Home/Makatawag ng Pansin/Article

Sep 09, 2021 1213 0 Sean Booth, UK
Makatawag ng Pansin

HALIK NG PAGMAMAHAL

Nagpapagaling pa ba si Jesus at nagsasagawa ng mga himala ngayon?

Isang Masidhing Tawag

Bilang isa sa walong anak, naaalala kong kasama ang aking ina, nanonood ako ng apela sa TV na humihiling ng mga ambag para sa mahihirap at gutom na mga bata sa Africa. Nakaramdam ako ng kirot at parang may bato balaning hinila ang pansin ko sa isang umiiyak na batang lalaking kasinggulang ko. Naramdaman ako ang mainit nyang titig habang isang langaw ay dumapo sa kanyang labi na hindi man lang niya napansin. Kasabay nito, isang labis na alon ng pagmamahal at kalungkutan ang tumangay sa akin.

Pinanunood ko ang mga taong nangangamatay sa kakulangan ng pagkain samantalang maginhawa akong nakaupo ilang metro lamang mula sa isang punóng palamigan. Hindi ko maintindihan ang kawalang-katarungan at nag-isip ako kung ano ang magagawa ko. Tinanong ko ang aking ina kung paano ako makakatulong, sinabi niyang maaari kaming magpadala ng pera, ngunit nakadama ako ng isang tungkuling personal, na ditekta. Ang damdaming iyon ay sumisigaw sa aking puso sa iba’t ibang panahon ng aking buhay, ngunit hindi ko talaga alam kung ano ang maaaring kong gawin na mas direkta at personal. Lumaki ako sa paniniwalang mayroon akong tungkulin sa aking buhay, na ako ay nabuhay upang gumawa ng pagbabago at na ipinanganak ako upang magmahal, maglingkod, at tumulong sa kapwa. Ngunit ang buhay ay palaging tila nakasagabal para maisagawa ang mga paniniwalang iyon.

Paglalakbay sa Buhay

Noong 2013, gumugol ako ng panahon sa isang Ingles na bilangguan. Doon ko nakatagpo ang Muling Nabuhay na Panginoon na syang pinakamalaking pagbabago na naranasan ko sa aking buhay. Hindi sapat ang puwang para  maipaliwanag ko ang lahat (sumangguni sa aking talambuhay na nasa dulo ng artikulo upang makuha ang dugtong sa Shalom World TV program na “Jesus My Savior” na episode kung saan sasabihin ko ang bahagi ng aking kuwento), ngunit pagkatapos ng nasabing pagtatagpo ay isinuko ko ang aking buhay sa Kanya at ito ay naging isang hindi kapani-paniwalang paglalakbay mula noon.

Noong 2015, nang makatagpo ko ang isang relihiyosong Amerikano na nagsisilbi sa mga mahihirap sa Calcutta, India, nakita ko sa wakas ang aking pagkakataon na maglingkod sa mga mahihirap. Sa loob ng ilang buwan, lulan ako ng isang eroplano patungong India para magkawanggawa sa Missionaries of Charity ni Mother Teresa.

Pagdating ko, tumingin ako sa kalangitan ng gabi at nadama ko ang kaanyuan ng Diyos. Pag-upo ko sa taksi, agad kong naisip ‘Ako’y nasa sarili kong tahanan’, bagaman ako’y nasa isang lugar na hindi ko pa napuntahan. Nang simulan ko ang aking pagkakawanggawa, nantindihan ko kung bakit magaan ang aking pakiramdam: Ang tahanan ay kung saan nananahan ang iyong puso.

Di mabilang ang dami ng mga pagkakataong nakatagpo ko si Jesus sa mahihirap at magagandang tao sa India. Sinabi ni Mother Teresa na ang Banal na Salita ay maaaring ilarawan sa 5 mga daliri: ‘ginawa …mo… ito … sa … akin’ (Mt 25:40), at palagian kong nakikita ang mga mata ni Jesus sa mga mahihirap. Mula  pagkadasal pagkagising tuwing umaga hanggang sa mahiga na sa gabi ay nakadama ako ng pagmamahal. Bago matulog, nagsusulat ako sa aking talaarawan hanggang abutin ako nang madaling araw. Nagtataka ang mga kasama ko kung paano ko ito nagagawa. Isang paliwanag lamang – ang liyab sa aking Puso na Siyang Banal na Espiritu.

Dungawán sa Kaluluwa

Sinabi nila na ang mga mata ay ang mga dungawan sa kaluluwa.  Sa pamamagitan ng mga mata, matagumpay akong nakipag-ugnay sa isang inalagaan kong batang may kapansanan na araw-araw ay nag-aanyayang makipaglaro ng kard. Pagkat siya’y pipi at di makagamit ng kanyang mga braso at binti, itinuturo niya kung aling kard ang nais niyang baliktadin ko. Sa paglipas ng mga araw, dumalas ang aming ugnayan kahit na walang mga salitang nagmula sa kanyang bibig. Nag-usap kami sa pangkalahatang wika ng pagmamahal sa pamamagitan ng mga mata.

Isang araw hiniling niyang dalhin ko siya sa loob ng bahay at humantong kami sa isang mataas na imahe ng Banal na Awa. Tinanong ko kung mahal niya si Jesus; ngumiti siya at tumango. Pumasok kami sa kapilya at habang inaalalayan ko siya palapit sa tabernakulo, itinapon niya ang sarili mula sa wheelchair, pataob. Sa pag-aakalang siya ay nahulog, nag-akma akong tulungan siya, ngunit itinulak niya ako at nagsagawa ng isa sa pinakamagandang pagsamba na aking nasaksihan. Buong lakas na itinulak niya ang kanyang sarili paluhod. Lumuluhang lumuhod ako sa kanyang tabi. Habang pinangunahan ko ang Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Luwalhati, gumawa siya ng mga tunog na tumutugma sa ritmo at tono ng aking mga salita. Mula pagkasilang ay hinarap nya ang buhay ng pagdurusa, pagtanggi, at pagkabukod. Bagaman ang kanyang katawan ay lumpo, lumuhod siya na nanalangin at nagpasalamat sa Diyos at ito ay naglbigay ningning at nagturo sa akin kung paano dapat gawin ang pananalangin.

Isang araw naman, ipinakita niya sa akin ang lahat ng kanyang mga ariarian. Binuksan niya ang isang maliit na kahon ng sapatos na naglalaman ng mga larawan noong unang makita siya ng mga Missionaries of Charity Brothers at dinala sa kanilang tahanan. Ang isa ay sa kanyang Binyag, isa sa kanyang Unang Banal na Pakikinabang, at isa pa sa kanyang Kumpil. Gustung-gusto niyang ipakita ang mga larawan at gusto ko ding panoondin at makita ang kasiyahan niya sa pagpapakita ng mga ito sa akin.

Mas Mahusay Kaysa sa Ginto

Nang dumating ang oras ng aking paglisan, napaluha ako at halos di maka- pagpaalam sa aking bagong kaibigan.  Nasa tabi kami ng kanyang kama nang itinuro niya ang kanyang unan. Nang hindi ko maintindihan, isang batang residente na may Down’s syndrome ang nagtaas ng unan, at nasiwalat ang isang rosaryo. Sinunggaban ito ng aking kaibigan at iniabot sa akin. Dahil alam kong ilan lang ang meron siya, tinanggihan ko ito. Sa nakasimangot niyang kilay tinitigan niya ako na nagpahiwatig na kailangan kong tanggapin ito. Paatubiling inilahad ko ang aking kamay at ibinaba niya ang rosaryo sa aking palad. Sa sandaling sumalang ang rosaryo, nakaramdam ako ng pagmamahal na naglakbay sa aking katawan. Ang rosaryo ay gawa sa string at plastik, ngunit mas mahalaga ito kaysa sa ginto o mahalagang bato. Hinalikan ko siya at ang rosaryo at lubhang natigilan sa kung gaano ako pinagpala ng Diyos sa pamamagitan ng kagandahan at pagmamahal ng kamangha-manghang taong ito. Tulad ng balo sa Banal na Salita, nagbigay siya nang labis sa kabila ng matinding kahirapan.

Noong ika-4 ng Setyembre 2016, ipinahayag na santo si Mother Teresa. Nagkaroon ako ng layang mapunta sa St Peter’s Square para sa Misa ng Kanonisasyon. Nang sumunod na umaga (Setyembre 5, araw ng kapistahan niya), nagpasya akong dumalaw sa St John Lateran Basilica bago lumipad pauwi para pasalamatan ang Diyos sa aking karanasan, at para kay Mother Teresa. Pumasok ako sa simbahan;  walang ibang tao maliban sa dalawang madre na nakatayo sa tabi ng banal na labi ni Mother Teresa. Tinanong ko kung maaari kong idampi ang aking bagong rosaryo sa banal na labi habang nagdarasal. Ipinaliwanag ko kung sino ang nagbigay nito sa akin at nagpasalamat sa kanyang pag-unlak. Nang ibalik niya sa akin ang rosaryo, at habang hinahalikan ko ito, binigyan niya ako ng isang kard ni Mother Teresa na may nakasulat sa likuran: ‘Lahat para kay Jesus sa pamamagitan ni Maria’.  Ang pariralang iyon ay sumabog sa aking puso. Hiniling ko kay Jesus na ipakita sa akin kung ano ang pinaka nakalulugod sa Kanya at ang kard na ito ang nagbigay ng sagot sa aking dalangin. Habang nagdarasal ako ng pasasalamat, nakaramdam ako ng tapik sa aking balikat. Ang isang babae na naka surgical na maskara at nakatutok ang tingin sa akin ay nagwikang, ‘Kung anuman ang ipinagdarasal mo, huwag matakot. Ang Diyos ay kasama mo’. Agad akong tumayo at sa pagmamahal na dumaloy mula sa kaibuturan ng aking pagkatao, hinalikan ko ang babae.

Sinabi ng babae na may cancer siya. Aniya pa, “Ngunit ang nakakatuwang bagay ay hindi ko mapapagaling ang aking sarili.” Sabi ko, “Totoo iyon, hindi mo maaaring pagalingin ang iyong sarili, ngunit magagawa ng Diyos, at para mangyari yan, dapat kang magkaroon ng pananampalataya.”

Tumugon siya na kakaunti ang kanyang pananampalataya. Sinabi ko na sapat na yon dahil sinabi ni Jesus na kailangan lamang natin ang ‘pananampalataya kasing laki ng isang buto ng mustasa’ upang itulak ang bundok (Marcos 11: 22-25). “Kung maaari nating itulak ang bundok, maaari din nating itulak ang cancer.” Hiniling ko sa kanya na ulitin sa akin ang ‘Maniwala para makatanggap’ (Marcos 11:24). Inulit niya ito at nang paalis na kami, binigyan ko siya ng isang rosaryo mula sa Medjugorje at nagpalitan kami ng mga numero ng telepono. Sa mga dumating pang linggo hinikayat ko siya sa mga email at teksto na magtiwala kay Jesus at patuloy na hilingin ang kanyang paggaling.

Hindi Maisalarawan na Kapangyarihan

Isang hapon, habang papasok ako ng simbahan, nagtext siya sa akin. Ptungo siya ng ospital para sa isang panrepaso at humiling ng panalangin. Sa kanyang huling pagsuri, nakitang kumalat na ang kanser. Habang nagdadasal ako sa araw na iyon naramdaman ko ang tagos ng sikat ng araw sa minantsahang salamin na bintana. Nang maglaon, muli siyang nagteksto sa akin na hindi iyon maipaliwanag ng mga doktor!

Hindi lamang siya mas malusog kundi ang cancer ay ganap nang naglaho. Nang malaunan, naalala ko, sa Roma nang sandaling tapikin niya ako sa balikat, nakaramdam ako ng malakas na paghimok na halikan siya. Ilang sandali bago ang halik na iyon, hinalikan ko ang rosaryo na dumampi sa relic ni Mother Teresa. Nang ipaliwanag ko ito sa kanya, siya ay natigilan at sinabi kung paano hiniling ni Mother Teresa na sumama sa kanyang pamayanan, ilang taon na ang nakaraan nang sila ay nagkakilala. Sa halip, siya ay nag-asawa sa takot na tumugon sa tawag na iyon, . Ngunit ngayon sa madulang pagpapagaling na ito, di niya inaasahang siya’y kaugnay —sa pamamagitan ko, ng mga madre sa Basilica sa Roma, ng banal na labi ni Mother Teresa— sa banal na babae na nakilala niya maraming taon na ang nakalipas.

Paulit-ulit, naipakita sa akin ng mga kaganapan sa buhay ko na sinasagot ng Diyos ang panalangin, na si Jesus ay nagpapagaling pa, at ang mga himala ay nangyayari pa rin. Ang tulong ng mga santo at ang kapangyarihan ng Rosaryo ay sapat na upang itulak ang bundok.

Mahal na Jesus, mahal kita nang higit pa sa lahat ng mga bagay sa mundong ito. Tulungan mo akong makita Ka sa mga nasa paligid ko, lalo na sa aking pamilya, at maibahagi ang kagalakan ng pagmamahal sa Iyo. Sa bawat araw, nais kong mahalin Ka nang higit. Amen. 

Share:

Sean Booth

Sean Booth is a member of the Lay Missionaries of Charity and Men of St. Joseph. He is from Manchester, England, currently pursuing a degree in Divinity at the Maryvale Institute in Birmingham.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles