Home/Makatawag ng Pansin/Article

Dec 24, 2022 675 0 Stephen Santos, USA
Makatawag ng Pansin

KAPAG DUMATING ANG MGA PAGSUBOK

Natatakot sa mga pakikibaka sa iyong buhay? Gawin mong mga pagpapala ang mga pakikibakang iyon!

Sinasabi sa atin ng Aklat ni San Jaime na magalak sa ating mga pagsubok?  Ngunit maaari ba iyon, lalo na kapag pakiramdam mo ay napaloob ka sa isang ipu-ipo at ang pinakamabuting magagawa mo ay huminga nang minsan pa bago ka muling mahigop?  Mangyayari ba sa panahon ng 3-taong pandemya na humamon sa madami sa atin sa mga paraang hindi natin naisip?

May mga araw sa nakalipas na ilang taon na pakiramdam ko’y nasa pelikula ako.  Ang mga pelikula ay makakapagturo sa atin ng madaming mga bagay at ang pinakamahusay na mga pelikula, yaong ang mga makakapagpabuntong-hininga sa iyo nang may ngiting puno pananalig, hindi lamang ang magkaroon ng magandang pagtatapos.  Ang mga ito ay naglalaman ng nagpapahiwatig na katotohanan na dumadaloy sa kabuuhan ng balangkas ng kwento at patungo sa kasukdulan.  Ang mga ganitong pelikula ay lumilikha ng hindi maipaliwanag na pag-akit sa mga manonood na sumisigaw, ‘may higit pa sa nakikita mo, may mas malalim na katotohanan dito’.

Bagama’t hindi sine, iyon ang nararamdaman ko kapag binabasa ko ang aklat ni Job sa Lumang Tipan.  Kung ang kwento lang ay, ‘Si Job ay nasubok, nawalan ng lahat at nakuhang muli ang higit pa kaysa dati,’ sasabihin ko, “Hwag na, salamat, mas nais ko pang taglayin ang ano mang meron ako at laktawan ang lahat ng hirap.”

Ngunit may mas malalim pang bagay na nangyayari sa lahat ng pagsubok at kapighatian ni Job.  Ang mas malalim na bagay na ito sa kuwento ni Job ay maaaring isang mabisang panustos para sa ating lahat habang pasulong tayo sa nalalabing araw ng Covid at dumadanas ng iba pang mga hamon sa buhay.

Nagpupumilit

Sa pinakaunang talata ng aklat nalalaman natin na si Job ay “isang taong matuwid at walang kapintasan na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan.”  Si Job ay isang mabuting tao, isang huwarang tao, at kung sinuman ang dapat maligtas sa kapahamakan, ang taong ito ang dapat. Iyon noon ang inaasahan ko dahil ginagawa ko ang mga tamang bagay, dahil inialay ko ang aking buhay sa Diyos at ninais na sundin Siya, na magiging maayos ang aking landas sa buhay— kahit papaano.  Ngunit nagawang alisin ng karanasan ko sa buhay ang kaisipang iyon. Ipinaaalala sa atin ni Job na hindi tinitiyak ng Diyos ang isang magaang buhay kanino man, ni sa Kanyang mga kaibigan.  Ang tanging tinitiyak ng Diyos ay ang makakasama natin Siya sa pakikibaka!

Nawala kay Job ang lahat, at ang ibig kong sabihin ay lahat. Sa bandang huli, nagkakaroon siya ng sakit sa balat na nagmistulang eksema ang ketong. At sa buong panahon yon, tumatanggi siyang itakwil ang Diyos. Tandaan mo, si Job ay walang Bibliya na sasandalan. Ang meron lamang siya ay mga saling-angkang kasaysayan na ipinagpasapasa tungkol sa kung sino ang Diyos at kung paano kumilos ang Diyos. Sa isang banda, namili siya–ang parehong pagpili na dapat gawin ng bawat isa sa atin: Susundin ba natin ang isang hindi natin nakikita upang makamit ang hindi natin maikakaila?

Matapos magtiis ng matinding paghihirap at kabawasan, ninais ni Job na hindi na sana siya isinilang. Ito ay hindi kawalan ng galang na pag-alboroto ng kabataan na kasunod sa away at paghihiwalay ng magkasintahan.  Narating na ni Job ang higit pa sa sukdulan na makatarungan.  Ang lahat ng kanyang kayamanan ay nawala, ang lahat ng kanyang mga alagang hayop, mga lupain, mga gusali, mga tagapaglingkod, at ang kalunus-lunusan, ang kanyang mga anak ay patay nang lahat. At na kuskusin pa ng asin ang sugat, ang kanyang sakit sa balat ay tulad ng isang tambol na walang tigil na nagpapaalala ng kanyang mga kawalan.

Tamang-tamang Sandali

Dito sa tagpong ito, sa ika- 38 Kabanata, sa wakas ay itinuwid ng Diyos si Job.  Aasahan mong ito ay isang mabuting panahon para sa Diyos na mapang-aliw na yakapin siya, o ang Diyos na haring mandirigma ay patalsikin ang kaaway sa isang tabi.  Ngunit sa halip, ang Diyos ay nagsasabi ng pagtutuwid.  Maaaring mahirap para sa atin na unawain ito, ngunit higit na kinailangan ni Job ang naturang tugon mula sa Diyos kaysa ano pa mang tugon.

Paano ko ito masasabi nang may pagtitiwala?  Sapagkat alam lagi ng Diyos kung ano ang kailangan natin.  Ibinibigay sa atin ng Diyos kung ano ang pumapatnubay sa paglago, sa kabuuan, at sa kaligtasan—kung hahayaan natin ito.  Ang bahagi natin ay ang magpasiya kung nagtitiwala tayo na ang ginagawa ng Diyos ay para sa ating ikabubuti.

Sa wakas, ang maganda, tunay na katotohanan na dumadaloy sa kasaysayan ni Job ay pumaibabaw sa simula ng ika-42 Kabanata kung saan ipinagtapat ni Job, “Noo’y nakilala Kita dahil sa sinabi ng iba, subalit ngayo’y nakita Ka ng sarili kong mata. Kaya ako ngayon ay nagsisisi, ikinahihiya lahat ng nasabi, sa alabok at abo, ako ay nakaupo.”

Sa mag-isang talatang ito natin makikita ang pinakabuod ng paglalakbay ni Job. Ang kamalayang iyon na, meron pang higit kaysa sa ating makikita, isang mas malalim na katotohanan na dama natin ngunit hindi natin alam kung ano ang tawag, ay naging malinaw na ngayon.

Hanggang sa tagpong ito, si Job ay nakadinig ng tungkol sa Diyos mula sa ibang tao.  Ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos ay mula sa “sabi-sabi.” Ngunit ang kapinsalaan na kanyang dinanas ay naging daan upang pahintulutan siya na makita nang harapan ang iisa at tunay na Diyos sa sarili niyang mga mata.

Kung ninais ng Diyos na makipagkita sa iyo nang harapan, kung gusto Niyang maging mas malapit sa iyo higit sa iyong maiisip, ano ang handa mong batahin para mangyari iyon?  Mapipili mo bang masdan itong huling dalawang taon bilang isang hain ng pagsamba sa Diyos?  Kaya mo bang pagmasdan ang lahat ng mga pagsubok sa iyong buhay, ang lahat ng mga pagkawala at paghihirap, at aninawin ang mahiwagang kalooban ng Diyos na magsaayos sa mga ito?

Maglaan ngayon ng sandali at ialay ang iyong mga pagsubok sa Kanya bilang pagsamba, at pagkatapos ay mamahinga sa kapayapaang dumarating!

 

 

 

Share:

Stephen Santos

Stephen Santos is an author, songwriter, worship leader and speaker. He lives with his family in South Carolina, USA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles