Home/Makatawag ng Pansin/Article

Mar 23, 2023 433 0 Father Hayden Williams OFM Cap
Makatawag ng Pansin

ANG PINAKADAKILANG YAMAN

Ang pinakadakilang kayamanan ng mundo ay abot-kamay ng bawat tao! 

Ang katotohanan ng presensya ni Hesus sa Eukaristiya ay isang bagay na dakila at kamangha-mangha.  Alam ko na si Hesus ay talaga at tunay na naroroon sa Eukaristiya mula sa aking sariling karanasan hindi lamang dahil ang Simbahan ay nagtuturo ng katotohanang ito.

Ang Unang Haplos 

Isa sa mga karanasan ko na nakatulong sa pagunlad ng aking pananampalataya sa Panginoon ay nang matapos akong mabinyagan sa Banal na Espirito sa aking mga unang araw sa Katolikong Karismatik na pagpapanibago.  Hindi pa ako pari noon.  Pinangunahan ko ang isang pulong ng panalangin at sa pulong na ito, kami ay nagdasal para sa mga tao.  Ipinalabas namin ang Eukaristiya para sa Pagsamba at pagkatapos ay isa-isang dumating ang mga tao upang ipagdasal.

Isang babae ang dumating na humiling sa akin na ipagdasal siya na nakahalukipkip ang mga kamay at akala ko nagdadasal siya.  Hiniling niya sa akin na ipagdasal ang kanyang asawa na may problema sa paa.  Ngunit habang nagdarasal ako, nadama ko sa aking puso na nais ng Panginoon na pagalingin siya.  Kaya, tinanong ko siya kung kailangan niya ng anumang uri ng pisikal na pagpapagaling. Sinabi niya sa akin, “Ganito ang mga kamay ko dahil nagyelo ang balikat ko.”  Nagkaroon siya ng problema sa pag galaw sa kanyang mga kamay.  Habang kami ay nananalangin para sa kanyang kagalingan, sinabi niya na ang isang matinding init ay lumabas mula sa Eukaristiya, bumaba sa kanyang nanigas na balikat at siya ay gumaling noon at doon mismo.

Iyon ang unang pagkakataon na nakita ko ang gayong pagpapagaling na nagaganap sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Eukaristiya.  Ito ay eksakto tulad ng mayroon tayo sa mga Ebanghelyo – hinawakan ng mga tao si Hesus at ang kapangyarihan ay nagmula sa Kanya at pinagaling sila.

Di-Malimutang Sandali 

Nagkaroon ako ng isa pang makapangyarihang karanasan ng Eukaristiya sa aking buhay.  Minsan ay nananalangin ako kasama ang isang taong sangkot sa okulto, at kailangan niya ng pagpapalaya.  Nagdadasal kami bilang isang grupo at may kasama kaming pari.  Ngunit ang babaeng ito, na nasa sahig ay hindi makita ang pari na nagdadala ng Eukaristiya sa loob ng simbahan sa sakristi.  Sa eksaktong sandali na inilabas ng pari ang Eukaristiya, mula sa kanyang bibig, isang marahas na boses ng lalaki ang nagsabi ng mga salitang ito: “Alisin mo Siya na nasa iyong mga kamay!”  Nabulunan ako nito dahil hindi ‘ito’ ang sinabi ng demonyo- isang piraso ng tinapay, kundi “Siya”.  Kinikilala ni Satanas ang buhay na presensya ni Hesus sa Eukaristiya.  Hindi ko makakalimutan ang sandaling iyon ng aking buhay.  Nang ako ay naging pari kalaunan, pinanatili ko ang dalawang pangyayaring iyon sa aking puso upang talagang maniwala at ipangaral ang Tunay na Presensya ni Hesus sa Eukaristiya.

Hindi Mabigkas Na Kaligayahan

Bilang isang pari, nagkaroon ako ng isa pang karanasan na hindi ko malilimutan.  Ako ay dumadalo sa ministeryo sa bilangguan kapag hindi ako nangangaral.  Minsan ako ay nagbibigay ng komunyon sa isang partikular na dibisyon sa bilangguan at kasama ko ang Eukaristiya.  Bigla kong nadama sa aking puso ang kagalakan ni Hesus sa pagbibigay ng kanyang sarili sa mga bilanggo.  Ito ay isang bagay na hindi ko maipaliwanag sa iyo.  Kung sana ay madama mo lamang at malaman ang kagalakang taglay ni Hesus sa Eukaristiya na pumasok sa bawat isa sa atin!

Ang isa pang karanasan ko sa Banal na Sakramento ay isang personal, emosyonal na pagpapagaling para sa aking sarili.  Minsan may isang tao na nasa simbahan ay talagang nagpasakit ng aking kalooban dahil sa kanyang mga salita.  Hindi ito maginhawa at nagsimula na akong magalit.  Bagama’t hindi ako likas na agresibo, ang pananakit na ito ay pumukaw ng madaming damdamin at masamang pag-iisip laban sa taong ito.  Tumakas ako patungo kay Hesus sa Banal na Sakramento at umiyak na lang.  Sa sandaling iyon naramdaman ko ang Kanyang pagmamahal, para sa taong nanakit sa akin, nagniningning mula sa Eukaristiya at pumasok sa aking puso.  Pinagaling ako ni Hesus sa Eukaristiya, ngunit higit pa diyan, bilang isang pari nakatulong ito sa akin na matanto kung saan ang tunay na pinagmumulan ng pag-ibig at kagalingan sa ating buhay.

Hindi lamang para sa akin bilang pari, kundi para sa mga may asawa at kabataan – sino ba talaga ang makakapagbigay ng pagmamahal na hinahanap natin?  Saan natin makikita ang pag-ibig na higit pa sa kasalanan at poot?  Ito ay nasa Kanya, naroroon sa Eukaristiya.  Binigyan ako ng Panginoon ng labis na pagmamahal para sa taong nanakit sa akin.

Sa bisperas ng araw na gagawin ko ang aking unang panata, isang biglang kadiliman ang pumasok sa aking puso.  Diretso akong nagtungo sa tabernakulo sa halip na hanapin ang bago kong silid sa komunidad.  Pagkatapos, mula sa kaibuturan ng puso ay nadinig ko ang Panginoon na nagsasabi sa akin, “Hayden, papunta ka dito para sa akin.”  At biglang bumalik lahat ng saya.  Sa Eukaristiya, itinuro sa akin ni Hesus ang isang napakahalagang bagay tungkol sa aking buhay bilang isang paring Pransiskano—tinawag Niya ako para sa Kanya, ako ay nandito para sa Kanya.  Ang Eukaristiya ay nagtuturo sa bawat isa sa atin na wala tayong magagawa kung wala si Hesus—ito ay hindi tungkol sa atin, ito ay TUNGKOL LANG SA KANYA. Tayo ay nasa Simbahan upang makasama Siya!

Bilang isang pari, ang pagdiriwang ng Eukaristiya ay ang pinaka kahanga-hangang sandali kasama ang Panginoon at ito din ang naglalapit sa akin sa komunidad ng mga Kristiyano.  Si Hesus sa Eukaristiya ang siyang pinagmumulan ng komunyon sa pagitan natin.  Bilang isang pari, hindi ako mabubuhay kung wala ang Eukaristiya.  Ano ang pinakadakilang bagay na maaari nating hilingin kay Hesus kapag tinanggap natin Siya sa ating mga puso?  Ito ay paghiling sa Kanya na punuin tayo muli ng Kanyang Banal na Espirito.  Noong nabuhay na mag-uli si Hesus, hiningahan Niya ng Banal na Espirito ang mga Apostol.  Kapag tinanggap natin si Hesus sa Eukaristiya, muli Niya tayong binibigyan ng presensya at kapangyarihan ng Espirito Santo sa ating buhay.  Hilingin sa Kanya na puspusin ka ng mga kaloob at kapangyarihan ng Banal na Espirito.

Hinati Para Sa Iyo

Minsan nang itinaas ko ang Hostiya at hinati ito, nakuha ko ang malalim na pananalig tungkol sa pagkasaserdote.  Tinitingnan natin ang mga tao sa presensya ni Kristo sa Eukaristiya, na isang hinating katawan.  Ganyan dapat ang isang pari.  Hinahati niya ang kanyang buhay upang maibigay niya ito sa komunidad at sa buong mundo.  Matutuklasan din ng isa ang kagandahang ito sa buhay may-asawa.  Ang pag-ibig ay parang Eukaristiya.  Kailangan mong hatiin ang iyong sarili upang maibigay ang iyong sarili.  Ang Eukaristiya ay nagturo sa akin kung paano mabuhay na walang asawa, kung paano maging Hesus para sa komunidad, binibigay ang buong buhay ko para sa kanila.  Ganuon din ang dapat mangyari sa buhay may-asawa.

Pangwakas, masasabi ko sa iyo na tuwing ako ay nalulungkot o nalulumbay, ang paglapit lamang sa Kanya—ay sapat na upang matanggap ang lahat ng lakas na kailangan ko, kahit na ako ay pagod o inaantok.  Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko na itong naranasan sa aking mga paglalakbay at sa aking pangangaral.  Ang pinakamagandang pahinga ay ang mas mapalapit sa Kanya.  Tinitiyak ko sa iyo; Mababago Niya tayo sa pisikal, espirituwal, isipan at damdamin.  Dahil sa Eukaristiya si Hesus ay BUHAY—Siya ay nariyan para sa atin!

Share:

Father Hayden Williams OFM Cap

Father Hayden Williams OFM Cap

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles