Home/Makatagpo/Article

Apr 21, 2022 1061 0 Mary Smith
Makatagpo

BIYAYANG HINDI KARAPATDAPAT

Ang pag-inom, paninigarilyo at malayang paggawa ng anumang nais ko ay nag-iwan sa akin ng kahungkagan.

Buong buhay ko, pinaulanan ako ng biyaya ng Diyos, kahit na hindi ako karapat-dapat. Lagi kong iniisip, “Bakit Panginoon? Ako ay isang hindi perpektong makasalanan.” Walang pag-aalinlangan, palaging bumabalik ang isang sagot na nagpapatibay sa akin ng Kanyang pagmamahal sa akin.

Ang Talaarawan ni Saint Faustina, ay naglalarawan ng Kanyang awa nang napakaganda, “Bagaman ang kasalanan ay isang kailaliman ng kasamaan at kawalan ng utang na loob, ang halagang ibinayad para sa atin ay hindi kailanman mapapantayan. Samakatuwid, hayaan ang bawat kaluluwa na magtiwala sa Pasyon ng Panginoon, at ilagay ang pag-asa sa Kanyang awa. Hindi ipagkakait ng Diyos ang Kanyang awa sa sinuman. Maaaring magbago ang langit at lupa, ngunit ang awa ng Diyos ay hindi kailanman mauubos.” (Diary of Saint Maria Faustina Kowalska,72).

Hindi mabilang na mga karanasan sa biyaya at awa ng Ating Panginoon ang nagpabago sa aking pananampalataya at nagbigay-daan sa akin upang lumago sa mas malalim na pakikipagkaibigan sa Kanya.

Mga Makamundong Paraan

Sa lipunan ngayon, mahirap makahanap ng mga nasa hustong gulang o kabataan na nagsasagawa ng kanilang pananampalataya araw-araw. Malakas ang pang-akit ng materyal na mundo. Bilang isang 24 taong gulang, personal kong naranasan ito. Sa halos 8 taon, bilang isang kabataan at nasa hustong gulang, mas pinahahalagahan ko ang opinyon ng mundo kaysa sa Diyos. Kilala ako bilang isang babaeng mahilig sa kasiyahan—pag-inom, paninigarilyo, at malayang ginagawa ang anumang gusto ko. Lahat ng tao sa paligid ko ay nasa iisang bangka at nasisiyahan kami sa ginagawa namin kahit wala itong katuturan.

Sa panahong ito ng aking buhay, nagsisimba pa rin ako tuwing Linggo ngunit hindi ko lubos na nauunawaan ang aking pananampalataya. Pinadadala ako ng aking mga magulang sa maraming retreat noong ako ay lumalaki. Bagama’t palagi akong may mga kahima-himalang mga karanasan at pakikipagtagpo kay Jesus, nakahinang pa rin ako sa mga paraan ng mundo. Sa mga naging karanasan ko sa mga retreat ay naging mausisa ako tungkol sa aking pananampalataya ngunit hindi iyon nagtagal. Kalaunan magbabalik naman ako sa pakikipag-saya at pakikipag-inuman kasama ang aking mga kaibigan at kalilimutan ang lahat ng aking magagandang desisyon. Sa tingin ko, maraming mga taong kaedad ko ang may katulad na kuwento.

Kinailangan ko ng humigit-kumulang na 8 taon bago ko napagtanto na may higit pa sa buhay kaysa sa materyal na kasiyahan at sa biyaya at tulong ng Diyos nagawa kong talikuran ang mga paraan ng mundo at hanapin Siya sa lahat ng bagay. Sa wakas ay natagpuan ko ang katuparan sa Kanya dahil nagbibigay Siya ng kagalakan na walang hanggan, hindi panandalian. Gayunpaman, bago ko tuluyang talikuran ang mga makamundong kasiyahan, sinubukan kong manatili ang isang paa sa mundo habang sinusubukang manatili sa landas na inilatag ng Panginoon para sa akin. Natuklasan ko na ito ay isang akto ng pagbabalanse na hindi ko kayang pamahalaan.

Paggaling

Sa una, inakala ko na maganda ang aking ginagawa sa aking paglalakbay sa aking pananampalataya at tuluyang nag-aral patungo sa isang degree sa Teolohiya. Bagaman, noon pa man ay mas nakatuon ako sa aking sarili kaysa sa pakikipagrelasyon sa mga lalaki, sinisikap kong gawing pangunahing priyoridad ang aking relasyon sa Diyos. Gayunpaman, hindi ko isinuko ang aking pagkahilig sa alak, mga droga at pamumuhay ng pakikipagsaya. Ang isang bagong relasyon ko sa isang lalaki ay nagsimulang yumabong nang mabilis at nagsimula kaming maging sekswal na magkaibigan bagaman alam kong ito ay isang bagay na hinihiling sa akin ng Diyos na talikuran. Ang alak at mga droga ay nakatulong sa akin na maging mapurol sa katotohanan na ako ay nabubuhay pa rin sa kasalanan at miserableng natatalo sa pagdaig ng aking mga tukso.

Ngunit, sa Kanyang awa, binigyan ako ng Panginoon ng isang nakagigising na pangyayari. Sa pangalawang pagkakataon ng aking pakikipagtalik sa lalaking ito, bigla akong sinaksak ng matinding sakit. Bagaman, Bisperas ng Pasko noon, nagpunta ako sa ER kung saan natuklasan nila na ang cyst ay pumutok sa panahon ng pakikipagtalik. Inirekomenda nila na magpatingin ako sa aking OB/GYN na doktor sa lalong madaling panahon, ngunit dahil sa pista ng Pasko at katapusan ng linggo, gumugol ako ng ilang araw sa sakit bago ako nakakuha ng appointment. Nagsagawa pa siya ng mga karagdagang pagsusuri para malaman kung bakit ako ay nakakaramdam pa rin ng sakit at sabi niya sa akin ay tatawagan niya ako sa sandaling malaman ang mga resulta.

Noong Bisperas ng Bagong Taon, nagtagal ako sa simbahan, pumunta sa Misa at nagdarasal sa harap ng Ating Panginoon sa tabernakulo. Nakaramdam ako ng sobrang kahihiyan at hindi karapat-dapat, at ang sakit ay walang tigil. Nasasaktan ako sa loob at labas. Inilabas ko ang aking telepono para basahin ang isang sipi mula sa Bibliya at nakita kong may nakaligtaan akong tawag mula sa opisina ng aking doktor, kaya lumabas ako para tumawag pabalik. Sinabi sa akin ng nurse na noong sinuri nila ako para sa Sexually Transmitted Diseases, nagkaroon ako ng positibong resulta para sa gonorrhea. Nakatayo ako doon na gulat na gulat, hindi ko alam kung ano ang sasabihin, kaya kinausap ko ang nurse na ulitin ang sinabi niya. Parang hindi pa rin ito totoo, ngunit sinabi niya sa akin na magiging okay ang lahat kung pupunta lang ako para sa isang iniksyon. Mawawala na ang lahat. Pabagsak akong bumalik sa isang upuan, umiiyak at sumisigaw ang aking puso sa Diyos sa pagsisisi para sa aking mga aksyon, kalungkutan para sa mga kinahinatnan at ginhawa na maaari itong gumaling. Paulit-ulit akong nagpasalamat sa Kanya at nangako na magbabago at magbabalik loob.

Pagkatapos kong matanggap ang iniksyon, nadismaya ako dahil sa sobrang sakit pa rin na nararamdaman ko. Kailan kaya ito tuluyang mawawala? Pagkatapos ng isa pang araw na pagsusumiksik ko sa bahay sa sakit, naiinip ako sa paghihintay na mawakasan ang paghihirap na ito, nadama ko ang Banal na Espiritu na hinihikayat ako na manalangin para sa paggaling ko habang nakikinig ako sa kantang “House of Miracles” ni Brandon Lake.

Sa bahagi ng kanta kung saan nagsisimula ang panalangin ng pagpapagaling, nadama kong dinaig ako ng Espiritu Santo na lumalapit sa akin. Ang aking mga kamay na nakataas sa hangin upang purihin ang Panginoon, ay dahan-dahang nagsimulang gumalaw papunta sa aking ibabang tiyan sa utos ng Panginoon. Habang nakapatong ang aking mga kamay roon, paulit-ulit akong nanalangin para sa paggaling at nagsumamo sa Diyos na bigyan ako ng lunas mula sa sakit na ito. Nagsimula akong sunod – sunod na nanalangin sa mga wika. Nang matapos ang panalangin at natapos ang kanta, naramdaman kong may pisikal na umalis sa aking katawan. Hindi ko maipaliwanag nang buo, ngunit naramdaman kong may isang bagay na kahima – himala na naglilinis sa aking katawan. Idiniin ko ang aking tiyan kung saan naroon ang lahat ng sakit, ngunit wala ni isa mang kirot ang nanatili. Ako ay natigilan dahil mula sa matinding sakit ay biglang nawala ang lahat ng sakit sa pagitan lang ng isang kanta at nakaramdam ako ng labis na pasasalamat sa ginawa ni Jesus para sa akin. Inisip kong babalik ang sakit, ngunit hindi ito nagbalik. Sa buong araw na iyon ay hindi kailanman ako nakaramdam ng anumang sakit at sa mga sumunod pang mga araw, at alam kong sa sandaling iyon ay pinagaling ako ni Jesus. Naranasan ko nang gumaling sa aking buhay noon sa pisikal at sa loob, ngunit ito ay naiiba. Bagama’t naramdaman kong hindi ako karapat-dapat na tanggapin ang Kanyang pagpapagaling dahil idinulot ko ang karamdamang ito sa aking sarili, pinuri at pinasalamatan ko ang Diyos sa pagpapakita sa akin ng gayong awa. Sa sandaling iyon, naramdaman kong binalot akong muli ng mahabaging pag-ibig ng Diyos.

Pagbabago

Nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo, at lahat ay nagkukulang sa Kanyang plano para sa ating buhay sa ilang panahon at sa iba’t ibang paraan. Gayunpaman, hindi tayo hinahatulan ng Diyos para manatili sa ating kasalanan. Sa halip, naghihintay Siya nang may kasamang biyaya at awa upang tayo’y ibalik at gabayan pabalik sa Kanya. Siya ay matiyagang naghihintay na may bukas na mga bisig. Naranasan ko na ito ng maraming beses. Kapag inaanyayahan ko Siya na samahan ako kapag ako ay nagdadalamhati at sa aking pagkabigo, binabago Niya ako, pinalalakas ang aking pananampalataya at tinutulungan akong maunawaan Siya nang mas malalim. Ang mundo ay may maraming mga paggambala kung saan maaari tayong makahanap ng pansamantalang kasiyahan, ngunit si Jesus lamang ang makakapagbigay ng tunay na kasiyahan, kabuuan, at walang hanggan. Walang halaga ang pakikisalu-salo, alak, droga, pera o pakikipagtalik ang makakatumbas sa kung ano ang maibibigay Niya sa bawat isa sa atin. Natutunan ko sa pamamagitan ng mapait na karanasan na ang tunay na kagalakan ay matatagpuan lamang sa ganap na pagsuko at pagtitiwala sa Kanya sa lahat ng bagay. Kapag sinusuri ko ang aking mga intensyon sa pamamagitan ng lente ng Kanyang pag-ibig, nasusumpungan ko ang tunay na kaligayahan at nagdudulot ng kaluwalhatian sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Kanyang pagmamahal.

Share:

Mary Smith

Mary Smith is one among the many young people who go through faith crisis. Her bold testimony is a sure wake up call to many youngsters.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles