Home/Makatagpo/Article

Oct 29, 2021 409 0 Father Tao Pham
Makatagpo

PAGLABAN SA UNOS

Ibinahagi ni Father Tao Pham ang kanyang nakamamanghang paglalakbay sa gitna ng bagyo, sa kabila ng kanyang kapansanan at pagkabalda.

Upang matupad ang pangarap kong maging pari, kailangan kong mapagtagumpayan ang maraming mga hamon at paghihirap. Maraming beses, kapag ang sakit ay tila hindi mabata, nagdadasal ako na ang aking mga pagdurusa ay pagsama kay Jesus sa Kanyang Passion. Alam ko na may magagawa Siya, kaya kung nais Niya akong maging pari, balang araw magiging pari ako. Ipinanganak ako sa hilaga ng Vietnam, ang ika-7 sa walong magkakapatid. Lumaki kami sa isang mahirap na nayon kung saan nagtatapos ang pag-aaral sa ika-siyam na taon, ngunit naramdaman kong tinawag ako ni Kristo sa pagkasaserdote. Posible lamang ito kung nakatanggap ako ng tersiyaryong edukasyon. Noong ako ay 14, malungkot kaming nagpaalam ng aking kapatid sa aming pamilya upang makapasok kami sa mataas na paaralan.

Sa panahon na iyon, ang gobyerno ng Komunista sa Hilagang Vietnam ay isinara ang lahat ng mga seminaryo, kaya pagkatapos ng pagtatapos ng high school, gumugol ako ng 4 na taon sa pagtulong sa aming kura paroko sa lahat ng panahon, 4 na taon sa unibersidad at 4 na taong pagtuturo bago ko tuluyang nasimulan ang pagsasanay sa seminaryo sa Timog. Ang aking pangarap sa wakas ay matutupad, ngunit ito ay nagsisimula pa lamang. Nang natapos ko ang 3 taon ng Pilosopiya, naimbitahan akong kumpletuhin ang aking pag-aaral para sa pagkasaserdote sa Australia.

Hindi Inaasahan …

Matapos ang 3 pang taon na pag-aaral ng Teolohiya at isang taon ng pag-aayos ng pastoral, natanggap ko sa wakas ang masayang balita na pinili na ng obispo ang petsa para sa aking pagtatalaga bilang isang dyakono. Ilang araw bago ang mahalagang araw, nagkaroon ako ng maliit na aksidente nang bumagsak ang car boot at naipit ang aking mga daliri habang tinatanggal ang aking bagahe. Ang iba pang mga seminarista ay nilinis ako, ngunit ang mga daliri ko ay namamaga na at napakasakit na pagkatapos ng 3 araw, sa bandang huli ay nagpunta na ako sa ospital. Nagulat ako, sa sinabi sa akin ng mga doktor na mayroon akong mas mababa sa 50% ng normal na dami ng dugo dahil dinudugo ako sa loob. Natuklasan nila ang isang ulser sa tiyan na kinakailangan ng isang madaliang operasyon.

Nang magising ako, nagtaka ako nang makita kong nakatali ako sa kama. Sinabi ng doktor na nanginginig ako nang labis kaya kinakailangan nila akong itali upang masalinan ako ng dugo. Sinabi nila sa akin na mayroon akong tetanus, ngunit pagkatapos ng 40 araw na gamutan, sapat na ang aking lakas upang makabalik sa seminaryo para simulan ang masidhing pag-aaral bago ang pagtatalaga. Matapos ang ilang linggo, hiniling sa akin ng Obispo na pumunta sa kanya at samahan siya. Nakakamangha ang pagtulong sa kanya sa Misa, ngunit bigla akong hinimatay sa Cathedral at kailangang ibalik sa ospital.

Inilagay nila ako sa masidhing pangangalaga dahil nagkaroon ako ng isang malubhang impeksyon sa dugo at hindi inaasahang mabuhay. Huminto ako sa paghinga at kinailangang ilagay sa suporta sa buhay. Dahil natitiyak ng mga doktor na mamamatay ako, ipinasundo nila ang aking pamilya at ang aking kapatid na nagmula sa Vietnam. Matapos matanggap ang Huling Ritwal, ang suporta sa buhay ay pinatay, ngunit hindi ako namatay. Matapos ang ilang oras, binuksan nila ulit ang mga makina. Pagkalipas ng ilang linggo, pinatay ulit nila ang mga makina, ngunit nakaligtas pa rin ako. Ako ay nawalan ng malay sa loob ng 74 na araw at naoperahan ng 18 beses.

Pagpuputol

Nang magising ako mula sa pagkawala ng malay, marami pa rin akong masasakit. Hindi ako nakapagsalita dahil may tubo sa lalamunan ko. Kahit na ng natanggal na ang mga tubo, hindi pa rin ako nakapagsalita. Tumagal ng ilang buwan at naging mabagal at masakit na matutong magsalitang muli. Kritikal pa rin ang aking kalagayan kaya inihanda ako ng mga doktor para sa isa pa uling operasyon, na may pahintulot na ng aking kapatid, ngunit nang mabasa ko na balak nilang putulin ang aking binti, tumanggi ako. Sinabi sa akin ng doktor na mamamatay ako kung hindi ito puputulin, pero ayaw kong maging dahilan ito para di ako maordinahan bilang pari. Hindi ko isusuko ang aking pangarap na maging pari kahit na sinasabi sa akin ng aking pamilya at maraming mabubuting kaibigan na wala na itong pag-asa, na umuwi na lamang sa Vietnam at magpakasal. Napakahirap, sa mental at pisikal, ngunit inilalagay ko ang aking pag-asa at pagtitiwala sa Diyos.

Pagkatapos ng isang buwan na “Nil by Mouth”, o walang kain labis kong hinahangad na matanggap ang Ating Panginoon sa pamamagitan ng Banal na Komunyon. Kung makakatanggap ako kahit isang patak ng Mahalagang Dugo, alam kong gagaling ako. Kinabukasan ay dinala sa akin ni Padre Peter ang Mahalagang Dugo sa Banal na Komunyon. Habang tumutulo ito sa aking bibig, parang nakikita ko ito na gumagalaw sa aking katawan at hinahawakan ang impeksyon. Kinabukasan, gumaan ang pakiramdam ko. Tapos na ang mga pagsusuri at nawala rin ang impeksyon.

Matapos ang higit na isang taon sa ospital, nagkaroon kami ng pagpupulong kasama ang mga tauhan ng ospital upang talakayin ang aking kinabukasan. Dumalo ang obispo sa ngalan ng aking pamilya. Iniulat ng doktor na hindi na ako makakalakad muli at mangangailangan ng pangangalaga sa mataas na antas nang 24 na oras bawat araw sa natitirang buhay ko. Sinabi nila na hindi ko magagawang alagaan ang aking sarili, paliguan ang aking sarili o kahit na makalabas o makabalik ng kama nang walang tulong. Nakapanglulumo na marinig ito at mas nakapanglulumo na marinig ang desisyon ng obispo na hindi na niya ako itatalaga bilang isang dyakono o pari. Pagkatapos ng lahat ng mga taon ng pag-aaral at paghihintay, ang aking pangarap ay tila nawala na.

Napakahirap para sa akin, subalit nanatili akong nagdarasal. Determinado akong makalakad muli, kaya’t nagsumikap ako na gawin lahat ng mga masasakit na pagsasanay na ibinigay sa akin, at iniaalay ko ang aking pagdurusa na kaisa ni Kristo para sa lahat ng mga taong nangangailangan ng aking mga panalangin. Ang rehabilitasyon ay tumagal ng maraming taon. Kadalasan ay nais ko ng sumuko, ngunit pinanghahawakan ko ang aking pangarap at iyon ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magpatuloy.

Nangingislap na Mga Mata

Sa kabila ng lahat ng mga hamon at hadlang na ito, naramdaman ko pa rin ang pagtawag sa akin ni Kristo na maging isang pari upang maglingkod sa Kanyang mga tao, kahit sa aking kahinaan. Kaya’t, isang araw nagpadala ako ng isang sulat sa Arsobispo ng Melbourne na humihiling sa kanya na tanggapin ako para sa pagtatalaga. Nagulat ako, dahil inayos niya na makita ako kaagad upang talakayin kung ano ang kailangang gawin ko. Sumang-ayon siya na ordenahan ako, kahit na ako ay nakahiga sa kama o nakaupo sa isang wheelchair, ngunit sinabi niya sa akin na gagaling ako at bubuti at makakalakad. Sa yugtong iyon nasa wheelchair pa rin ako, ngunit nagpatuloy akong nagtrabaho sa aking mga ehersisyo habang tinatapos ko ang aking pag-aaral, kaya pagdating ng araw ng ordenasyon ay nakasama ko ang iba pa na naglalakad sa prusisyon. Ang Katedral ay napuno ng masasayang mukha ng mga kaibigan. Marami sa kanila ang nakakilala sa akin nang kailanganin ko ang kanilang pangangalaga sa ospital kaya alam nila kung gaano kagila-gilalas na nabuhay ako upang makita ang araw na ito. Puno ng luha ng saya ang aking mga mata at kita ko ang kanilang mga mata na kumikislap din. Hindi ako makapaniwala na ang araw na ito sa wakas ay dumating, 30 taon matapos akong umalis mula sa aking nayon upang ituloy ang aking pangarap.

Ngayon, nakikipagtulungan ako sa 2 iba pang mga pari sa isang abalang komunidad na may 4 na simbahan, maraming paaralan at 6 na tahanan ng pag-aalaga. Sa bawat araw na lumalakad ako upang mag Misa ay tulad ito ng isang sariwang himala. Hindi ko iniisip na magsasawa ako rito. Pagkatapos, mapalakas ng banal na sakripisyo ng Misa, lumabas ako upang bisitahin ang mga bata sa mga paaralan at mga matatanda sa mga nursing homes. Pakiramdam ko’y pinagpala akong dalhin ang Kanyang presensya sa kanila. Ang mahabang paghihintay na ibahagi ang pagkasaserdote ni Kristo ay tapos na at maibabahagi ko sa kanila ang mga bunga ng aking pagdurusa sa pakikiisa sa Kanya.

Ang pagpupursige sa lahat ng aking mga paghihirap ay nagbigay daan sa akin na maunawaan at matulungan ang mga tao sa kanilang mga paghihirap. Natutunan ko na ang pag-iisip tungkol sa mga pangangailangan ng iba at paglalagay ng isang nakangiting mukha para sa kanila ay inilalayo ako mula sa aking sariling mga pagdurusa at binabago ang aking pagdurusa sa kagalakan. Kapag ang mga tao ay lumapit sa akin para sa tulong, maaari kong makuha ang lakas na nakuha ko mula sa aking mga karamdaman upang hikayatin silang magtiyaga sa kanilang mga pagsubok. Dahil nakikita nila na nagdusa ako ng may kapansanan, mas madali para sa kanila na makipag-ugnay sa akin sa mga oras ng kaguluhan upang matanggap nila ang suporta ng Simbahan para mapanatili ang pag-asa sa pinakamahirap na panahon.

Share:

Father Tao Pham

Father Tao Pham is a priest in the Archdiocese of Melbourne, assisting in the Greensborough North, Greensborough and Diamond Creek parishes. This article is based on his testimony and the Shalom World program “Triumph”. To watch the episode visit: www.shalomworld.org/show/triumph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles