Home/Makatawag ng Pansin/Article

Sep 09, 2022 676 0 Ivonne J. Hernandez, USA
Makatawag ng Pansin

ANG PAGGAPI SA PAGKABALISA

Hindi madali kapag sumusumpong ang pagkabalisa, ngunit hindi ka nag-iisa…

Alam ko na ang susunod na mangyayari sa sandaling madinig ko ang kabog na umaalingawngaw sa loob ng aking dibdib, bawat kabog ay mas mabilis kaysa sinundan nito. Bumilis ang tibok ng puso ko habang pilit kong iniisip na huminga. Nabuo ang isang buhol sa aking tiyan na para bang alam kong kailangan ko ng isang bagay na kakapitan, mababaw na hininga pagkatapos ng mababaw na hininga. Ang kinatatakutang domino effect sa aking katawan ay isang pamilyar ngunit di-kinagigiliwang panauhin. Nandito ang Pagkabalisa na nagpipilit na muling mangibabaw. Tila habang nilalabanan ko siya, mas lalo siyang lumalakas. Ang aking pagpansin ay patuloy na nagpapaningas dito hanggang sa napagtanto ko na ang Kapayapaan, ang panauhin na nais kong aliwin, ay lumisan na.

Isang Mataas Na Lagnat 

Ang pagkabalisa ay isang paksang pinag-alinlangan kong isulat. Hindi ako isang propesyonal sa kalusugan ng isip. Hindi ako angkop na magbigay ng payo sa mga bagay na ito. Ngunit ako ay isang taong may karanasan, at karapatan akong ibahagi ang aking salaysay. Para sa akin, ang pagkabalisa ay tulad ng isang lagnat…isang palatandaan na nagpapakita sa akin ng isang bagay na nangangailangan ng pansin. Kung minsan, ang palatandaan, tulad ng mataas na lagnat, ay nangangailangan ng tuwirang tulong upang malusutan ang kalagayan, ngunit sa ibang pagkakataon, ang pag-iisip na “ito ay lilipas din” ay sapat na upang ako ay maupo sa kawalan ng ginhawa at maghintay sa Diyos na paginhawahin ako. Paulit-ulit, Siya ay  naghatid ng liwanag at pagpapagaling sa mga bahaging ito ng aking puso na nadamang nakahiwalay sa Kanya.

Nang unang naramdaman ko ang Kanyang nakapagpapagaling na kamay na napawi ang aking mga pangamba, akala ko ay gumaling na ako; akala ko ay hindi ko na madaranasan ang takot na iyon. Kaya, nung nangyari ulit yun, nalito ako. May ginawa ba ako upang bawiin Niya ang Kanyang kabutihan? Nabigo ba akong pumasa sa pagsusulit? Hindi… Talaga lang na mas madami pa ang kailangang pagalingin. Sa tuwing nakakadanas ako ng pagkabalisa ay nagiging pagkakataon para sa akin na tumawag sa Diyos upang tulungan ako. Sa bawat pagkakataon, inaanyayahan ko si Hesus na maghari sa aking puso at dalhin sa akin ang Kanyang Kapayapaan.

Isang Malaking Kasinungalingan

Sa isa sa mga pagkakataong iyon, nalaman ko kung paano ginagamit ng kaaway ng aking kaluluwa ang aking mga takot laban sa akin. Sa tuwing malapit ko nang makilala ang isang balangkas ng pagkakasala sa aking buhay, palihim na pumapasok ang takot. Dahil sa nakakapanlumpong takot, hindi ko na madinig sa aking isipan ang kasinungalingan na pinili kong paniwalaan. Parang isang awtomatikong reaksyon hanggang sa napapatigil ako sa halip na kumawala. Naalala ko ang propesiya ni Simeon sa Mahal na Birhen: “… at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga saloobin ng maraming puso.” (Lucas 2:35). Sa pamamagitan ni Maria, hiniling ko kay Hesus na ihayag sa akin ang mga saloobin ng sarili kong puso.

Nagsimulang umihip ang hangin, at, sa aking isipan, nakita ko ang malalaking anitong gawa sa buhangin na nagsimulang gumuho, isa-isa. Bawat kasinungalingan ay ginawa sa wala, at dahil sa ito ay laban sa katotohanan ng Diyos, hindi ito makakatagal. Ngunit ano ang natagpuan ko sa kabilang panig? Hindi kaligayahan, bagkos, isang malalim na kirot sa aking puso. Nakatagpo ko ang aking kasalanan, isang punong malalim ang ugat na nanatiling nakatago ngunit may masamang bungang prutas na lumilitaw sa buong buhay ko. Ang mga bagay na tila nakalag ay lahat na nagsipagtagpo sa isang malaking kasinungalingan na ito: “Hindi ka nakikita ng Diyos; Nag-iisa ka sa buhay na ito.”

Ang makitang lahat nang kasalanan na lumitaw mula sa isang kasinungalingang ito ay nagdulot ng sakit, ngunit walang pagkatakot. Ang biyaya ng pagsisisi ay umagos kasabay ng bawat luha…“kung saan dumami ang kasalanan, lalong nag-umapaw ang biyaya” (Roma 5:20). Pinuno ng banal na kasulatan ang aking isipan habang namamagitan para sa akin ang Espirito, at napuno ng Katotohanan ang aking puso. Nadama kong ako ay nakikita. Nadama kong ako ay minamahal. Alam kong ako ay hindi nag-iisa at hindi kailanman mag-iisa.

Tulad ng sinabi ko sa simula, hindi ako batikan sa kalusugan ng isip, kaya hindi ko alam kung ano ang kailangan mo upang matulungan kang harapin ang iyong mga takot. Ngunit alam kong mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin. Ang pakikipagtagpong ito sa pag-ibig ng Diyos ay nagpagaling sa akin sa iba pang bagay. Ang isa sa mga pinaka nakapipinsalang aspeto ng pagkabalisa ay kapag natatakot tayo sa mismong pagkabalisa. Ang karanasag ito ay lubhang nakakabagabag at hindi maginhawa kung kaya ginagawa natin ang lahat upang maiwasang maulit ito. Ngunit alam ko na ngayon na wala nang dapat ikatakot dahil, sa pinakamadilim nating sandali, ang liwanag ay sumisikat nang pinaka maningning. Napagtagumpayan na Niya ang kamatayan. Ang Kanyang pag-ibig ay higit pa sa ating pagkatakot.

“Sa lahat ng mga ito, tayo’y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan Niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa Kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon” (Roma 8:37-39).

Share:

Ivonne J. Hernandez

Ivonne J. Hernandez is a lay Associate of the Blessed Sacrament, president of Elisheba House, and author of The Rosary: Eucharistic Meditations. She writes regularly for many Catholic blogs and lives in Florida with her husband and two of her young adult sons.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles