Home / Interview

Jul 27, 2023 265 0 Dr. Brian Kiczek

NAMUMUKOD NA PANAYAM: KILALANIN ANG MANGGAGAMOT NG ROSARYO

Sa loob ng mahigit na isang dekada, sinundan ni Dr. Brian Kiczek ang madilim na landas ng ateismo at mga paniniwala sa Bagong Panahon hanggang sa tablan siya ng katotohanan ng impiyerno

Isang sulyap sa iyong kabataan, lalo na tungkol sa iyong pananampalataya.

Pinalaki ako sa isang malaking mag-anak ng mga Katoliko. Nag-aral sa mga paaralang Katoliko. Noong mga unang taon, nakianod ako sa agos, sumabay sa pananampalataya ng aking pamilya. Sa di-kabutihang palad, ginawa ko ito nang walang labis na pagsisikap. Noong mga 13 taong gulang ako, sinimulan kong pag-alinlanganan ang aking pananampalataya. Tulad ng madaming mga kabataan, nabitag ako sa pornograpiya. Alam kong naaapektuhan nito ang aking pananampalataya. Nang ako ay nag 18 taong gulang, ako ay naging ganap na ateista.

Ano ang nagtulak sa iyo sa atheismo at pagkatapos ay sa espiritwalidad ng Bagong Panahon?

Ang banta ng impiyerno ay laganap sa loob ng pananampalataya. Kapag naramdaman mong mapupunta ka sa impiyerno, nakakapahinahon na iwaksi ang Diyos at alisin ang pananampalataya. Ang akala ko ito ay isang napakatalinong pasya. Nadama ko na maaari akong maging isang diyos kung maaalis ko ang Diyos. Kaya kong magpasya kung ano ang tama at mali. Nahikayat ako ng mga manunulat tulad ni Ayn Rand sa panahong ito. Mula sa atheismo, na isang paniniwala sa wala, napunta ako sa espirituwalidad ng Bagong Panahon na parang isang mataas na hakbang. Naghahanap ako ng bagay na higit pa sa sarili ko noon. Nasa isang madilim na hukay ako. Nais kong humanap ng paraan palabas. Ang espirituwalidad ng Bagong Panahon ay ang simula ng aking landas palabas.

Gaano katagal ka nakipagsiksikan sa espiritwalidad ng Bagong Panahon at ano ang naghantong sa iyo sa Katolisismo?

Masasabi kong ang yugtong ito ay tumagal ng tatlo o apat na taon. Unti-unti kong napagtanto na kahit na nakamit ko ang nirvana, wala akong pakialam kung umiiral ako o hindi. Ito ay kawalang pag-asa. Hindi ito mas mahusay kaysa sa ateismo. May pakialam pa din ako. Palagi kong hinahanap ang katotohanan. Nagsimula akong magbasa ng Bibliya araw-araw, at binago ako nito. Habang napapalapit ako sa Diyos, naunawaan ko din ang katotihanan ng Impiyerno. Kinailangan kong kilalanin na kung mayroong Impiyerno, malamang na pupunta ako doon. Ikinatakot ko ito.

Mayroon bang sinumang nakahikayat sa iyo sa mga unang taon ng iyong paglalakbay sa pagbabagong loob?

May mga kaibigang akong Kristiyano na kung kanino ako ay nakikipagtalo tungkol sa mga bagay sa pananampalataya. Sa bandang huli, ang pagpapakasal sa aking asawa ang nagpabago sa aking pananampalataya. Ikinasal kami noong ika-15 ng Agosto, ang Pista ng Assumption ng Birheng Maria Kabalintunaan, ikinasal ako sa mismong simbahan kung saan ako bininyagan ilang taon na ang nakaraan. Ibinalik ako ng Diyos sa iisang simbahan. Sa araw ng aking kasal, nakipagtalo ako sa pari, si Padre Eric, tungkol sa hindi pag-iral ng Diyos. Kahit hindi na ako ateista, naiintindihan ko pa din ang proseso ng gayong kaisipan. Ang mga aspeto ng pananampalataya ay hindi mapapatunayan. Hindi mo mapapatunayan na may Diyos, kahit na Siya ay nagpakita sa harap mo. Maaaring sabihin ng mga tao na guni-guni lang ang mga bagay. Kahit na personal mong nakilala si Hesukristo, paano mo mapapatunayang Siya ay Diyos? Paano mo mapapatunayan na ang Diyos ay nasa Eukaristiya? Doon pumapasok ang pananampalataya.

Maaari mo bang sabihin sa amin ang tungkol sa sandaling tinanggap mo si Hesus bilang iyong Tagapagligtas?

Mga dalawang buwan matapos kaming ikasal, nagkaroon na kami ng di pagkakaunawaan sa aming relasyon. Isa sa mga bagay na magtutulak sa iyo sa Diyos ay ang buhay ay mahirap. Tinawagan ako ni Father Eric at kinausap. Dahan-dahan niya akong dinala kay Kristo at sa Rosaryo.

Paano ka nakilala bilang ‘Manggagamot ng Rosaryo’?

Mula nang simulan kong mag-Rosaryo nang tuluy-tuloy, pinalapit ako ng Diyos sa Kanya at sa Kanyang Anak na si Hesus. Habang pinagninilayan ko ang Kanyang pagdurusa at kamatayan, lalo Niyang binago ang aking buhay. Kumpara sa pagdurusa ni Hesus, ang anumang pinagdadaanan ko ay parang magaan. Sinimulan kong ibahagi ang mensahe ng pagpapagaling na ito, at hinimok ang iba pa na magdasal ng Rosaryo upang madanasan din nila ito.

Paano mo pinapagsama ang iyong pananampalataya sa iyong propesyon at sa iyong buhay?

Kasalukuyan tayong nasa isang napaka-atheistic na lipunan, kaya ito ay nagiging isang hamon. Natutunan kong ibahagi ang aking pananampalataya sa tamang mga sandali. Mahalagang laging may ngiti, laging maging matiyaga, at laging may malasakit. Nag-akda ako ng isang aklat, “My First Autograph,” na tungkol sa pagtalima sa iyong mga pangarap. Ang ating mga pangarap ay nagdadala sa atin sa Langit. Kapag nakita kong ito na ang tamang oras para magbigay ng rosaryo o turuan sila kung paano magdasal ng Rosaryo, ginagawa ko.

Sa iyong aklat, “My First Autograph,” isinulat mo: “Ang alibughang mga anak na lalaki at babae ng mundong ito ay babalik sa Diyos nang kawan-kawan habang ang taggutom sa mundo ay lumalala at patuloy na nananakop.” Maaari mo bang ipaliwanag iyon?

Isa ako sa mga alibughang anak na iyon. Bahagi ng dahilan kung bakit ako bumaling sa Diyos ay dahil sa isang espirituwal na taggutom sa aking buhay. Pakiramdam ko nawala ako at nag-iisa. Pagkatapos, natuklasan ko na naroroon ang Diyos. Ang kailangan ko lang gawin ay bumaling sa Kanya. Kung hindi ako nawalan ng pananampalataya, malamang na hindi ko ito gaanong pahahalagahan. Hindi ko kailanman malalaman kung gaano kalamig sa labas, at kung gaano kainit kasama si Hesus.

Ano ang iyong debosyon kay Mama Mary, lalo na sa kanyang Anak na si Hesus? Paano ka pinalalapit ni Maria sa Kanya?

Sila ay hindi mapaghihiwalay. Ang pagdurusa ni Maria at ang pagdurusa ni Hesus ay magkaugnay. Ito ay isang sirkulo ng pag-ibig. Hindi ko nakikita ang aking sarili na lumalapit kay Hesus nang wala si Maria. Ang pagdurusa Nila ang nagbalik sa akin. Ang pari na nagkasal sa amin ay si Padre Eric. Sinubukan kong makipagtalo sa kanya tungkol sa mga usapin ng pananampalataya at baguhin ang kanyang pananampalataya sa ateismo. Pagdaan ng ilang buwan, handa na akong makinig kay Padre Eric nang may bukas na puso. Ngayon, makalipas ang 23 taon, ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya upang maipalaganap ang pag-ibig ni Hesus at ang pag-ibig ng Rosaryo at ng ating Inang Maria.

Dr. Brian Kiczek

Dr. Brian Kiczek is a Chiropractor from New Jersey. He is the founder of Ultimate Decade Rosaries and cofounder of Dolls from Heaven.

Share: