Home/Masiyahan/Article

Dec 24, 2022 515 0 Shalom Tidings
Masiyahan

Nais Mo bang Maging Maningning?

Labing-pitong taon na ang nakalipas, isang magsasaka mula sa bukiring nayon ay namumuhay nang maginhawa bilang isa sa mga karaniwang maunlad na mamamayan. Ngunit nang ang pananalaping katayuan ay bumagsak, ang kanyang buhay ay umikot nang walang tigil. Sa pagtalikod niya ng pananalig at ng Simbahan, bumaling siya sa paglalasing at tuluyang naging gumon sa alak. Ang kanyang asawa ay patuloy na kumapit sa kanilang mga anak, nanikluhod sa pagdarasal ng Rosaryo bawa’t araw para sa kanyang paggaling. Ang kanyang hiling lamang ay makita ang asawa na mangumpisal nang mabuti, bumalik sa Simbahan, at muling tumanggap ng Banal na Komunyon. Isang gabi, ang lalaki ay biglang nawalan ng malay sa labis na panginginom. Nang siya’y nagising kinaumagahan, wala siyang natagpuan kahit sino man sa loob ng tahanan. Ang kanyang mag-anak ay nagsimba na hindi siya kasama. Siya’y nakadama ng pagkawalang-saysay sa loob ng sarili. Upang maibsan ang sakit ng ulo niya, hinanap niya ang botelya ng alak ngunit ito ay wala nang laman. Kaya pasuray-suray siyang naglakad patungo sa isang tindahan ng tsaa, at doon ay umupo na humihigop ng isang tasa ng mainit na tsaa. Sa kanyang daan pauwi, nagkataong nakakita siya ng isang pangkat ng mga madre na naglalakad pabalik sa kanilang kumbento mula sa Misang Panlinggo. Habang sila’y naghihintay upang tumawid ng daan, napuna niya na isa sa mga madre ay ngumingiti.

Nang biglaan, nadama ng lalaki na tila siya ay nakuryente. Ang ngiting nakabibighani sa mukha ng madre ay tumagos sa kanya. Ang banal na tanglaw na higit pa sa liwanag ng araw ay pinuno ang kanyang katauhan, at nagsimula siyang lumuha, at habang siya’y lumuluha, naririnig niya ang mga diwa ng Salmo 51 na bumubuhos sa kanya, “Kaawaan Mo ako O Diyos… Laban sa Iyo, sa Iyo lamang… ako’y nagkasala… Linisin Mo ako ng hisopo at ako’y magiging malinis…”

Siya’y hindi naglustay ng isang saglit, ngunit umuwi lamang ng diretso, naligo, at yumakag patungo sa Simbahan. Matapos niyang titigan ang Krusipiho nang mahabang panahon, siya’y nangumpisal ng kanyang mga kasalanan sa pampook na pari. At ang buhay niya ay nagbago magpakailanman.

Isang talinhaga o tunay-na-buhay na pangyayari? Ang mahimalain na pangyayaring ito ay naganap sa pook ng Bharananganam, sa estado ng Kerala, sa bansa ng lndia. Salamat sa malimit na mga dasal ng kanyang asawa at mga anak, ang mga pambahang pintuan ng biyaya ay nagsibukas, at ang buhay ng lalaking ito ay nagbago nang masidhi.

Ang madre na kung kaninong ngiti ay sumikat ng liwanag ng sanlibong araw ay naging unang katutubong santa na ipinanganak sa India, si Santa Alfonsa ng banal na anib ng Immaculate Conception, ang pinakauna rin na santa ng Simbahang Syro-Malabar, ihinirang na santa noong 2008 ni Santo Papa Benedicto XVI. Ipinagdiriwang natin ang kanyang araw ng pista sa ika-28 ng Hulyo.

Ang liwanag ni Kristong muling bumangon na katatanggap niya lamang sa Banal na Yukaristiya ay nag-alab sa mukha ni Sor Alfonsa at ang nakakakuryenteng kapangyarihan nito ay muling ihinugis ang puso ng lalaki na dinampian nito. Tuwing tinatanggap natin ang Yukaristiya, tinatanggap din natin ang muling nabuhay na katawan ni Kristo kasama ng lahat ng nag-aalab na kapangyarihan nito. Ngunit gaano kadalas nating pinahihintulutan ang Kanyang liwanag na sumikat sa loob ng ating mga buhay?

 

 

 

Share:

Shalom Tidings

Shalom Tidings

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles