Home/Makatagpo/Article

Oct 29, 2021 773 0 Teresa Ann Weider, USA
Makatagpo

IPASA MO SA PANALANGIN

Nagdadasal ka ba para sa isang himala? Heto ang isang paraan na gagawa ng kababalaghan para sa iyo!

Madaming taon na ang lumipas, napagpasyahan naming mag-asawa na harapin ang tungkol sa katiyakan ng kamatayan. Pinangahasan namin ang sakop ng huling habilin, pamana, ari-arian, at iba ba tungkol dito, kasama na ang pagpapatupad ng mga ito.  Tinangka din naming pag-uri-uriin ang aming mga makamundong ari-arian.  Hindi kapanipaniwalang nang sinisikap naming itala ang aming mga pag-aari ayon sa halaga nito.  Ang sasakyan ba ay nagkakahalaga nang higitpa sa album ng aming mga kuha noong kami ay ikasal?  Mauunawaan ba ng aming mga anak ang kahalagahan ng mga alaala, sentimental na bagay, o pamana ng aming mga ninuno tulad nang pagpapahalaga naming mga magulang nila?  Anong pangmatagalang pamana ang maaari naming iiwan sa bawat isa sa kanila na magiging mahalaga o makabuluhan para sa kanila kapag kami ay pumanaw na pabalik sa Panginoon?  Sa kabutihang palad, ang Diyos ay may sagot sa lahat ng aking mga katanungan at, tulad din sa Banal na Kasulatan, gumamit Siya ng mga kwento upang ihayag ang mga katotohanang ito.

Mga Abubot at Kayamanan

Ang kasaysayang ito ay umiikot sa aming pangalawang anak, si James (o Jimmy na kung tawagin namin), noong siya ay mga 6 na taong gulang.  Pinalaki namin ang aming mga anak sa isang maganda at kakaibang lugar ng New England na nag-aalok ng madaming mabubuting pagdiriwang na pangmag-anak para sa pakikipag-ugnayan sa pamayanan, tulad ng taunang perya ng bansa na idinadaos ng aming simbahan tuwing Taglagas. Ang aming mag-anak ay masigasig na tumutulong sa paghahanda ng peryang ito na inaabangan namin taun-taon.

Lumaki ang aming mga anak na  tumutulong kung saan at kailan sila kinakailangan.  Dahil dito, nakilala sila ng iba pang mga nagsikusang-loob na tumulong sa parokya para maganap ang peryang ito.  Natutunan ni Jimmy kung aling mga kubol ang mayroong mga kayamanan na pumukaw sa kanyang kinawiwilihan.  Mayron siyang pagtatangi sa iba’t ibang mga kubol ng ‘White Elephant’ at ‘Rummage Sale’.  Kaya mga ilang linggo papalapit sa araw ng perya, siya ay kusang-loob na tumulong na itayo ang mga kubol na iyon na isang paraan para masiyasat ang anumang papasok na mga ‘goodies’ [mga kanais-nais, kaakit-akit na bagay].  Si Jimmy ay may katangi-tanging pagkawili sa lahat ng mga uri ng mga abubot at nabiyayaan siya ng isang matalas na mga mata para sa mumunting kayamanan, at isa ding pambihirang kakayahan sa pakikipagtawaran para sa mga ito.  (Isang pagunita lamang … ginagawa pa din niya ito!)

Isang taon, sa araw ng perya, matapos ang lahat ng mga pagsasaayos at ang bawat isa ay nakahanda nang makipagsaya sa pagdiriwang, nagpaalam si Jimmy para maghanap ng mga hiyas.  Kasama ng aming basbas at isang maliit na bulsa na puno ng pera, siya ay masaya at malayang humayo sa kanyang pakikipagsapalaran; samantalang ginugol naman naming mga naiwan ang araw sa pagtulong kung saan man kami kinailangan upang gawing matagumpay ang pagdiriwang na ito.

Ang buong araw ng pagdiriwang ay kapanapanabik at masaya para sa aming mag-anak, bagamat ito’y mahaba at nakakapagod, lalo na para sa aming munting mga anak.  Nang matapos ang perya, hapo kaming umuwi ng bahay at palit-palitan kaming nagsibahagi ng mga kaganapan sa araw na yon at nagsipakita ng anumang mga kayamanang nalikom.  Nang dumating ang pagkakataon ni Jimmy, taas-nuo niyang hinugot ang isang dakot na mahalagang mga abubot mula sa kanyang bulsa.

Isa-isa niyang ipinaliwanag ang kahalagahan sa kanya ng mga ito at kung paano siya tumawad para sa bawat isa.  Ipinahuli niya ang kanyang pinakamahalagang tuklas.  Habang dahan-dahan siyang dumukot sa kanyang maliit na bulsa, maingat niyang hinugot ang isang mahaba at gasgas na ginintuang kadena na may nakakabit na isang kasing gasgas na ginintuang krus. Habang itinaas niya ito para hangaan ng lahat, namanaag ang isang ngiting halos bumulalas ng “TA DA!”  Ang aking pusong-ina ay lumundag sa tuwa.  Kusang naunawaan ng itinatanging anak ng Diyos na ito ang tunay na halaga ng upod na krus.  Niyakap ko siya nang higit sa anim na ulit upang makibahagi sa kanyang kagalakan, bago ko sila pinaakyat para matulog.

Isang Maliit na Siwang

Di natagalan nang sila ay nagsi-akyat na, isang mahabang sigaw ng “Moooooom!” ang umalingawngaw sa may hagdanan na sinundan ng isang malinaw at namimighating hikbi na palatandaan ng isang malagim na pangyayari. Habang nananalangin na sana’y walang nasaktan, sumugod ako at natagpuan ko si Jimmy na nakatayo sa may pintuan niya, nakaturo sa sulok ng kanyang silid.  “Ano yon? Anong nangyari?  Ano ang problema?”, sunod-sunod kong tanong habang sinisipat ang silid para sa mga maaaring kasagutan.  Upang makatuklas ng linaw, yumuko ako para pakinggan kung ano ang bumabagabag sa kanya.  Humihikbi, agaw-hiningang ipinaliwanag niya na ang kadena ay dumulas sa kanyang mga daliri at nahulog sa isang napakaliit na awang sa tabla ng sahig.  Luhaang itinuon ang paningin sa akin, nagsumamong maibalik ang kanyang mahalagang kayamanan.  Pinatotohanan ng kanyang kuya ang kwento ni Jimmy.

Ang unang plano ay ang sinagan ng lente ang maliit na siwang, umaasang ang kadena ay tuloy-tuloy na nahulog kung saan makikita at mawawari kung paano ko ito masusungkit. Ngunit … sinawimpalad ako.  Sa sumunod na plano, tinipon ng aking asawa ang kanyang mga kagamitan at nagsimulang kalasin ang mga tabla ng sahig.  Bagamat maingat na naming ginalugad ang naturang puwang, ang kadena ay hindi pa din matagpuan.  Habang muling ibinalik ng aking asawa ang mga tabla ng sahig, sinubukan kong aliwin ang aming bigo at hapong anak.

Lahat kami ay hapong-hapo, maliwanag na wala nang magagawa pa sa gabing iyon.  Gayunpaman, nang sinimulan naming magdasal ng panggabing panalangin kasabay ng mga bata, isang bagay ang sumaisip sa akin.  Noong ako’y bata pa, mga kasing-gulang ni Jimmy, nagkaron ako ng laruang luksung-lubid na ikinatangi-tangi ko.  Sa kung anong kadahilanan, ang luksung- lubid ay nawakli na labis kong ikinalungkot, walang magawa. Napatigil ako at humiling ng tulong sa Panginoon na hanapin Nya ito para sa akin at ilagay sa isang takdang lugar na makikita ko kinaumagahan.  Sa laking-tuwa ko, nandoon nga ito kinabukasan. Sinagot ng Panginoon ang aking panalangin at mula noon, hindi ako tumigil sa pananalangin o pagtitiwala sa Kanya. (Basahin ang kuwentong ito sa aking sanaysay “Tulad ng Isang Bata” para sa Setyembre / Oktubre 2019 na lathala ng Shalom Tidings sa ShalomTidings.org).

Sa pagbabalik-gunita ng damdaming iyon, ipinasa ko ang aking karanasan sa aking mga anak at nanalangin kami katulad ng pagpanalangin ko nuon, na tulungan ng Diyos si Jimmy. Hiniling ni Jimmy sa Panginoon na ilagay ang kuwintas sa kanyang tokador, sa isang maliit na sisidlan kung saan niya inilalagay ang iba pang mahahalagang yaman. Tinapos namin ang araw sa panalangin na iyon.

Kayamanang Walang-Kupas

Kinaumagahan, nagising ako sa isa pang mahabang sigaw na, “Moooooom!” Nagpakahinahon ako sabay-suot ng bata, umaalingaw-ngaw sa aking isipan ang mga katanungan nang nakaraang gabi. Subalit sa halip na datnan ko ang isang umiiyak na anak sa may pintuan, si Jimmy ay bigay-todong nakangiti, at ang upod na ginintuang kadena at krus ay minsan pang nakabitin mula sa mahigpit na pagkakahawak ng kanyang munting kamay. “Nakita mo ba ang kadena ko kagabi?” sabik niyang tanong. Napasinghap ako. Alam ko ang tanong na iyon! Itinanong ko sa aking ina ang mismong tanong patungkol sa luksong-lubid nang makita ko ito madaming taon na ang nakalipas. Alam ko ang magiging talab ng aking sagot sa kanya. Dahan-dahan akong umiling at inabot para hawakan ang munting kamay ni Jimmy. “Hindi, Jimmy. Hindi ko nakita ang kadena mo. Humingi ka ng tulong sa Diyos at sinagot Niya ang iyong panalangin.” Hinayaan ko munang manahan nang ilang sandali ang aking sagot sa kanyang munting puso.

Humantad sa may pintuan ang aking asawa at ang isang anak na inaantok pa at nagtanong, “Ano ang nangyayari dito?”  Sa kanila naman nagtanong si Jimmy, “Nakita nyo ba ang aking kadena kagabi?”  Walang makapagpaliwanag kung paano lumitaw ang kadena sa maliit na kahon ng kayamanan.  Dinalaw ng Panginoon si Jimmy nang gabing iyon, at naging pagkakataon ko ito na maipasa ang aral na natutunan ko noong ako ay bata pa.

Jimmy, kapag nagdadasal tayo sa Diyos, nakikinig Siya sa atin. Kagabi, kinailangan mo ng tulong at hiniling mo sa Diyos na tulungan ka sa isang tuwirang paraan.  Nadinig ka ng Diyos at tinulungan ka.  Nais kong pakatandaan mo ang sandaling ito.  Nais kong malaman mo na PALAGI kang makakahiling sa Panginoon na tulungan ka ano man ang kailangan mo o kahit ano pa ang edad mo.  Palagi ka Niyang tutulungan.  Naiintindihan mo ba?” Tumingin siya sa kanyang maliit na krus at tumango.  Ang katuturan ng pangyayari ay nagsimulang mag-ugat sa kanya at sa aming lahat. Wala sa amin ang nakalimot sa araw na iyon at ibinahagi namin ang kuwento ng maliit na krus sa mga kapatid nilang isinilang kasunod ni Jimmy.

Mutyang Pamana

Sa wakas, natapos naming mag-asawa ang aming mga paglilimi sa pamamahagi ng aming mga ari-arian sa aming mga anak. Maaaring hindi nila lubos na maunawaan ang halaga sa pera, o ang aming pagpapahalaga sa aming mga makamundong pag-aari at okey lang iyon.  Kapag nagugunita ko ang kwentong ito, ipinaaalala ng Panginoon ang Kanyang sinabi sa Mateo 6: 19-20, “Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na doo’y mayrong gamu-gamo at kalawang na maninira, at doo’y mayrong mga manloloob na papasok at magnanakaw.  Sa halip, mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y wala ni gamu-gamo o kalawang na naninira at doo’y walang manloloob na papasok o magnanakaw”. Sinasabi sa atin ng Diyos sa Banal na Kasulatan na huwag mag-ipon ng mga bagay dito sa lupa na malalanta at mamatay.  Sinasabi Niya sa atin na tipunin ang ating mga kayamanan sa langit.  Idiniin namin sa aming mga anak ang kahalagahan ng panalangin at ang walang hanggang halaga ng pagkakaroon ng sampalataya sa Diyos.

Natagpuan ko ang kapayapaan at ginhawa sa pagkakaalam na naipamana namin sa aming mga anak ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang tapat at mapagdasal na pakikipag-ugnay sa Diyos.  At ipinasa naman nila sa kani-kanilang mag-anak ang pananampalataya at mga kasaysayan nila tungkol sa Diyos.  Ang pagpasa ng aming sampalataya sa pamamagitan ng pagdadasal ay ang panghabang-panahong pamana namin at yaman sa langit.  Ngayon, nais kong hikayatin ka.  Hindi pa huli ang lahat upang simulan ang iyong sariling pamana.  Ipanalangin na lumakas pa ang iyong sampalataya at ipasa ang iyong sampalataya sa mga taong inilagay ng Diyos sa iyong buhay.  Pagpalain kayo ng Diyos, mahal na mga kapatid.

Share:

Teresa Ann Weider

Teresa Ann Weider ay naglingkod sa Simbahan sa loob ng maraming taon sa pamamagitan ng kanyang aktibong pakikilahok sa iba't ibang ministeryo. Nakatira siya kasama ang kanyang pamilya sa California, USA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles