Home/Makatagpo/Article

May 12, 2022 563 0 Sherin Iype
Makatagpo

PANAHON NANG MAALAALA

Maaari tayong lumpuhin ng takot.  Takot tungkol sa mga bagay tungkol sa mag-anak.  Takot tungkol sa kalusugan.  Takot tungkol sa karera.  Takot tungkol sa panghinaharap.  Madami sa atin ang may dinadalang gayong mga takot.  Isang araw nadama kong ako’y puno ng takot na naramdaman kong ang mga ito ay dumadagan sa akin.  Ang panga ko ay nabatak, ang lalamunan ko ay nanuyo, at ramdam ko ang paninigas ng buong katawan.  Pakiramdam ko’y nawalan ako ng lakas, na para bang ang mga hamon na padating sa akin ay isang napakalaking bundok na humaharang sa aking pag-unlad.

“PANGINOON TULUNGAN MO AKO!”

Sumigaw ako mula sa kaibuturan ng aking puso.  Sa aking paghihirap, iniyak ko sa Panginoon ang lahat ng aking mga takot.  Bilang kasagutan, ang salitang “alalahanin” ang umalingawngaw sa akin.  Naghanap ako ng panulat at papel upang isulat ang mga salitang dumaloy mula sa akin, sunod-sunod: Alalahanin mo ang mapaghimalang paraan na pinagkalooban ka ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng una mong hanapbuhay.

Alalahanin mo nang Ikaw ay tumawag sa Panginoon upang tulungan ka, at agad Siyang tumugon.

Alalahanin mo ang kagandahan ng Kanyang nilikha na nakapaligid sa iyo sa lahat ng dako.  Bumukas ang mga harang sa baha. Ang bawat alaala ay umukit ng pasasalamat sa Panginoon nang mas madiin sa aking puso para sa Kanyang walang katapusang katapatan at kabutihan.  At nagpatuloy akong magsulat.  Alalahanin mo kung paano tinugon ng Panginoon ang iyong mga panalangin at pinagkalooban ka ng mga mabubuting pagkakaibigan.

Alalahanin mo kung paano Niya pinadala ang mga nararapat na tao sa iyong buhay noong pinakakailangan mo sila.

Alalahanin mo.  Alalahanin mo. Alalahanin mo ang katapatan ng Panginoon, Sherin!  Habang mas madami akong sinusulat, mas lalo kong naaalala ang Kanyang katapatan at presensya sa aking buhay.  Matapos magsulat nang katumbas na tatlong pahina ng mga alaalang ito, tumigil ako at muling binasa ang lahat na naisulat ko.  Napagtanto ko kung gaano ko kadaling nalimutan ang Kanyang matatag na pag-ibig para sa akin nang ako ay naharap sa mga panibagong paghamon.

Puno ng matinding pasasalamat, nais kong mangunyapit sa mga alaalang ito ng Kanyang katapatan.  Kaya, sinunggaban ko ang aking cell phone at kinunan ko ng mga larawan ang mga pahina na sinulatan ko at inilapat ko ito bilang home screen sa aking telepono.  Sa tuwing dinadampot ko ang aking telepono sa maghapon, ako ay muli Niyang napapaalalahanan ng Kanyang katapatan.  Ang paggawa nito ay nagdulot sa akin ng pakiramdam ng kapayapaan at katiyakan na walang suliraning hihigit pa sa aking Panginoon at Diyos.  Ang mas higit na pagtitiwalanh ito sa Panginoon ay nanghikayat ng kahinahunan at katahimikan habang ginagawa ang mga pang araw-araw kong gawain.

Ang Tinig-Habilin

Makalipas ang dalawa o tatlong araw, di inaasahang nakatanggap ako ng tinig-habilin mula sa isang mabuting kaibigan na walang pagkaalam sa aking kamakailang karanasan sa pagdadasal.  Binanggit niya ang isang lumang Christmas card na sinulat ko sa kanya anim na taon na ang nakakalipas at tinukoy niya ang isang linyang sinulat ko sa card na iyon.  “Naaalala ng Panginoon. Daniel 14:38”.  Naaalala ng Panginoon?  Ano ang pinagsasabi ng aking kaibigan?  Wala akong maisip.  Tuluy-tuloy kong tinungo ang pinanggalingan—ang aking Bibliya, mabilis na binuklat ang mga pahina sa Daniel 14:38. “At sinabi ni Daniel, ‘Naalaala mo ako, O Diyos; at hindi mo tinalikdan ang mga umiibig sa iyo.”  Daniel 14:38.

Naiwan akong umid sa pagkakataon at nilalaman ng bilin ng aking kaibigan.  Sa kaibuturan ng aking puso, nadama ko na tila tinugon ako ng Panginoon sa pamamagitan ng tinig-habilin ng aking kaibigan.  Ang hailing ay malinaw.  Naaalaala din ako ng aking Panginoon, tulad ng pagsisikap kong maalaala Siya at ang Kanyang katapatan.

Share:

Sherin Iype

Sherin Iype is a Licensed Clinical Social Worker based in the state of California, US. She is the founder of Catholic Therapist Center and provides mental health services.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles