Home/Masiyahan/Article

Dec 04, 2021 1510 0 David Beresford
Masiyahan

ANG LOBO SA ILALIM NG AKING HIGAAN

Nangilabot ako at nanigas sa takot, hindi makagalaw o makagawa ng ingay

Yon ay malamig at nakakapangilabot na gabi. Matiwasay akong natutulog sa higaan nang biglang sumampa papasok ang isang napakalaki, kulay abong lobo sa bintana ng silid. Mabilis itong lumundag sa sahig at nagtago sa ilalim ng aking higaan, tinutulak ang nguso nito sa aking kutson. Ramdam na ramdam ko ang nguso ng lobo na dumidiin sa bandang ibaba ng aking likod. Nangilabot ako at nanigas sa takot, hindi makagalaw o makagawa ng ingay.

Lumipas ang mga sandali na walang nangyari, at nasabi ko sa aking sarili, “Kailangang may gawin akong!” Bilang isang bata alam ko na ang pinakamaimam na magagawa ko ay ang tawagin si Mom. Kaya sinubukan kong tawagin siya ngunit ang lumabas lang mula sa aking bibig ay isang maliit at mahinang tinig. Hindi ako madinig ni Mom, ngunit hindi din gumalaw ang lobo. Ramdam kong lumakas nang bahagya ang loob ko at mas matapang na ako, kaya’t sinubukan ko ulet, “Mom!” Hindi pa din ito ganun kalakas para madinig ng nanay ko, at hindi pa din gumalaw ang lobo. Kaya huminga ako ng malalim at sumigaw nang pinaka- malakas hanggang kaya ko, “MOM!”

Misyon ng Pagsagip

Di-nagtagal, nadinig ko ang aking ina na nagmamadaling paakyat ng hagdan, kasunod ang mabibigat na kalabog ng aking ama. Sumambulat sila sa silid na sumisigaw, “David, David ano ang nangyayari?” Nanginginig pa din ang tinig ko habang mahina akong bumulong, “May lobo sa ilalim ng higaan ko”. Nagulat ang aking ama at sinikap niyang payapain ako na walang lobo sa bansang ito, subalit mabilis kong isinalaysay kung paano umakyat ang isang malaking kulay abong lobo sa bintana at kumaripas ng takbo sa ilalim ng higaan ko. Tinapos ko ito sa pag-ungot, “Nararamdaman ko ang nguso ng lobo na dumidiin pa din sa bandang baba ng likod ko”. Pinamahalaan ng aking ama ang pangyayari habang ang aking ina ay nakatayong nagugulumihanan. Inihayag niya, “Magbibilang ako hanggang tatlo. Sa ika-3, gumulong ka pababa ng higaan at susunggaban ko ang lobo.” Suminghap ang aking ina, subalit pumayag ako.

Sa ikatlong bilang, gumulong ako pababa ng higaan. Ang aking ama ay hindi gumalaw ni ang lobo. Pagapang naming sinilip ang ilalim ng higaan. Walang lobo. Siniyasat namin ang ilalim ng pintuan, at bawat panulukan ngunit walang lobo kahit saan. Naguguluhang lumingon ako sa kama at agad kong napansin ang isang maliit na butones na nakatagilid, mismo kung saan ako nakahiga kanina. Isang matinding kamalayan ang dumating sa akin … Nakahiga ako sa aking kama, naninigas sa takot, hindi makagalaw o makagawa ng ingay … takot na takot sa isang butones!

Ang alaala ng pangyayaring ito ng aking kabataan ay malalim na nakaukit sa aking isipan. Nang ako’y tumanda at naging mas maalam, napagtanto ko na ang kadamihan ng mga bagay na tumakot sa akin nang lubha ay, sa katotoohanan, mga butones lamang, tulad ng napakalaking lobo na naghihintay na sagpangin ako. At tiyakang hindi ako takot sa mga butones.

Tumingin Ka

Saan mang bahagi ng Bibliya, may isang tagubiling paulit-ulit na binibigyang diin. “Huwag kang matakot.” Tiyak na nag-uudyuk ito ng isang katanungan. Bakit hindi tayo dapat matakot? Sa buong paligid natin, namumuo ang mga nakakasindak na tagpo, at tila tama na Ang na matakot. Ngunit sinasabi ng Panginoon, “Huwag kang matakot.” Nangangahulugan ba iyon na may ginagawa kang mali kapag natatakot ka? Hindi. Hinihikayat ka lang nito na huwag hayaan ang takot na pagbawalan o pigilan ka sa pagiging isang tao sa nilayung ikaw ay likhain.

Ang takot ay isang likas na tugon ng tao. Itinutuon ang ating katawan at isipan sa mga kalagayang nangangailangan ng ating agadang pansin. Kaya, ang takot na lumulupig sa aking isipan kapag wari ko’y may isang lobo sa ilalim ng aking higaan ay mabuti at malusog pa nga. Ngunit kapag ang takot na iyan ay batay sa di- katotohanan, iyan ay magbubunga ng tiyak na hindi mabuti. Maaari tayong maipit sa ganong pangyayari, hindi makagalaw o makalaban. Kaya’t kapag natakot tayo, dapat tayong tumigil at tumingin na muli. Dapat tayong manalangin hinggil dito, pakinggan, pagnilayan at mag-isip, “Ito ba ay dapat kong katakutan?” Baka maari ko itong maisantabi na lamang. Marahil ito ay tulad ng aking lobo, at kung gayon kailangan kong humingi ng tulong upang mabago ang aking maling pagkakaunawa ng isang nakakatakot na lobo sa isang hindi nakakapinsalang butones.

Kaya bakit hindi natin kailangang matakot? Ang malinaw na sagot ay: tayo ay mga anak ng Diyos. Gaano man kalala ang kalagayan mo, hawak ka ng Panginoon sa Kanyang matatag na bisig. Kinakausap ka Niya ngayon. Makinig ka sa Kanya na nagsasabing, “Huwag kang matakot” at hangarin ang Kanyang kapangyarihan.

Panalangin:

Mapagmahal na Ama, salamat sa labis mong pagmamahal sa amin. Alam mo ang lahat tungkol sa amin — lahat ng aming lakas, lahat ng aming kahinaan, at lahat ng mga bagay na kinakatakutan namin. Panginoon, tulungan Mo kaming maranasan ang Iyong Mapayapang Presensya na nakapalibot sa amin, na nagbibigay sa amin ng lakas upang harapin ang aming mga kinakatakutan. Kapag naramdaman naming na-bitag ng pagkabalisa, bigyan Mo kami ng biyaya na madaig ang aming balisa at makaligtas sa pagkaalipin ng takot. Hinihiling namin ito sa Iyong Banal na Pangalan, Amen.


Ang artikulong ito ay batay sa pahayag na ibinigay ni David Beresford para sa palatuntunan ng Shalom World “9PM Series”. Upang mapanood ang mga yugto bisitahin ang: shalomworld.org/shows/9-pm-talks

Share:

David Beresford

David Beresford The ARTICLE is based on the talk given by David Beresford for the Shalom World program “9PM Series”. To watch the episodes visit: shalomworld.org/shows/9-pm-talks

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles