Home/Makatawag ng Pansin/Article

Sep 01, 2021 800 0 Mary Therese Emmons, USA
Makatawag ng Pansin

KAHANGA HANGANG INA

Ang aking ina ay dapat na nagpapahinga nang payapa, walang sakit, sa isang kama sa ospital; ngunit ang kanyang huling mga araw ay nagsalarawan kung paano nya isinagawa ang tanang buhay nya.

Iyon ang huling araw ng paborito kong buwan, Oktubre. Dali-dali kong binibihisan ang aking maliliit na anak sa kanilang kasuotan para sa isang pagtitipon sa tahanan ng aking mga magulang.  Nang nakaraang taon, ang aking ina ay nasuri na may kanser at ang oras ng kanyang paglisan sa mundo ay papalapit na. Sinigurado ng nars ng hospisyo na bilang na ang mga araw bago masakop ng mabalasik na kanser ang maselan at maliit na pangangatawan ng aking ina.

Hindi kapanipaniwala ang balitang ito. Kamakatlong araw lang, nasaksihan ko siyang maliksi at nakikipagtulungan gaya ng lagi — nag-aayos ng mga sirang rosaryo at naghahanda ng hapunan para sa aking ama. Yan ang aking ina. Siya ay isang kahanga-hangang halimbawa ng walang pag-iimbot at pagmamahal. Ang bawat nakakakilala sa kanya ay tinawag siyang isang buhay na santo. Sa pamamagitan ng kanyang magandang halimbawa, tinuruan niya kaming lahat kung paano pasanin ang aming mga krus na may tiwala at pag-asa. Dahil sa isang matuwid na pamumuhay, ang aking ina ay hindi natakot na mamatay. Ang pananalig nya sa kanyang pananampalataya at pagtatalaga sa Banal na Misa at Rosaryo ay nakapanghihikayat. Si Santa Teresa ng Calcutta ay minsang nagsabi, “Ang buhay na hindi inialay para sa iba ay hindi isang buhay.” At tunay na isinabuhay ng aking mahal na ina ang mga salitang ito.

Pagkasugod ko sa bahay ng aking mga magulang nang gabing iyon, tinungo ko ang maliit at madilim na silid ng aking ina. Dinatnan ko syang nakahiga sa kama na napapaligiran ng aking mga kapatid. Ayon sa kapatid ko, ilang oras bago nito, nakaramdam nang hindi mabute ang aking ina kaya sya ay nahiga, at ngayon ay mistulang walang malay at hindi makapagsalita. Maghapon siyang naghahanda ng pagkain para sa pampamilyang pagtitipon para sa gabing iyon, sa halip na nakahiga, namamahinga nang payapa na walang nararamdamang sakit. Ang kanyang mga huling araw, ang kanyang huling mga kilos, ay larawan mismo ng kung paano niya ginugol ang kanyang buong buhay – saidin ang sarili sa pag-aalaga ng kapwa. Siya ay isang buhay na halimbawa ng pagpapakasakit.

Kailanman, ang aking ina ay hindi magreklamo sa walang tigil na sakit, o dumaing sa nakakasaid na paggagamot sa kanser, o kahit na sa katotohanang binigyan siya ng napakalaking krus na ito. Puno ng pananampalataya at kagaanang-loob na tinanggap ng aking ina ang lahat nang walang pag-aalinlangan – masayang inaalay ang krus na ito sa Diyos.

Labindalawang oras na walang patid, nanatili ako sa tabi ng aking ina – hindi ko sya maiwan sa oras ng kanyang pagdurusa. Hindi nais ng aking ina na sya ay pumanaw sa isang ospital, at napagtanto ko kung gaano kamaawain ang Amang Walang Hanggan na pinayagan siyang pumanaw nang payapa, sa kanyang sariling tahanan, na napapaligiran ng kanyang asawa at lahat ng sampung anak. Habang dahan-dahang lumipas ang mga oras, nagdasal kami ng Rosaryo sa huling pagkakataon bilang isang pamilya, tulad ng gawi namin habang lumalaki. Luhaan kaming nagmasid habang binibigyan ng aming kura paroko ang aming ina ng Pagpapahid sa mga May Sakit sa huling pagkakataon. Palit-palit kami sa pag-upo sa tabi ng kanyang kama, nagpapasalamat sa kanya sa pagiging lubos na halimbawa para sa amin sa tunay na pagsasabuhay ng kanyang pananampalataya na may ganap na pagtitiwala sa panukala ng Diyos. Alam naming lahat na kahit tinanggap ng aking ina ang krus na ito at handa nang pumasok sa Pintuan ng Langit, nasasaktan ang kanyang puso sa pag-aalala sa titiisin naming sakit sa kanyang pagpanaw. Gayunpaman, matapos masuri, tiwala nyang sinabi sa amin na mas makapagsisilbi siya sa amin kapag sya ay nasa Langit kaysa siya ay nasa lupa – at hindi ko ito pinagdudahan.

Ganap na hindi makapagsalita, napansin namin ng aking mga kapatid na bahagyang iginagalaw ng aming ina ang kanyang mga daliri sa harap ng kanyang bibig – na parang banayad na pinapalo ang aking mga kapatid kapag sinusubukan nilang bigyan sya ng pampawi ng sakit. Ito ay hindi maipagkakamali. Nagtinginan kaming lahat na lumuluha, sa wakas ay binigkas namin nang malakas kung ano ang iniisip namin. Nais niyang magdusa at iniaalay niya ito para sa amin.

Ang gabi ay dahan-dahang naging araw, at habang nilalabanan namin ang antok, napansin namin ang mahinang paghinga ng aking ina, ang kanyang mahal na ama at mga apo na maagang kinuha, naghihintay sa kanya. May bigat sa pusong minasdan ko sya habang hinugot niya ang kanyang huling hininga. Lahat kami sa maliit at masikip na silid ay natahimik. Mahina akong bumulong, “Nakita na ng ating Ina ang mukha ng Diyos.” Sa sandaling iyon, tumigil ako sa pagdadasal para sa aking ina at nagsimulang manalangin sa kanya. Ito ay Araw ng mga Santo. Isang napakaalugod na pagtanggap sa kanya!

Share:

Mary Therese Emmons

Mary Therese Emmons is a busy mother of four teenagers. She has spent more than 25 years as a catechist at her local parish, teaching the Catholic faith to young children. She lives with her family in Montana, USA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles