay ang pagsasagawa ng mga Pagbibinyag. Inilagay ko ang salita sa maramihan, dahil halos hindi ako nagbibinyag ng isang sanggol sa isang pagkakataon, ngunit kadalasan ay sampu o isang dosena.  Karaniwan, ang may kalakihang grupo ng pamilya at mga kaibigan ay nagtitipon sa mga unang upuan ng Simbahan ng St. Paul of the Cross mga ika-2 ng hapon ng Linggo, malugod ko silang tatanggapin at gagawa ng maikling paglalarawan ng kung ano ang magaganap, at ang masayang pagsasamasama ng labindalawang sanggol na sabay-sabay na nag-iiyakan na kasunod nito ay hindi maiiwasang magsisimula.  Sa pasigaw na paraan ko ginagawa ang aking mga panalangin at mga Pagbibinyag—at isang pangkalahatang kagalakan ang nagkakahugis mula dito.  Ngayong ako ay obispo na, kakaunti na lamang ang pagkakataon ko para magbinyag, at hinahanap-hanap ko ito.  Ngunit isang nabubukod-tanging pangyayari ang naganap noong nakaraang linggo nang malugod kong tinanggap sa simbahan si Hazel Rose Cummins, ang anak ni Doug Cummins at ng kanyang asawang si Erica.  Si Doug ang aming Associate Producer para sa Word on Fire sa Santa Barbara.

Nais kong ibahagi sa inyong lahat ang aking ipinangaral sa grupong nagtipon sa labas (panahon ng COVID) ng simbahan ng San Roque sa Santa Barbara para sa seremonya. Tinanong ko sila kung nadinig nila ang kuwento ni Fr. Matthew Hood, isang pari ng Detroit Archdiocese, na natuklasan, pagkatapos manood ng video ng sarili niyang Pagbibinyag, na siya ay hindi wastong nabinyagan.  Ang diyakono na nagsagawa sa pagdiriwang ay hindi gumamit ng wastong mga salita, at bunga nito, si Fr. Hood, sa katunayan, ay hindi pa natanggap sa Simbahan.  At kinahinatnan nito, hindi siya wastong nakatanggap ng Unang Pakinabang, Kumpirmasyon, o ordinasyon bilang pari, dahil ang lahat ng mga sakramento ay nakasalalay sa pagkatotoo ng Binyag.  Ngayon, nang napag-alaman ito, pinangasiwaan ng Arsobispo ng Detroit ang lahat ng nauugnay na sakramento kay Fr. Hood at ang binata ay nakapaglingkod bilang isang pari. Maaari mong isipin, “Buweno, iyan ay isang kakaibang kuwento na may masayang katapusan,” ngunit ito ay nagsasabi sa atin, sa katunayan, ng isang bagay na lubhang mahalaga tungkol sa pagkaunawa ng Simbahan sa Binyag.  Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng mga salita at kilos sa sakramento, may nangyayari.  Ang pagbibinyag ay hindi lamang isang pagdiriwang ng isang bagong buhay, o kaya ay isang gawa lamang ng pagdadasal at pag-aalay ng isang bata sa Diyos.  Kung iyon lang, sa pangungusap pa ni Flannery O’Connor, Ano ba yan!. Ito ay, sa halip, ang nakikitang tanda ng di-nakikitang biyaya ng pagsasama sa Mistikong Katawan ni Jesus. Binabago nito ang nilalayong kalagayan ng mga pangyayari, tanggapin man natin o hindi.

Ngayon nasabi ko na ang lahat ng ito, binigyang-diin ko kung ano ang maaari nating tawaging pansariling panig ng Pagbibinyag. Dahil mga ilang kabataan ang nandoon, ginamit ko ang madalas-gamitin na talinghaga tungkol sa itlog ng agila na nahulog mula sa pugad na bumagsak sa gitna ng kawan ng mga manok.  Nang maging sisiw ang agila, ang tanging mundo na nakilala niya ay ang mundo ng mga manok, at samakatuwid ay ginugol niya ang kanyang mga unang taon sa pagtutuka sa lupa at hindi kailanman iniladlad ang kanyang malalaking bagwis.  Isang araw, patuloy ko, isang maringal na agila ang lumipad sa itaas at nakita ang kanyang nakababatang kapwa sa lupa, kumikilos na parang isang manok.  “Anong problema mo?” tanong niya. “Hindi mo ba alam kung sino ka?”  Pagkatapos ay tinuruan niya ang agila kung paano palawakin ang kanyang mga bagwis at pumailanlang.

Gayun din sa pang-espirituwal na kaayusan.  Ang bawat binyagang tao, sa makatuwirang pananalita, ay anak ng Diyos, ginawang banal, at itinalagang maging isang dakilang santo.  Ngunit ang problema ay ang karamihan sa mga nakatanggap ng bagong pagkakakilanlan na ito ay agad na nakakalimot at naaakit sa mga paniniwala at gawi ng mundo. Sa pagsunod sa mga udyok ng telebisyon, mga pelikula, pangkatauhang pamamaraan , mga sikat na artista at mga pananaw na walang kaugnayan sa relihiyon, ipinagkakatiwala natin ang ating sarili sa pagtamo ng kayamanan o kapangyarihan o materyal na tagumpay o katanyagan.  Ang mga bagay na ito ay hindi masama, ngunit kung itinuturing natin ang mga ito bilang ating pinakamataas na pagpapahalaga at gugulin ang lahat ng ating lakas upang makamtan ito ay katumbas ng panunuka sa lupa tulad ng mga manok.  Ang kailangan natin, wika ko sa maliit na pulong na nagtipon para sa Pagbibinyag ni Hazel, ay isang malakas na komunidad ng mga tao upang ipaalala sa batang babaeng ito kung sino siya.  Siya ay hindi nila ginawang anak ng Diyos; ginawa iyon ni Kristo sa pamamagitan ng Pagbibinyag. Ngunit tunay na matuturuan siya nila na huwag tanggapin na lamang na maging isang kaawaawang pangatawán ng nilalayong siya ay dapat maging.  Lahat ng ituturo nila sa kanya, lahat ng ihihikayat nilang gawin niya, ay dapat pumatnubay sa dakilang wakas nang pagiging santo.

Minsan naiisip ko kung ano ang magiging kalagayan ng mundong ito kung ang lahat ng nabinyagan (na pinaniniwalaan kong karamihan pa din sa bansa) ay namumuhay ayon sa kanyang pagkakakilanlan bilang anak ng Diyos. Paano kung ang bawat isa na nakatakdang pumailanglang ay, sa wakas, titigil sa panghihimasok? Ito ay magiging isang ganap na pagbabago.

Share:

Bishop Robert Barron

Bishop Robert Barron is the founder of Word on Fire Catholic Ministries and is the bishop of the Diocese of Winona–Rochester. Bishop Barron is a #1 Amazon bestselling author and has published numerous books, essays, and articles on theology and the spiritual life. ARTICLE originally published at wordonfire.org. Reprinted with permission.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles