Home/Makatagpo/Article

Feb 21, 2024 346 0 Bishop Robert Barron, USA
Makatagpo

Si San Anselmo at Ang Pagpapakintab ng Mga Brilyante

May isang kalungkut-lungkot na pakahulugan ang Krus na, sa kasamaang-palad, nakahawa sa isipan ng madaming Kristiyano.  Ito ay ang pananaw na ang madugong sakripisyo ng Anak sa krus ay “kasiya-siya” sa Ama, isang pagpapayapa ng isang Diyos na walang hanggang galít sa makasalanang sangkatauhan.  Sa pagbasang ito, ang ipinako sa krus na si Hesus ay tulad ng isang bata na inihagis sa nagniningas na bibig ng isang paganong kabanalan upang pawiin ang poot nito.

Ngunit ang talagang nagpapatunay sa kamalian ng baluktot na teolohiyang ito ay ang bantiog na sipi mula sa Ebanghelyo ni Juan: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, na isinugo Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan” (3:16).  Inihayag ni Juan na hindi dahil sa galit o paghihiganti o sa pagnanasa sa kabayadan kaya isinugo ng Ama ang Anak, kundi dahil mismo sa pag-ibig.  Ang Diyos Ama ay hindi kung anong kalunus-lunos na pagka-Diyos na ang nalamog na pansariling karangalan ay kailangang maipanumbalik; sa halip, ang Diyos ay isang magulang na nag-aalab ng may pagkahabag sa Kanyang mga anak na napagala sa panganib.

Kinamumuhian ba ng Ama ang mga makasalanan?  Hindi, subalit napopoot Siya sa pagkakasala. .Nagkikimkim ba ang Diyos ng ngitngit sa mga hindi makatarungan?  Hindi, subalit namumuhi ang Diyos sa kawalan ng katarungan.  Kaya naman, isinusugo ng Diyos ang kaniyang Anak, hindi sa kagalakan na makita Siyang nagdudusa, kundi may-habag na itumpak ang mga bagay-bagay.

Si San Anselmo, ang dakilang medieval na theologian madalas na di-matwid na sinisisi dahil sa malupit na theology ng kasiyahan, ay malinaw na malinaw sa bagay na ito.  Tayong mga makasalanan ay tulad ng mga brilyante na nalaglag sa putikan.  Nilikha ayon sa larawan ng Diyos, nadungisan natin ang ating sarili sa dala ng karahasan at poot.  Ang Diyos, pag-angkin ni Anselmo, ay bibigkas lamang ng isang salita ng pagpapatawad mula sa langit, ngunit hindi nito malulutas ang problema.  Hindi nito maibabalik ang mga brilyante sa dati nilang ningning.  Sa halip, sa kanyang pagsinta na muling itatag ang kagandahan ng nilikha, bumaba ang Diyos sa putikan ng pagkakasala at kamatayan, iniakyat ang mga brilyante, at pagkatapos ay pinakintab ang mga ito.

Sa paggawa nito, mangyari pa, kailangang madungisan ang Diyos.  Ang paglulubog na ito sa dungis—ang banal na pakikipag-isa sa mga naliligaw—ay ang “sakripisyo” na ginagawa ng Anak para sa walang hanggang kasiyahan ng Ama.  Ito ay ang sakripisyong nagpapahayag, hindi ng poot o paghihiganti, kundi ng pakikiramay.

Sinabi ni Hesus na sinumang disipulo Niya ay dapat handang magpasan ng kanyang krus at sumunod sa Guro.  Kung ang Diyos ay pag-ibig na hindi makasarili kahit na hanggang sa kamatayan, dapat tayong maging ganoong pag-ibig.  Kung handang buksan ng Diyos ang sarili niyang puso, dapat handa tayong buksan ang ating puso para sa iba.  Ang krus, sa madaling salita, ay dapat na maging mismong kayarian ng buhay Kristiyano.

Share:

Bishop Robert Barron

Bishop Robert Barron is the founder of Word on Fire Catholic Ministries and is the bishop of the Diocese of Winona–Rochester. Bishop Barron is a #1 Amazon bestselling author and has published numerous books, essays, and articles on theology and the spiritual life. ARTICLE originally published at wordonfire.org. Reprinted with permission.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles