Home/Masiyahan/Article

Mar 16, 2022 919 0 Brother John Baptist Santa Ana, O.S.B.
Masiyahan

MGA PAGPAPALANG DI INAASAHAN

Nandito ang isang panukat upang masuri ang iyong lakas ng loob …

Bago ako pumasok sa monasteryo na nakakubli sa bulubunduking parang sa California, ako ay nanirahan sa sangandaan ng kalyeng 5th at Main sa kabayanan ng Los Angeles, ang hangganan ng Skid Row.  Ang laganap na kawalan ng tirahan ay isa sa mga di gaanong magiliw na katangian ng LA.  Ang mga mga taong sinawimpalad ay galing sa iba’t-ibang malalayong pook, kadalasan ay sa pamamagitan ng isang libreng walang-balikang tiket ng bus na Greyhound, upang magpagala-gala kung saan ang taglamig ay di-gaanong masungit, at namamalimos upang makaangat sa kanilang katayuan.  Hindi mangyayaring bagtasin ang ilang bloke ng kabayanan nang hindi mapaalalahanan ng kawalan ng pag-asa na siyang palatandaan ng pang-araw-araw na buhay ng mga nilalang na ito.  Ang lawak ng kawalan ng tirahan sa L.A. ay kadalasang nagbibigay dahilan sa mga mapapalad na isiping ano man ang kanilang gawin ay hindi makakalutas sa suliranin, kaya’t napipilitan silang umiwas na makipagtitigan sa tuloy di-makitang mamamayan na may bilang na 41,290, at patuloy pang dumadami.

Ang Taong Nasa Misyon

Isang araw habang nanananghalian kasama ang isang kaibigan sa Grand Central Market, walang ano-anong iniabot niya sa akin ang susi para sa isang silid sa marangyang Bonaventure Hotel at nagwikang ito at para sa aking kapakinabangan sa loob ng susunod na dalawang linggo!  Ang Bonaventure, kasama ng umiinog nitong kainan sa himpapawid, ay ang pinakamalaking hotel sa LA, at sampung minutong lakad lang mula sa tinitirhan ko.  Hindi ko kailangan ang magarbong silid ng isang hotel, ngunit may 41,290 mga tao na alam kong nangangailangan nito.  Ang tanong ay paano ko pipiliin ang taong makakatanggap ng kanlungan?  Pakiramdam ko’y isa akong tagapaglingkod ng ebanghelyo na sinugo ng kanyang Panginoon na “Pumaroon kang madali sa mga lansangan at sa mga makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo dito ang mga dukha, at ang mga pilay, at ang mga bulag, at ang mga lumpo.” (Lucas 14:21).

Hatinggabi nang makaalis ako sa trabaho.  Paglabas mula sa himpilan ng tren ay sinimulan ko ang aking “pangangaso,” humihiling sa Diyos na piliin ang taong nais Niyang pagpalain.  Pasilip-silip sa mga eskinita, dumausdos ako sa lungsod sakay ng aking skateboard, sinisikap na hindi magmukhang isang taong nasa misyon.  Nagtungo ako sa L.A. Cafe, tiwalang matatagpuan ko doon ang taong nangangailangan.  At gayun nga, may nakita akong lalaking nakaupo sa tabing-daan sa harap ng isang tindahan.  Matanda siya, payat, at kita ang buto-butong mga balikat na naaaninag sa mantsahang puting t-shirt.  Umupo ako ilang dipa mula sa kanya. “Hello,” bati ko sa kanya. “Hi,” balik niya. “Ginoo, naghahanap po ba kayo ng matutulugan ngayong gabi?” tanong ko.  “Ano?” sagot niya.  “Naghahanap po ba kayo ng matutulugan?” ulit ko. Bigla siyang nainis.  “Pinagtatawanan mo ba ako?” tugon niya, “Okay lang ako.  Iwan mo akong mag-isa!”

Gulát at nagsisisi na nasaktan ko ang kanyang damdamin, humingi ako ng paumanhin at sira ang loob na lumisan.  Magiging mas mahirap kaysa sa inaasahan ko ang misyon na ito.  Kunsabagay, hatinggabi na, at ako’y hindi niya kakilala na nag-aalok ng tila hindi kapanipaniwalang bagay.  Ngunit naisip kong nakakalamang ako.  Maaaring tanggihan ang aking alok, tulad ng isang tagapaglingkod sa talinghaga ng isang malaking piging, ngunit sa malao’t madali, may tatanggap din sa alok ko.  Ang tanong lang ay gaano katagal?  Gabi na, at napagod ako matapos ang mahabang oras sa trabaho.  Malamang, kailangan kong sumubok ulit bukas, naisip ko.

Lingid na mga Kaharian

Sakay ng skateboard at nagdadasal, patuloy kong binagtas ang lunsod-gubat, minamatyagan ang sari-saring kandidato.  Habang nakaupo sa di-kalayuang sulok, namataan ko ang silweta ng nag-iisang mamang sa upuang de gulong.  Tila nasa kalagitnaan siya ng pagtulog at paggising, tulad ng mga taong nakasanayan nang matulog sa lansangan.  Bantulot na siyaay magambala, maingat akong lumapit hanggang sa tumingin siya sa akin sa nahahapo niyang mga mata. “Mawalang galang po, Ginoo,” sabi ko, “May pahintulot po akong magamit ang isang silid na may kama, at alam kong hindi mo ako kilala, pero kung may tiwala ka sa akin ay madadala kita doon.”  Nagkibit- balikat siya at tumango.  “Ok.  Ano ang iyong pangalan?” tanong ko. “James,” sagot niya.

Nakisuyo ako kay James na hawakan niya ang aking skateboard habang tinutulak ko ang kanyang wheelchair at magkasama naming tinungo ang Bonaventure hotel.  Naging maliksi ang kanyang diwa habang pagara nang pagara ang aming kapaligiran.  Habang tinutulak ang wheelchair sa kadiliman, hindi ko maiwasang mapansin ang tila buhangin na nakapanakip sa kanyang likod.  At napagtanto kong gumagalaw ang mga buhangin.  Hindi pala ito buhangin kundi libu-libong maliliit na kulisap.

Pagpasok sa lobby ng 5-star na hotel, kami ni James ay sinalubong ng pagpapahayag ng pagkagitla mula sa bawat nakamasid.  Umiiwas na makipagtitigan, dumaan kami sa magarang fountain, sumakay sa elevator na yari sa salamin, at nakadating sa silid.  Humuling si James kung maari siyang maligo. Tinulungan ko siya sa loob ng paliguan.  Nang mapreskohan na, maginhawang pumasaloob si James sa pagitan ng mga puting kumot at agad na nakatulog.  Noong gabing iyon, itinuro sa akin ni James ang isang mahalagang aral:  Ang mga paanyaya ng Diyos ay kadalasang dumadating nang hindi inaasahan, humihingi ng patunay sa pananampalataya, na kadalasan ay nakakapagpabalisa sa atin.  Paminsanminsan kinakailangang malagay tayo sa katayuang wala namang mawawala sa atin bago tayo handang tumanggap ng Kanyang paanyaya sa atin.  At kadalasan, ang pagpapala sa kapwa ang siyang pagpapatunay na tayo ay talagang pinagpala.

Share:

Brother John Baptist Santa Ana, O.S.B.

Brother John Baptist Santa Ana, O.S.B. ay isang monghe ng St. Andrew's Abbey, Valyermo, CA. Kasalukuyan niyang tinatapos ang MA sa Teolohiya sa Dominican House of Studies sa Washington, DC. Kasama sa kanyang mga kinagigiliwan ang martial arts, surfing, at pagdidibuho.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles