Home/Makatawag ng Pansin/Article

Apr 21, 2022 1225 0 Eileen Craig, USA
Makatawag ng Pansin

PAGHILOM MULA SA PAGKAKASALA NG PAGPAPALAGLAG

Ngayon na ako ay ikinasal na, akala ko ay maaari na akong magpatuloy na parang walang naganap sa mga pangyayari sa nakaraan at ang sakit ay mawawala; ngunit sa halip, ako ay nagsimulang makibaka sa depresyon at galit …

Ako ay isinilang na pansiyam na anak sa isang malaking Irish na Katolikong mag-anak. Ang aking ina ay tunay na debotong Katoliko ngunit ang pagkagumon ng aking ama sa pag-inom ay nagdulot ng madaming kaguluhan na nagbigay-daan sa akin na maging marupok. Noong ako ay labing-apat, ako ay pinagsamantalahan, ngunit nang ibinunyag ko ito, may nagsabi sa akin, “Hindi mo dapat pinahintulutang mangyari iyon. Ngayon ikaw ay isang kalapating mababa ang lipad.” Kaya, bagamat hindi totoo, iyon ay pinaniwalaan ko hinggil sa aking sarili. Dahil hindi ko nais na maging isang kalapating mababa ang lipad, ako ay nakipagkasintahan. Dahil nadampot ko ang maling kahulugan ng kalinisang-asal mula sa kultura sa paligid ko, naisip ko na okay na makipag sex hangga’t ako ay nasa isang “relasyon”.

Pagdating ko ng labing-anim, nagdalantao kami.  Pinilit niya akong magpalaglag para makatapos kami ng mataas na paaralan.  Ako ay hapis, lito, takot ngunit nakita ko ito bilang suliranin na kailangang lutasin.   Nanginginig ako nang ako’y dalhin niya sa isang klinika para sa pagpapalaglag, kaya binigyan ako ng nurse ng valium upang payapain.  At wika niya, “Hwag mong alalahanin yun, dear.  Yun ay hindi isang sanggol.  Yun ay kumpol lamang ng mga selula.”  Ako ay naging ganap na manhid, ngunit ang tawa ng manlalaglag habang siya ay bumulalas ng, “Sa ganyang paraan ko gustong makuha ang mga yan,” ay patuloy pa ding umuusig sa akin.  Ramdam ko pa din ang pag-agos ng aking luha, binababad ang papel na hinihigan ko.

Ang unang araw ko ng pagbalik sa paaralan ay nakaukit sa aking alaala. Nakatayo ako sa pasilyo nang may isang batang lumapit sa akin, tiningnan ako nang may pag-aalala at nagsabing, “Eileen, ano ang problema?” Kaagad akong nabalot nitong alon ng pagtanggi at dali-dali akong sumagot, “Wala, Bakit?”

“Hindi ko malaman, kakaiba iba ang iyong anyo.”

Ako ay Nag-iba!

Ang buhay ko ay palubog nang palubog. Nagsimula akong uminom at gumamit ng mga droga upang panatilihing manhid ang aking sarili at manalagi sa naturang “relasyon”. Nang ako ay labing-walo, kami ay nagdalantao na muli at nagkaroon ng isa pang pagpapalaglag. Lubha akong binagabag ng karanasang ito kayat wala akong matandaan tungkol dito—kahit na ang kinaroroonan nito. Ngunit natatandaan ng aking kapatid na babae at kasintahan. Hindi ko makayanan ang labis na hapis.

Naghiwalay kami, ngunit nagsimula ako ng panibagong “relasyon”. Kung ilalarawan ko ang aking kaluluwa noon, masasabi kong ito ay nasa lubos na kabulukan ng moralidad, katulad sa kultura na pinahintulutan kong ang aking sarili na mahigop nito.

Nang ako ay dalawampu’t tatlo, ako ay nayanig mula sa aking pagkamanhid ng pinakamasamang pangyayari sa aking buhay. Si Inay ay napatay sa isang sakuna ng sasakyan dahil sa isang lasing na tsuper. Sa kanyang libing, ako ay napako sa insensong papailanlang sa ibabaw ng kabaong. Ito ay isang palatandaan ng aming panalanging paakyat sa Diyos, ngunit nakita ko ito bilang kaluluwa ni Inay patungo sa piling ng Diyos.  Si Inay ay isang matapat na babae, kaya natitiyak kong mapupunta siya sa Langit. Nais kong makita siyang muli balang araw, kaya nais ko ding tumungo doon, subalit ang buhay ko ay kailangang magbago.  Napaluhod ako noon at tumangis sa Panginoon. Sinimulan kong magbalik sa simbahan, ngunit isang buwan matapos mamatay si Inay, nalaman kong nagdadalantao ako. Nagaroon ako ng napakatinding pakiramdam na alam ni Inay ang lahat ngayong kapiling niya ang Diyos.

Hindi Malimutang Sakit

Naghanap-buhay ako upang itaguyod ang aking anak na babae, pinabinyagan siya at binigyan ng pagmamahal at pangangalaga na hinanap-hanap ko.  Ang Panginoon ay nagdala ng isang mabuting lalaki sa aking buhay, kaya pinaghandaan ko ang aming kasal ng isang mabuting Pagtatapat ng lahat ng aking mga kasalanan, pati na ang mga pagpapalaglag.  Nang pinatawad ako ng pari at sinabi sa akin na “Mahal ka ni Jesus”, hindi ako napaniwala dahil nadama ko na ako ay nakagawa ng kasalanang walang kapatawadan. Tinatanggi kong aminin kung gaano katindi ang sakit na patuloy kong dinadala, bagamat naiisip ko ang tungkol dito bawat araw.

Nagkaroon ako nitong haka-haka na ang lahat ay magiging maayos ngayong kasal na ako at maaari kaming magkaroon ng magandang pagsasama na ninais ko noon pa man.   Akala ko makakapagpatuloy ako na parang ang nakalipas ay hindi naganap at ang lahat ng sakit ay mawawala na lamang.  Sa halip, nagsimula akong makibaka sa lungkot at galit.  Tunay akong nahirapan matalik na pakikipag-ugnay sa kapwa.  Pakiramdam ko’y hindi ko kayang maging ako at maging totoo sa kanila, kaya nahirapan akong makipagkaibigan at na mapanatili ito.   Nagkaroon ako ng pira-pirasong pagkaunawa hinggil sa aking sarili at kahit na iniisip ko pa din ang tungkol sa mga sanggol na ipinalaglag ko bawat araw, hindi ko kailanman pinahayag kanino man ang tungkol sa kanila. Ngunit hindi ako kinalimutan ng Panginoon.  Nagkaroon ako ng bagong kaibigan, si Grace, na nagpakilala sa akin kay Sister Helen, isang madre na may kaloob ng paghilom.

Nang ipinagpanalangin niya ako, nagwika siya ng hinggil sa akin na dapat ay wala siyang kaalaman. Kinilabutan ako.  Ang pagpapalaglag ay nakakaapekto sa kababaihan sa iba’t ibang antas at isa sa mga bunga nito sa akin ay ang pagkatakot kay Hesus.  Okay lang ako sa simbahan dahil naisip ko na Siya na nasa malayong lugar duon sa Langit.  Sa pagkakataong ito ay sinabi niya, “Eileen, hindi ko alam kung ano iyon, ngunit may isang bagay na gusto ni Jesus na sabihin mo sa akin.”  Napaluha ako habang nilalahad ko sa kanya ang tungkol sa pagpapalaglag. “Okay naiintindihan ko,” malumanay niyang bulong.  “Una, nais kong dasalin mo ito.  Hilingin mo kay Jesus ang mga pangalan ng iyong mga anak.”  Habang nagdadasal ako, damdam kong winika sa akin ng Panginoon na mayroon akong isang maliit na batang babae na nagngangalang Autumn at isang maliit na batang lalaki na nagngangalang Kenneth.  Sila ay magiging bahagi ko sa buong hangganan.  Kaya, kailangan kong itigil ang pagtatanggi sa kanila at tanggapin sila.  Binigyan ako nito ng pahintulot na kinailangan ko na magdalamhati—maka-babad unan, maka-pilipit sikmurang pighati.

Nakayapos Sa Kanyang Mga Bisig

Isang araw, maagang umuwi ang aking asawa mula sa opisina at nadatnan akong baluktot na nakahandusay sa sahig ng silong ng bahay na babad sa luha, dahil sa wakas ay inamin ko na sa aking sarili na nakibahagi ako sa pagkitil sa buhay ng sarili kong mga anak. Marahan akong binuhat ng aking asawa mula sa sahig at tinanong, “Honey, ano ang nangyari?” Nabigyan ako ng biyaya upang sa wakas ay masabi sa aking asawa ang tungkol sa mga pagpapalaglag. Mahigpit niya akong niyakap, bumubulong, “Magiging okay na, mahal pa din kita.”

Nang magbalik ako kay Sister Helen para sa higit pang panalangin sa paghilom, sa aking isipan, nakita ko ang aking sarili na nakaupo sa kandungan ni Hesus habang ang aking ulo ay nakalapat sa Kanyang dibdib.  Pagkatapos ay nakita ko ang pinagpalang Ina na yapos ang aking mga sanggol sa kanyang mga bisig.  Sila ay dinala niya sa akin at niyakap ko sila nang mahigpit habang sinasabi ko kung gaano ko sila kamahal at labis akong nagsisisi.  Nagmakaawa ako para sa kanilang kapatawadan bago ko sila ipinagkatiwalang muli sa mapagmahal na mga bisig ng Mahal na Ina. Ipinangako niya sa akin na Sila at makakasama nila ni Jesus sa Langit sa buong-hangganan.  At nang muli akong niyakap nina Jesus at Maria, nadinig ko si Jesus na nagwika, “MAHAL PA DIN KITA.”

Napalakas ang loob ko ng mga taong nagpatotoo sa mapagmahal na awa ng Diyos, kaya ngayon ay nadama kong gawin ang gayon sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng aking kasaysayan, pagtulong sa pagpupulong ng Ubasan ni Rachel para sa mga kababaihan na naghahanap ng lunas sa mga bunga ng pagpapalaglag at maging isang therapist.

Nagbalik – Buhay

Kapag tinatanong ako ng mga tao, “Bilang isang therapist, paano mo pinanghahawakan ang lahat ng kilabot na ito kapag nadirinig mo ang lahat ng mga salaysay ng mga taong ito?” at sinasabi ko sa kanila na hindi ko ito ginagawa nang mag-isa.  Si Maria ang gumagawa nito kasama ko.   Ako ay nakatalaga sa kanya, kaya ang lahat na ginagawa ko ay para kay Hesus sa pamamagitan ni Maria. Ang pang-araw-araw na Rosaryo at pang-araw-araw na pagtanggap sa Ating Panginoon sa Misa ay nagbibigay sa akin ng lakas na kailangan ko.  Doon ay nakakasama ko ang aking mga anak araw-araw dahil ang buong Langit ay bumababa para palibutan ang altar tuwing Misa.

Makalipas ang mahigit na tatlumpung taon, nakipag-ugnay ako sa ama ng aking ipinalaglag na mga anak upang sabihin sa kanya ang tungkol sa aking paghilom at ialok ang pag-asang iyon sa kanya. Pinasalamatan niya ako sapagkat ito ay nagbigay sa kanya ng pananaw kung bakit nadama niyang ang kanyang buhay ay tila walang patutunguhan at nagbigay sa kaniya ng pag-asa na ito ay maaaring mag-iba.  Basag ang kanyang tinig nang sabihin niya sa akin, “Ang mga ito ang tanging dalawang anak na mayroon ako kailanman.”

Share:

Eileen Craig

Eileen Craig

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles