Home/Makatagpo/Article

Dec 24, 2022 407 0 Antoinette Moynihan, Ireland
Makatagpo

LIGTAS SA KANYANG PAG-AARUGA

Ang pananalangin kay Maria ay hindi ang siyang katapusan…Ito ay isang banal na landas na laging humahantong kay Kristo

Ang aking ina at lola ay may malaking pananalig sa ating Ina at sa Pusong Sagrado.  Bilang mga bata, madalas kaming nagdadasal kay Maria para sa madaming bagay na kinailangan namin.  Kahit nang sinikap naming hanapin ang nawawalang manika o bisikleta na ninakaw, bumaling kami sa ating Ina.  Ang ama ko ay dating namamasukan sa konstruksyon. Kapag mahirap makahanap ng gawain na pagkakakitaan, na madalas na mangyari, nanalangin ang aking ina ko kay Maria at walang sala, hindi nagtagal, isang kontratista ang tatawag na nag-aalok ng gawain para sa aking ama.

Dahil sa akala naming ito ay lubhang mahaba, kadamihan sa aming mga bata ay tumatakbo at nagtatago sa tuwing nadidinig namin ang salitang ‘Rosaryo’.  Ngunit sa kalaunan ay nahahanap kami ng aming ina at pinagsasamasama kami para manalangin.  Sa kasamaang palad, habang kami ay lumalaki, ang ating Ina ay naging hindi kasing mahalaga sa amin gaya noong kami ay mga bata pa.

Muli Sa Bisig Ni Maria

Noong 2006, ang Komunidad San Patrick’s ay dumating sa aming parokya upang magbigay ng misyon.  Ang bawat araw ay binuo ng Banal na misa sa umaga at mga talumpati at patotoo sa gabi.  Sa pagtatapos ng linggo, nalaman kong ang aking puso ay nagsimula nang magbago.  Isang alon ng mga pagkabatang alaala ng pagdadasal sa ating Ina, ang bumalot sa akin, at naalala ko ang mahalagang papel na ginampanan niya sa aming buhay.  Inasam kong mabawi ang aking pagkabatang pagkakaugnay kay Inang Maria.

Sa kahuli-hulihang araw ng Misyon, nagdiwang kami ng isang magandang Banal na Misa.  Pagkaraan, ang mga kabataan ng parokya ay nagtipon-tipon sa pagsisindi ng kandila para sa ating Ina.  Kaming mga nakakatanda ay sumama sa kanila.  Habang nagtitirik kami ng kandila at nagdadasal, ang mga bata ay madaming tinanong tungkol sa Banal na Ina: “Nasaan siya ngayon?” gusto nilang malaman, at “Paano natin siya kakausapin?”  Taimtim silang nanalangin, nakapikit ang mga mata at magkadikit ang mga kamay.  Muli, naramdaman ko ang pagnanais na mabawi ang aking kabanalan noong ako ay bata pa.  Nagsimula akong makipag-usap sa ating Ina gaya ng ginawa ko noong bata pa.  Kung minsan sapat na sa ating mga nakakatanda na kausapin siya, ngunit hindi ang makipag-usap sa kanya.  Hindi natin siya kinakausap tulad ng ginagawa nating makipag-usap sa ating mga ina.  Sa panahon ng misyon ng parokya, muli kong natutunan kung paano huminahon kasama ang ating Ina at hayaang ang aking mga panalangin ay dumaloy mula sa akin.

Isang araw sa kotse kasama ang aking anak na si Sarah, sinabi ko na ibig kong makita ang ating Ina.  Sumagot siya na ito ay magiging “kahanga-hanga”.  At sinabi niya, “Sandali, Mommy, nakikita natin ang ating Ina.  Araw-araw natin siyang nakikita, pero walang naglalaan ng oras para talagang makita siya o makausap siya.”  Namangha ako sa kanyang puna na kamuntik na akong mapunta sa bangketa.  May katwiran ang sinabi ni Sarah.  Nang lumingon ako para hingin ang kanyang paliwanag, balik na siyang naglaro ng kanyang manika.  Naniniwala ako na ang kanyang puna ay udyok ng Banal na Espiritu.  “Bagaman inilihim Mo ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino, inihayag Mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata” (Mt 11:25).

Nakahawak Sa Mga Kamay Ni Maria

Oo nga, kasama sa pagdadasal ko sa ating Mahal na Ina ang pagbigkas ng rosaryo.  Bagama’t isa itong mahalaga at magandang panalangin, sa loob ng madaming taon ay nahirapan akong dasalin ito dahil hindi ko pa natakasan ang daing ko noong ako at bata pa na ito ay napakahaba.  Subalit sinimulan kong tanggapin ang kahalagahan ng rosaryo nang inumpisahan kong pagnilayan ang buhay ni Jesus.  Bago nuon, ang rosaryo ay isang dasal na minamadali ko para matapos na agad. Ngunit sa aking pagninilay sa buhay ni Jesus, itinuro sa akin ng ating Ina na ang rosaryo ay lalong naglalapit sa atin sa Kanyang puso.  Dahil siya ang Ina ng Diyos at Ina din natin, makakaasa tayong tangan niya tayo sa kamay at aakayin tayo sa mas taimtim na paglalakad kasama ni Kristo na siya lamang ang lubos na nakakaunawa.

Sa patuloy nating pakikibaka sa buhay, ang mga paghihirap na ating nadadanasan ay maaaring makapagdulot sa atin ng pag-aalinlangan sa pag-ibig ng Diyos o ilayo tayo sa ating Ina.  Ang aking hipag ay namatay sa cancer noong siya ay apatnapu’t dalawa pa lamang na naiwan ang isang asawa at tatlong anak.  Sa mga ganitong pagkakataon, natural na magtanong, “Bakit nangyari ito?”  Ngunit sino ang higit na makakaunawa sa ating mga pagsubok kaysa kay Maria?  Tumayo siya sa paanan ng Krus at minasdan ang kanyang anak na magdusa at mamatay.  Maaari natin siyang maging kasakasama sa anumang landas na ating tatahakin, kabilang na ang landas ng pagdurusa.

Ang Pinakamaikling Daan Tungo sa Puso ni Kristo

Ang ating Ina ang naging daan na akayin ako ng Diyos tungo sa minimithi ng aking puso.  Ngunit hindi ito agad nangyari. Nang dahil sa kanya naunawaan ko ang kahalagahan ng Eukaristiya.  Kung minsan ang pagmamahal ng mga tao sa ating Ina ay hindi humahantong sa higit na kaalaman tungkol kay Kristo.  Ngunit ang ating Ina ay patungkol lahat sa kanyang Anak at sa pagdadala sa atin sa isang mas malalim na pakikipag-ugnay sa Kanya.  Ang ating Ina Ang nagbigay daan na magawa ko ang buong pag-aalay kay Hesus. Ito ay isang panariling paglalakbay kasama si Maria tungo sa kanyang Banal na Anak.  Si Maria ay isang gabay na laging umaakay sa atin sa Sagradong Puso ni Hesus.

Noong 2009 nagtungo ako sa Medjugorje matapos madinig na ang ating Ina ay nagpapakita doon sa anim na maliliit na bata.  Isa itong simple ngunit magandang pook kung saan makikita ang kapayapaan.  Mayroong isang estatwa ng Sagradong Puso sa Medjugorje kung saan madaming manlalakbay ang nagtitipon upang manalangin.  Nang dumating na ang oras ko, nilapitan ko ito, pumikit, at nagdasal habang nasa balikat ng estatwa ang aking kamay.  Ngunit nang imulat ko ang aking mga mata, nakita ko na ang aking kamay ay nakapatong hindi sa balikat kundi sa puso ni Jesus!  Ang aking simpleng panalangin ay, “Hesus, hindi kita kilala gaya ng pagkakilala ko sa Iyong Ina.”  Naniniwala ako na sinasabi sa akin ng ating Ina, “Bueno, ngayon na ang oras. Oras na para pumunta ka sa Puso ng aking Anak.”  Hindi ko alam na ang sumunod na araw ay ang kapistahan ng Sagradong Puso ni Hesus!

Isang Bagong Ministeryo ang Isinilang

Noong Agosto 2009, isang dumadalaw na pari ang nagbigay sigla sa akin na simulan ang debosyon ng Divine Mercy sa aking parokya. Inasahan kong gumawa ng isang bagay na may kaugnayan sa Rosaryo, ngunit sa pagbalik-tanaw ay nakita kong tuloy-tuloy akong dinadala ng Mahal na Birhen sa kanyang Anak.  Nagtakda din ako ng mga talumpati ng Divine Mercy sa buong Ireland, at mga dalangin para sa Apostolado ng Eukaristikong Pagsamba .  Nang maglaon, inanyayahan akong tumulong sa pagpaplano ng Kongreso ng  Internasyonal Eukaristiya na ginanap sa Ireland.  Lahat ng bagay na hindi ko inisip na gagawin!

Pagtatapos iyon ng Kapulungang Pang-Eukaristiya nang ang binhi ng aking ministeryo ay naitanim sa aking puso.  Dahil natagpuan ko ang labis na kagalakan at biyaya na dumadaloy mula sa Kongreso Eukaristiya, tinanong ko ang aking sarili, “Bakit kailangang magwakas ito matapos ang isang linggo ng biyaya? Bakit hindi ito maaaring magpatuloy?” Sa biyaya ng Diyos, ito ay hindi nagwakas.  Sa nakalipas na sampung taon, namagitan ako sa  Eukaristiya ng Kabataan , na itinatag sa ilalim ng pamamatnubay ng Apostolado ng Eukaristiya sa Ireland.  Ang layunin ng ministeryo ay palakasin ang pananampalataya ng ating mga anak at ilapit sila kay Kristo sa pamamagitan ng Pagsamba.  Ang ministeryong ito ay nabuo nang makita ko ang pangangailangan ng mga batang matuto nang higit pa tungkol sa pagsamba sa Eukaristiya at madanasan ito nang panayan, sa paraang kagigiliwan ng bata.  Matapos masubukan ang programa sa aming lokal na primaryang paaralan, mabilis na kumalat ang programa sa madaming paaralan sa buong Ireland.

Noong ako’y maliit pa, inasahan ko na sa kalaunan ako ay kukuha ng pag na nars o iba pang tungkulin, ngunit nawala ang mga pangarap na iyon nang ako’y mag-asawa sa bata sa edad na 22. Matapos simulan ang Apostolado ng Kabataan ng Eukaristiya, sinabi sa akin ng isang pari, “Siguro kung naging nars ka, hindi ka nag-aalaga ng mga kaluluwa ngayon.  Ikaw ay nag-aalaga ng mga bata sa pagsamba, tinutulungan sila, at ginagabayan sila.”

Hindi lamang ako inakay ni Inang Maria papalapit sa kanyang Anak, kundi pinukaw niya ako na tulungan ang mga Bata na mapalapit din sa Kanya.  Kapag binigyan natin ang atas sa ating pagtalima, ang ating pinakataimtim na ‘oo’ sa ating Ina, isang paglalakbay ang magsisimula.  Kumikilos siya sa loob ng atas sa atin, dinadala tayo sa isang mas taimtim na pagkakaisa kay Hesus at tinutupad ang kanyang mga balak para sa ating buhay.

 

 

 

Share:

Antoinette Moynihan

Antoinette Moynihan is the founder and coordinator of ‘Children of the Eucharist’ Apostolate. She lives with her family in Ireland. This article is based on the testimony shared by Antoinette Moynihan for the Shalom World program ‘Mary My Mother.’

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles