Trending Articles
Wala siyang higit na ipinagmamalaki kung hindi ang matawag siyang ‘Mummy’s boy’. Isinalaysay ni Rob O’ Hara ang kanyang magandang kwento ng buhay ng pamumuhay malapit sa Ina ng Diyos.
Maraming taon na ang nakalilipas bilang isang maliit na batang lalaki, lumaki ako sa Dublin bilang isang solong anak na may kamangha-manghang mga magulang. Mahilig silang magdasal ng Rosaryo araw-araw nang walang pag-aalinlangan. Ang kasabihan ni Father Patrick Payton, “Ang mag-anak na nagdadasal ng sama-sama ay nananatiling magkakasama” ay ang kasabihan sa aming tahanan.
Natatandaan ko na nakatagpo ko ang Ating Ina noong bata pa ako. Inanyayahan nina Mama at Papa ang mga tao na magdasal ng Rosaryo sa buwan ng Mayo, buwan ni Maria. Hindi ito gaanong mahalaga sa akin, ngunit bigla na lang, habang nakaupo ako sa gitna ng mga taong nagdarasal ng Rosaryo, nakaramdam ako ng matinding pagnanais na manalangin. Napuno ng amoy ng mga rosas ang hangin, at naramdaman ko ang presensya ng Ating Ina. Nang matapos ang Rosaryo, naramdaman ko ang pagnanais na patuloy na manalangin at hinikayat ang mga tao na manatili nang mas matagal, “Magdasal tayo ng isa pang Rosaryo, narito ang Mahal na Birhen.” Kaya, nagdasal kami ng isa pang Rosaryo, ngunit hindi pa rin iyon sapat. Nagsimulang umalis ang mga tao, ngunit nanatili ako roon at nagdasal ng isa pang 10-15 Rosaryo sa piling ng Ating Ina. Hindi ko Siya nakita, ngunit alam kong naroon Siya.
Noong apat o limang taong gulang pa lang ako, naranasan ko ang biyaya at tulong ng Ating Ina sa unang pagkakataon sa isang nadaramang paraan. Noong dekada 80, mataas ang kawalan ng trabaho. Ang aking ama ay nawalan ng trabaho, at dahil siya ay nasa kalagitnaan ng kwarenta ay hindi madaling makakuha ng panibago. Ilang beses ko nang narinig ang kwentong ito habang lumalaki, kaya malinaw sa isip ko ang mga detalye. Bumaling ang aking mga magulang sa Ating Ina ng may pagtitiwala. Nagsimula silang magdasal ng Rosaryo Nobena at sa pagtatapos ng nobena, nakuha ng Tatay ko ang trabahong talagang gusto niya.
Noong dumating ako sa aking kabataan, nagsimula kong mapansin na ang pananampalataya, panalangin at maging ang pakikipag-usap tungkol sa Ating Ina ay hindi “ayos”. Kaya’t huminto ako sa pagdarasal ng Rosaryo at naghanap ng mga dahilan para hindi ako naroroon kapag magdadasal nito ang aking mga magulang. Nakakalungkot mang sabihin, nahulog ako sa sekular na mundo at talagang inihulog ko ang sarili ko doon. Nakalimutan ko ang tungkol sa kapayapaan, kagalakan, at katuparan na natagpuan ko sa pananalangin noong bata pa ako at sa aking kabataan. Itinaboy ko ang aking sarili sa palakasan, pakikisalamuha, at sa huli, sa aking karera. Naging matagumpay ako at naging tanyag, ngunit palagi akong may namumuong kahungkagan sa loob ko. May hinahanap ako, ngunit hindi ko alam kung ano iyon. Sa pag-uwi ko makikita ko ang Nanay at Tatay ko na nagdadasal ng Rosaryo at nagtatawa sa sarili ko at lalampas.
Ang patuloy na pangungulit ng kahungkagan na ito ay nagpalanta sa aking buhay, nagtaka ako kung bakit hindi ako iniiwan ng kawalan na ito, anuman ang gawin ko. Bagama’t mayroon akong magandang trabaho, ako ay inaapi ng husto, nahuhulog ako sa depresyon. Isang araw, pagkatapos ng isa pang kakila-kilabot na araw, umuwi ako upang makita ang aking mga magulang na nakaluhod, nagdarasal ng Rosaryo gaya ng dati. Bumaling sila sa akin nang may kagalakan at hiniling sa akin na sumama sa kanila sa pananalangin. Wala akong maisip na dahilan, kaya sabi ko, “Okey.” Pinulot ko ang mga butil ng rosaryo na dati ay pamilyar sa aking paghipo at iniyuko ko ang aking ulo sa pagdarasal.
Dumalo ako sa Misa kung saan napansin ako ng ilang matagal ng mga kaibigan na nakaupo sa likod ng simbahan, kaya inanyayahan nila akong sumama sa kanila sa isang pulong ng panalangin. Nang pumunta ako, nagulat ako nang makita ko ang ibang mga kabataan na nagdadasal ng Rosaryo. Habang lumuluhod ako para magdasal, lahat ng masasayang alaala noong bata pa ako na nagdarasal sa magandang panalanging ito ay sumagi sa isip ko. Dahil sinira ko ang relasyong iyon sa aking “Nanay” ay hindi ko siya nakausap nang napakatagal na panahon. Sinimulan kong ibuhos ang aking puso sa Ating Ina, regular na nagdarasal ng Rosaryo habang papunta sa trabaho.
Balik sa maka-inang yakap ni Inang Maria, ang lahat ng madilim na bahagi ng aking buhay at ang bigat ay nagsimulang mawala at nagsimula akong magkaroon ng magandang panahon sa trabaho. Nang mapagtanto ko kung gaano ako kamahal ng Mahal na Birhen, sinimulan kong lalong ibuhos ang aking puso sa kanya. Pakiramdam ko ay binalot ako ng kanyang asul na mantel na napapaligiran ng kapayapaan at kalma.
Napansin ng mga tao kung gaano ako kasaya at tinanong ako kung ano ang nagbago. “Oh, nagdadasal ulit ako ng Rosaryo.” Sigurado akong naisip ng mga kaibigan ko na medyo kakaiba ito para sa isang kabataang lalaki sa kanyang maagang 20s, ngunit nakikita nila kung gaano ako kasaya. Habang nagdarasal ako, lalo akong napapamahal kay Hesus sa Banal na Sakramento at Eukaristiya. Habang lumalago ang aking relasyon kay Jesus at lalong bumabaling kay Jesus, nagsimula akong makibahagi sa mga kilusang kabataang Katoliko sa Ireland tulad ng Pure in Heart at Youth 2000. Kinain ko ang mga aklat tulad ng “Total Consecration to Jesus through Mary” at “True Devotion to Mary” ni Saint Louis De Montfort. Ang kanyang kasabihan na “Totus Tuus” na pinagtibay ni Saint Pope John Paul II, ay lubos na tumimo sa akin. Sinabi ko rin sa Ating Ina, “Ibinibigay ko ang aking sarili nang buong-buo sa iyo.” Ang aking pananampalataya ay lumago habang ito ay inalagaan ng mga dakilang organisasyong ito, at nadama ko ang labis na kagalakan. Naisip ko, “Ito ang Langit, ito ay mahusay!”
Alam ko sa aking puso na mayroon akong bokasyon na magpakasal, ngunit hindi ko pa lang nakikilala ang tamang babae sa oras na iyon. Kaya bumaling ako sa Ating Ina at nagsabing, “Tulungan mo akong mahanap ang perpektong asawa para sa akin upang manalangin kami sa iyo at mahalin ang iyong Anak nang mas malalim.” Araw-araw kong dinasal ang panalanging ito at sinimulan kong pasalamatan sina Jesus at Maria para sa magiging asawa ko, at sa mga anak na inaasahan kong pagpapalain kami. Pagkalipas ng tatlong buwan, nakilala ko ang aking magiging asawa, si Bernie. Sa aking unang pakikipagkita, sinabi ko sa kanya, “Pumunta tayo sa simbahan at magdasal ng Rosaryo sa Mahal na Birhen.”
Maaari namang tumanggi si Bernie, ngunit sinabi niya, “Oo, gawin natin iyan” at lumuhod kami sa harap ng rebulto ng Mahal na Birhen at nagdasal ng Rosaryo. Iyon ang pinakamagandang unang tipanan na naranasan ko at ang huling unang tipanan na naranasan ko! Sa buong panliligaw ko ay nagdarasal kami ng Rosaryo araw-araw sa Ating Ina at San Jose para tulungan kaming maghanda para sa sakramento at makasama namin sa aming kasal. Ikinasal kami sa Roma at iyon ang pinakamagandang araw ng aming buhay. Hindi nagtagal, naglihi si Bernie. Nang ipanganak ang aming maliit na batang babae, si Lucy, inilaan namin siya sa Ating Ina sa kanyang araw ng Binyag.
Sa mga unang taon ng aming kasal, iniwan ko ang aking trabaho sa mundo ng korporasyon sa pagbabangko. Hindi ito ang lugar para sa akin sa maraming kadahilanan. Habang ako ay walang trabaho, sinisikap na magbayad ng upa at magpalaki ng isang bata, nagdasal kami ng Rosaryo para sa tamang trabaho na darating. Sa kalaunan, ang aming mga panalangin ay sinagot ng isang napakagandang trabaho para sa isang organisasyon ng kawanggawa na tinatawag na Human Life International. Luwalhati sa Diyos at salamat sa Ating Ina!
Lalo kaming natuwa nang magbuntis si Bernie ng kambal na lalaki, gayunpaman sa ika labing-anim na linggo ng pagbubuntis, isinugod namin sa ospital si Bernie dahil sa sakit. Ang mga pagsusuri ay nagsiwalat na ang kambal ay hindi mabubuhay. Ngunit sa halip na mawalan ng pag-asa, bumaling kami sa Ating Ina. Kasama namin siya, hinihikayat kami na talagang sumandal sa kanya. Nanalangin kami na mamagitan siya para sa isang mahimalang pagpapagaling. Ang linggong inilagi namin sa ospital, kami ay masaya, nagbibiruan at nagtatawanan. Kami ay puno ng pag-asa at hindi kailanman nawalan ng pag-asa.
Ang mga kawani ng ospital ay namangha na ang kabataang mag-asawang ito na dumaranas ng napakahirap na panahon ay napapanatili ang kanilang kagalakan at pag-asa. Lumuluhod ako sa kama at nagdadasal kami ng Rosaryo, nakikiusap sa Mahal na Birhen na samahan kami. Ipinagkakatiwala na namin ang kambal sa pangangalaga nina Hesus at Maria, ngunit noong ika-6 na araw ay nakunan kami, at ipinagkatiwala namin ang aming mga anak sa kanilang mapagmahal na pangangalaga. Ito ay isang mahirap na araw. Nayakap namin sila at nahawakan at nailibing. Ngunit ang Mahal na Birhen ay kasama namin sa aming kalungkutan. Nang makaramdam ako ng panghihina, para akong guguho sa lupa, inalalayan ako ng Mahal na Birhen. Nang makita kong umiiyak ang aking asawa at naisip kong kailangan kong manatiling matatag, ang Ating Ina ang tumulong sa akin.
Habang kami ay nagdadalamhati pa, nagpunta kami sa isang peregrinasyon sa Medjugorje. Sa unang araw, hindi namin inaasahan na ang magdidiwang ng Misa ay ang aming napakabuting kaibigan, si Padre Rory. Bagama’t hindi niya alam na nandoon kami, ang kanyang homiliya ay tila nakadirekta sa amin. Inilarawan niya kung paano nakayanan ng isang sikat ang kalungkutan at pagkawala ng kanyang batang kaibigan sa pamamagitan ng Rosaryo. Inialis siya ng Rosaryo sa madilim na lugar na iyon. Para sa amin, iyon ay isang kumpirmasyon—isang mensahe mula kay Jesus at Maria; malalampasan natin ang mahirap na panahong ito sa pamamagitan ng pagbaling sa kanila at pagdarasal ng Rosaryo.
Pagkalipas ng dalawang taon, biniyayaan kami ng isa pang magandang batang babae, si Gemma. Pagkatapos, nagkasakit ang aking ama at habang siya ay nasa higaan ng kamatayan, hinimok ako ng aking asawa na tanungin siya kung sino ang kanyang paboritong santo. Nang tanungin ko siya, isang magandang ngiti ang sumilay sa kanyang mukha at magiliw siyang sumagot, “Maria…. dahil siya ang aking ina.” Hindi ko makakalimutan iyon. Ito ay napakalapit na sa katapusan ng kanyang buhay at kagalakan lamang ang sumilay mula sa kanya sa pag-iisip kung ano ang naghihintay sa kanya.
Rob O'Hara
Want to be in the loop?
Get the latest updates from Tidings!