Home/Makatawag ng Pansin/Article

Sep 02, 2021 728 0 Bishop Robert Barron, USA
Makatawag ng Pansin

“DOMINION,”ANG MGA PANININDIGAN NG KANLURANIN, AT ANG KRUS NI KRISTO

Ang tanyag na mananaysay na si Tom Holland ay nagsulat ng isang kakaibang aklat na tinawag na Dominion:  Paano Itinatag Na Muli Ng  Kristiyanong Paghihimagsik Ang Mundo. Nilalagum ng pangalawang pamagat ang kanyang pangangatwiran.  Si Holland ay inis sa makamundong kaisipan na nangingibabaw sa kalipunan at na may gawing ituring ang Kristiyanismo bilang isang lipás, walang kwentang relihiyon, isang labí ng makalumang kapanahunan, isang sagabal sa pag-unlad ng moralidad at pag-iisip.  Ang katotohanan, katwiran nya, ang Kristiyanismo ang siyang naging at patuloy na pinaka-makapangyarihang tagahubog ng Kanluraning pag-iisip, bagamat ang panghikayat nito ay laganap at malalim na kung kaya madali itong bale-walain.

Ang mabisa nyang paraan sa pagsisiwalat nito ay una, ang bawian ng dangal ang Kristyanismo sa pamamagitan ng isang malupit at makatotohanang pagsasalarawan ng kahulugan ng pagpapako sa krus nang sinaunang panahon.  Nuon, ang mahatulang mamatay sa krus ng Roma ay ang pinakamasaklap na kapalarang maaring maisip ninuman.  Ang salitang ‘excruciating’, na tumutukoy sa pinakamasakit sa lahat ng pagdurusa na galing sa salitang Latin na ‘ex cruce’ (mula sa krus), ay angkop na naglalahad ng tunay na kahulugan ng mismong salitang ito.  Ngunit higit pa sa labis na pagdurusa sa krus ay ang di-maihahambing na dulot nitong kahihiyan.  Ang hubdan, ipako sa dalawang piraso ng kahoy, iwang mamatay sa krus nang ilang oras, o kahit araw pa, ilantad sa panunuya ng mga nagdaraan, at kahit namatay na, ay bayaan ang katawan na kainin ng mga ibon sa himpapawid at hayop sa parang, ay ang pinaka-walang-puring karanasan na maaaring mangyari.  Na hinirang, sa makatuwid, ng mga unang Kristiyano ang isang makasalanang ipinako sa krus bilang nabuhay na Anak ng Diyos ay katawa-tawa, nakakainis, at nakapanghihimagsik na pahatid. Binaliktad nito ang lahat ng mga pagpapalagay ng sinaunang mundo tungkol sa Diyos, sa sangkatauhan, at sa tamang kaayusan ng lipunan.  Kung ang Diyos ay nakilalang isang ipinako sa krus, ibig sabihin, kahit na ang pinakamababa at nalimot nang mga kaanak ng sangkatauhan ay karapat-dapat na mahalin.  At na hindi lang sa ipinahayag ng mga unang alagad ni Kristo ang katotohanang ito kundi tahasang isinabuhay pa sa pag-aalaga ng mga walang tirahan, mga maysakit, mga bagong-silang, at mga matatanda — na dahil dito ay naging mas mapanghimagsik ang kanilang pahatid.

Datapwat sinisiyasat niya ang mga iba pang paraan kung paano nahikayat ng kaisipang Kristiyano ang Kanluraning kabihasnan, tinuturing ni Holland ang pag-unawang ito, na nababanaag sa nakapakong si Jesus, ang syang higit na nakapagpabago.  Na winawalang bahala natin na karapat-dapat igalang ang bawat tao, na ang lahat ay nagtataglay ng pantay-pantay na karapatan at dangal, na ang mapang-unawang pagmamahal ay ang tamang pag-uugaling kapuri-puri, na sa totoo lang, ay isang tungkulin, tanggapin man natin o hindi, ng ating pagiging Kristiyano.  Ang patunay nito ay nasa pagbabalik-tanaw sa sinaunang kalinangan kung saan ang  mga kuro-kurong ito ay hindi nangibabaw, at kung bibigyang pansin kahit maging sa kasalukuyan, pati sa mga lipunan na hindi nahubog ng Kristiyanismo, kung saan ang mga pagpapahalagang ito ay walang pag-aalinlangan na iginalang.

Ang kahigtan ng aklat ni Holland ay inunawa nang may bihasang pagsisiyasat sa mahahalagang sandali ng kasaysayan ng Kanluran, na nagsiwalat sa hikayat ng punong kaisipan ng krus. Lalagyan ko ng mahalagang diin ang kanyang pagbasa ng ‘Enlightenment’, na ang pagpapahalagang pampulitika ay malayo sa Salita ng Diyos at sa kapanabay na mga kilusang “woke” [o “paggising”], na ang pagka-abala sa pagdurusa ng mga biktima at ng mga isinantabi ay bunga ng kulturang ang nasa puso, sa loob ng dalawang libong taon, ay ang isang nilalang an di- makatarungang hinatulan at ipinako sa krus. Pinahahalagahan ko ang pag-ulat nya sa sikat na awiting “All You Need is Love [Pagmamahal lamang ang kailangan mo]” na tinugtog ng Beatles sa harap ng masayang manunood. Ang damdaming ipinahiwatig ng walang kupas na awit na iyon ay ni isa kina Cesar Augustus o Genghis Khan o Friedrich Nietzsche ay sasang-ayon, ngunit sa katunayan ay tugma sa kaisipan nina San Augustin, SanTomas Aquinas, San Francisco ng Asisi, at ni San Pablo Apostol.  Gusto man natin o hindi, hinuhubog ng Kristiyanong paghihimagsik kung paano tayong mga nasa Kanluran ay patuloy na nakamasid sa mundo.

Ako ay lubos na sumasang-ayon sa bahaging ito ng paliwanag ni Holland – na nobenta porsyento ng aklat.  Ang puntong tinatalakay niya ay hindi lamang totoo; ito ay may malaking kahalagahan sa panahong ang Kristiyanismo, kadalasan, ay minamaliit o isinasantabi.  Para sa akin, ang buong aklat ay naipaliwanag sa bandang huli, nang aminin ng may-akda na hindi siya naniniwala sa Diyos o sa kabanalan ni Hesus o ng Kanyang Pagkabuhay na Muli.  Sa kanyang panghinuha, ang mapanghimagsik na etika [pagiging wasto] mula sa mga ganoong paniniwalap ay matatag, ngunit ang mga paniniwalang ito mismo, sa palagay niya, ay hindi sapilitan.  Ang paglilinang ng isang wastong kaayusan mula sa kahinahinalang mga dogma ay isang kilalang pagkilos sa mga makabagong naglilimi/pilosopo.  Nagsikap sina Immanuel Kant at Thomas Jefferson na gawin ang naturan.  Ngunit ito ay walang kabuluhang panukala dahil hindi maaring ihiwalay ang étika ng Kristiyano sa metapisiko at sa kasaysayan ng pinagmulan nito.  Kung walang Diyos at kung si Hesus ay hindi muling nabuhay, paanong ang bawat tao ay karapat-dapat na igalang at isakop sa mga karapatang hindi maaaring salungatin?  Kung walang Diyos at kung si Hesus ay hindi muling nabuhay, paanong hindi natin mapaghinuhang nanalo si Cesar sa lakas ng kanyang mapanghilakbot na krus? Maaaring hinangaan si Hesus bilang isang guro na may matibay na paninindigan, subalit kung siya ay namatay at nanatili sa kanyang libingan, mananaig ang kapangyarihang pulitika, at ang pagpapatunay na ang dangal ng bawat tao ay isang hangarin lamang na hindi maiisakatuparan.

Dapat lang malaman na nang ang mga unang Kristiyano ay nagpalaganap ng Ebanghelyo o Salita ng Diyos hindi sila nagpahayag para sa karapatang pantao o sa dangal ng lahat o ng iba pang mga naturang ideyang mahirap unawain;  sila ay magpahayag tungkol kay Hesus na namatay at nabuhay na muli dahil sa kapangyarihan ng Banal na Espirito.  Giit nila, ang taong pinatay ng emperyo ni Cesar ay binuhay ng Diyos. Talagang tama si Tom Holland na madami sa mga pinakamahusay na matuwid at katutubong gawi na pampulitika sa Kanluran ay nagmula kay Kristo.  Ngunit gaya ng mga pinitas na bulaklak na tatagal lamang ng ilang oras sa tubig, gayon din ang mga kaisipang iyon — hindi magtatagal ang mga ito kung ilalayo natin mula sa katotohanan ng krus ni Hesus.

Share:

Bishop Robert Barron

Bishop Robert Barron is the founder of Word on Fire Catholic Ministries and is the bishop of the Diocese of Winona–Rochester. Bishop Barron is a #1 Amazon bestselling author and has published numerous books, essays, and articles on theology and the spiritual life. ARTICLE originally published at wordonfire.org. Reprinted with permission.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles