Home/Magturo ng Ebanghelyo/Article

Nov 04, 2024 14 0 Teresa Ann Weider, USA
Magturo ng Ebanghelyo

Mga Bulong sa Aking Puso  

Mula nang ako ay makapagsalita, may kaunting hinagpis si Inay na isa akong daldalera.  Ang ginawa niya dito ay nagpabago ng aking buhay!

“Talagang mayroon kang talino sa pagdaldal,”ang sinasabi sa akin ng aking ina.  Kapag nakaramdam siya ng talagang madaldal na kondisyon, magpapatuloy siya sa pagbigkas ng isang salin ng maliit na talatang ito:

“Tinatawag nila akong Maliit na Daldal, pero Little May ang pangalan ko.  Ang dahilan kung bakit ako nagsasalita nang labis, ay dahil madami akong nais sabihin.  Oh, madami akong kaibigan, napakadami makikita mo, at mahal ko ang bawat isa sa kanila at mahal ako ng lahat.  Subalit mahal ko ang Diyos ng higit sa lahat.  Sinasamahan Niya ako buong magdamag at pag muling dumating ang umaga, ginigising Niya ako ng Kanyang liwanag.”

Sa pagbabalik-tanaw, ang maikling talata ay marahil sinadya upang makagambala sa akin sa pagsasalita at mabigyan ang mga tainga ni Inay ng pansamantalang pamamahinga. Gayunpaman, habang binibigkas niya ang matamis, maindayog na tula, ang kahulugan nito ay higit pang nagbigay ng mga bagay na mapag-isip-isipan.

Habang nagbibigay aral sa maturity ang panahon, naging malinaw na madami sa mga kaisipan o opinyon na dumadaloy sa aking isipan ay dapat na salain o supilin, dahil lamang ang mga ito ay hindi kailangang ibahagi.  Ang matutong pigilin ang ano mang natural na dumadating ay nangailangan ng madaming pagsasanay, disiplina sa sarili, at tiaga.  Gayunpaman, may mga sandali pa din na may mga bagay na kailangang bigkasin nang malakas o tiyak na sasabog ako!  Sa kabutihang palad, ang aking ina at ang Katolikong edukasyon ay naging kasangkapan sa pagpapakilala sa akin sa panalangin.  Ang panalangin ay simpleng pakikipag-usap sa Diyos bilang isang matalik na kaibigan. Higit pa dito, sa aking labis na kasiyahan, nang ipaalam sa akin na ang Diyos ay lagi kong kasama at sabik na sabik na makinig anumang oras at saanman, naisip ko: “Ngayon, DAPAT lang na ang tugmaang ito ay gawa sa Langit!”

Natututong Makinig

Kasama ng kaganapan sa buhay ay ang pakiramdam na panahon na upang magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa aking kaibigan, ang Diyos.  Ang mga tunay na kaibigan ay nakikipag-usap sa isa’t isa, kaya napagtanto ko na hindi dapat na ako lang ang syang magsasalita. Ipinaalala sa akin ng Eklesiastes 3:1: “Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras para sa bawat bagay sa ilalim ng Langit” at panahon na para bigyan ang Diyos ng ilang pagkakataon sa pakikipagdaldalan habang ako ay nakikinig.  Ang bagong maturity na ito ay nangailangan din ng pagsasanay.

Ang paglalaan ng oras upang dalawin nang regular ang Panginoon sa Kanyang tahanan sa simbahan o kapilya ng ay tumulong sa yumayabong na ugnayan na ito.   Doon ako nakadama ng kalayaan laban sa mga paggambala na tumukso sa aking pag-iisip na gumala.  Ang maupo sa katahimikan ay hindi maginhawa sa simula, ngunit naupo ako at naghintay. Ako ay nasa Kanyang bahay.  Siya ang punong-abala.  Ako ang panauhin.  Samakatuwid, bilang paggalang, tila angkop na sundin ang Kanyang pamumuno. Madaming mga pagdalaw ang inukol sa katahimikan.
At isang araw, sa gitna ng katahimikan, nadinig ko ang mahinang bulong sa aking puso. Wala sa aking ulo o sa aking mga tainga…ito ay nasa aking puso. Ang Kanyang malambing ngunit tahasang bulong ay pumuno sa aking puso nang may init ng mapagmahal. Isang paghahayag ang nagsimulang mabuo sa akin: Ang tinig na iyon…sa kung paano man, kilala ko ang tinig na iyon. Iyon ay napaka pamilyar. Ang aking Diyos, ang aking kaibigan, nandoon. Ito ay isang tinig na nadidinig ko sa tanang buhay ko, ngunit sa aking pagkabagabag, napagtanto ko na madalas ay walang malay kong iwinaksi ito sa sarili kong isip at mga salita.

May paraan din ang panahon upang ibunyag ang katotohanan. Hindi ko napagtanto kailanman na ang Diyos ay laging nandiyan sinisikap na makuha ang aking pansin at may mga mahalagang bagay na sasabihin sa akin. Nang naintindihan ko, ang maupo sa katahimikan ay hindi na nakakabagabag. Sa katunayan, iyon ay panahon ng pananabik at pag-aasam na madinig ang Kanyang malambing na tinig, na madinig Siyang buong pagmamahal na bumulong muli sa aking puso. Pinalakas ng panahon ang aming ugnayan kayat iyon ay hindi na pagsasalita ng isa sa isa pa; nagsimula na kaming mag-usap. Ang umaga ko ay magsisimula sa panalangin ng pag-aalay ng araw na iyon sa Kanya. Pagkatapos, habang ito’y nagaganap, titigil ako at bibigyan ko Siya ng update kung paano umuusad ang araw. Nang-aaliw, nagpapayo, nanghihikayat, at kung minsan pInagsasabihan Niya ako habang sinisikap kong unawain ang Kanyang kalooban sa aking pang-araw-araw na buhay. Ang pagsisikap na unawain ang Kanyang kalooban ay nag-akay sa akin sa Banal na Kasulatan kung saan, muli, Siya ay bubulong sa aking puso. Nakakatuwang malaman na Siya din ay isang daldalera , ngunit bakit ako magugulat? Tutal naman, sinabi Niya sa akin sa Simula 1:27 na ako ay nilikha sa Kanyang larawan at wangis!

Pagpapatahimik Ng Sarili

Ang oras ay hindi tumitigil. Ito ay nilikha ng Diyos at ito ay isang handog mula sa Kanya para sa atin. Salamat na lang, ako ay nakapaglakad nang matagal kasama ang Dios, at sa pamamagitan ng aming mga paglalakad at pag-uusap, naunawaan ko na Siya ay bumubulong duon sa mga pinatatahimik ang kanilang sarili upang madinig Siya, tulad ng ginawa Niya kay Elias. “Pagkatapos nito’y isang kahanga-hanga at napakalakas na hangin ang nagwasak sa mga bundok at dinurog ang mga bato sa harapan ng Panginoon, ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin. Pagkatapos ng hangin ay nagkaroon ng lindol, ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol. Pagkatapos ng lindol at dumating ang apoy, ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy. At pagkatapos ng apoy ay dumating ang isang banayad na bulong. (1 Hari 19:11-12)

Sa katunayan, inutusan tayo ng Diyos na magsawalang-imik ang ating sarili upang makilala natin Siya. Isa sa aking paboritong mga talata sa Kasulatan ay ang Awit 46:10, kung saan tahasang sinabi sa akin ng Diyos na “Manahimik ka at dapat mong malaman na Ako ang Diyos.” Tanging sa pagpapatahimik ng aking isip at katawan ang mapatahimik nang sapat ang aking puso upang madinig Siya. Inihahayag Niya ang Kanyang sarili kapag nakikinig tayo sa Kanyang Salita dahil “Ang pananampalataya ay nagmumula sa kung ano ang nadidinig, at ang nadidinig ay nagmumula sa pangangaral ni Kristo.” (Roma 10:17)

Mahabang panahon na ang lumipas, nang bigkasin ng aking ina ang talatang iyon ng kanyang kabataan, lingid sa pagkakaalam niya na isang binhi ang mapupunla sa aking puso. Sa pamamagitan ng aking pakikipag-usap sa Diyos sa panalangin, ang maliit na binhing iyon ay lumago nang lumago, hanggang sa nang yumaon, ‘minahal ko ang Diyos nang higit sa lahat!’ Sinasamahan Niya ako sa magdamag, lalo na sa madilim na mga panahon sa buhay. Higit pa dito, ang aking kaluluwa ay napukaw nang magwika Siya tungkol sa aking kaligtasan. sa gayon, lagi Niya akong ginigising ng Kanyang liwanag. Salamat, Inay!

Dumating na ang oras upang paalalahanan ka, mahal na kaibigan, na mahal ka ng Diyos! Katulad ko, ikaw din ay nilikha ayon sa larawan at wangis ng Diyos.  Nais Niyang ibulong sa puso mo, pero para diyan, makinig ka at kilalanin Siya bilang Diyos.  Inaanyayahan kita, hayaan mong ito ay maging oras at panahon mo upang mapahintulutan mo ang iyong sarili na magkaroon ng mas malalim na pakikipag-ugnayan sa Panginoon.   Makipagdaldalan ka sa Kanya sa pananalangin bilang iyong pinakamamahal na kaibigan at magbuo ka ng sarili mong palitang-usap sa Kanya.   Kapag nakinig ka, hindi magtatagal mapapagtanto mong kapag Siya ay bumulong sa iyong puso, Siya din ay isang ‘daldalera.’

Share:

Teresa Ann Weider

Teresa Ann Weider ay naglingkod sa Simbahan sa loob ng maraming taon sa pamamagitan ng kanyang aktibong pakikilahok sa iba't ibang ministeryo. Nakatira siya kasama ang kanyang pamilya sa California, USA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles