Home/Masiyahan/Article

Dec 24, 2022 635 0 Victoria Christopher
Masiyahan

TAGAPAG-INGAT NG PANGAKO

Ang 22 taong parusang paghihintay sa isang sanggol ay hindi makapagpaunti sa pananalangin ng masunuring anak na si Victoria sa Ating Ina.  At si Maria ay ngumiti.

Ako ay lumaki na di-gaanong nalalaman ang tungkol kay Inang Maria dahil walang gaanong sinabi ang aking mga magulang tungkol sa kanya, ngunit nang magsimula ako ng klase sa Katesismo at mag-aral sa isang kumbento ng Salesian, nakilala ko siya nang mabuti, lalo na ang pananalangin sa kanya bilang si Maria, Tulong sa mga Kristiyano. Salamat sa mga madre na nagturo sa akin na magdasal ng Rosaryo, natutunan ko na ang pagbigkas ng Rosaryo ay hindi lamang isang pag-ulit-ulit ng mga dasalin, kundi isang pagninilay sa Salita ng Diyos na nagbibigay-daan sa atin na mapalapit kay Hesus. Mula noon, hindi na ako kailanman nahiga sa kama nang hindi nagdadasal ng Rosaryo.

Nasaan ang Mabuting Balita?

Nang makatapos ako ng pag-aaral, ako ay naging guro sa isang mabuting paaralang Katoliko, kung saan naging mas malapit ako sa ating Ina dahil sa mga madre na nagturo doon at sa mga espirituwal na pagpupulong na isinaayos nila para sa mga tauhan.  Nang nais ko nang lumagay sa tahimik at makatagpo ng makakasama sa buhay, hinanap ko kanyang makapangyarihang pamamagitan at di naglaon ay nakilala ko ang aking kabiyak, si Christopher, sa isang seminar sa pagtuturo ng pananampalataya.  Salamat sa ating Ina, masaya kaming kasal sa nakalipas na 28 na taon.

Ang mga unang araw ng aming pagsasama ay puno ng tuwa, kasayahan at pagmamahalan ngunit sa paglipas ng mga buwan, nagsimulang magtanong ang mga tao sa aming paligid, “Bakit walang magandang balita?”  Tiniyak ko sa kanila na “Mangyayari ito sa sariling panahon ng Diyos.”  Iyon ang nagligtas sa akin sa karagdagang mga katanungan, ngunit sa paglipas ng mga taon, isang takot ang gumapang sa aking puso dahil walang nagbungang magandang balita.  Nalaman lamang ng medikong pagsisiyasat na ang aking matris ay patagilig, na maaaring nakaantala ng pagbubuntis, ngunit pinayuhan kami ng manggagamot na magbabago ito kung susundin namin ang kanilang mga alituntunin.  Kahit pa, ang mga buwan ay lumipas nang walang dulot na pagbabago.  May mga araw na labis akong nalumbay at malungkot, ngunit ang pagmamahal ni Maria at ng aking kabiyak ang nagpasigla sa akin sa mga mababang puntong iyon.

Pagbubuhos ng Aking Puso

Malaki ang nagugol ko para sa iba’t-ibang gamot ayon sa payo ng aking mga kaibigan at kamag-anakan, ngunit walang nangyari.  Pagkatapos ay sinimulan kong lapitan si Maria sa halip na sumangguni sa madami pang mga doktor, nag-abala sa lahat ng uri ng dasal na iminungkahi ng aking mga kaibigan.  Naglakad ako ng 24 kilometro sa loob ng siyam na araw patungo sa Saint Mary’s Basilica, ngunit wala pa ding palatandaan ng pagbubuntis, bagamat binigyan ako ng lakas ng loob na siyang nagpapanatili sa amin na magpatuloy.  Pinagpala kaming makapaglakbay sa Banal na Lupain kung saan ipinagpatuloy namin ang aming mga kahilingan.  Naaalala ko ang pagdalaw sa grotto ng ating Ina (o Milk Grotto) kung saan, ayon sa tradisyon, ang Banal na Pamilya ay humingi ng kanlungan sa kanilang paglalakbay patungo sa pagkatapon sa Ehipto.  Ang isang patak ng gatas ay sinasabing nahulog mula sa dibdib ng ating Ina habang pinapakain niya ang sanggol na si Hesus, at ginawang mala-tisang puti ang mapula-pulang bato ng kuweba.  Madaming kababaihan ang pumupunta dito upang humiling na mabigyan ng sanggol, o isang mas mahusay na panustos ng gatas.  Nakatindig doon, masaklap akong umiyak, napuspos sa labis na kawalan. Wala sa mga manlalakbay ang maka-alo sa akin.

Nagpasya kaming mag-asawa na maghanap ng pagkakakitaan sa ibang bansa, nang sa gayon ay makayanan naming madalaw ang iba pang kinatatayuan ng pamamakay, tulad ng Lourdes at iba pang magagandang pook sa mundo.  Ang pagbitiw sa kahanga-hanga paaralan matapos ang 14 na taon ng paglilingkod ang pinakamahirap na bahagi, ngunit nais namin ng pagbabago sapagkat hindi pa talaga kami nawalan ng pag-asa.  Sa isang sulok ng aking puso, sumampalataya pa din ako, bagamat hindi ko makita kung papaano.  Tumanggap kami ng mga gawain sa Dubai kung saan ganap naming ipinagkatiwala ang aming buhay sa pangangalaga ng ating mahal na Inang Maria, humihiling ng kanyang pamamagitan habang patuloy kami sa aming paglalakbay ng buhay sa bagong lupaing ito.  Kahit na malayo ang simbahan mula sa aming tirahan, hindi kami sumablay ng Banal na Misa.

Handog na Nabuksan

Sa Misa ng Bisperas ng Bagong Taon, 2015, isang bandehado na may mga ‘promise card’ ang ipinasa.  Ang aking ‘promise card’ ay mayroong mga talata mula sa Genesis, kabanata 30, talata 23, na nagsasabi ng tungkol sa pagiging baog ni Rachel at kung paano inalis ng Diyos ang kanyang kakutyaan.  Napangiti na lang ako. Nang madinig ni Sarah ang mga mala-anghel na panauhin na nagsabi, “Sa pagkakataong ito sa susunod na taon ay manganganak si Sarah,” natawa siya dahil tila hindi ito magaganap.  Ganito rin ang naramdaman ko, ngunit bumalik ako sa bahay at binasa ang kabuuan ng Genesis, kabanata 30.

Isinalaysay nito ang kasaysayan ng dalawang magkapatid na babae – si Lea, na nakapag-anak, at si Rachel na hindi.  Nagsumamo siya sa Panginoon na buksan ang kanyang sinapupunan at dininig Niya ang kanyang panalangin, na nagbigay-daan sa kanya upang magkaanak ng dalawang lalaki, sina Joseph at Benjamin.  Bumalik kami sa India upang dalawin ang aming mga mag-aanak ngunit sa aming pagbabalik, masama ang pakiramdam ko.  Kaya nagtungo ako sa doktor para sa isang check-up, iniisip na ang aking presyon ng dugo ay pabagu-bago.

Ang doktor ay nag-utos ng mga pagsusuri na siyang nagsiwalat ng kamangha-manghang balita na ako ay nagdadalan-tao!

Pareho itong kapana-panabik at nakakaligalig.  Kapwa kaming lumagda ng limang taong kontrata, kaya kakailanganin naming magbayad ng mabigat na multa kung sumira kami sa mga ito.  Dahil sa aking abanteng gulang, wala ding saklaw ng pagseseguro para sa aking pagiging ina, kaya kung mananatili kami sa Gulpo para maghanap-buhay ang aking asawa, ito ay napakamahal, at hindi namin matiis na maghiwalay ngayong ang aming panalangin para sa isang sanggol ay sa wakas natupad matapos ang mahabang 22 taon.  Kaya muli, dumulog kami sa ating mahal na Inang Maria na ipagdasal ang kalutasan sa ating suliranin.

Isang araw, nagpadala ng kotse ang Tagapangulo sa aming flat na humihiling sa aming magtungo sa kanyang tirahan.  Nagtataka kung saan ito tungkol, nabigla kaming madinig nang masaya niyang sinabi, “Mas maiging magbitiw na kayong dalawa at magbalik sa India.”  Labis kaming natuwa at namangha na halos hindi kami makapaniwala, ngunit hindi namin nalimutang magpasalamat sa Panginoon at sa aming minanamahal na Ina sa pagiging kasama namin sa panalangin sa buong panahong iyon.

Naghihintay ng Himala?

Inaasahan ng aking mga doktor sa Bangalore ang isang mahirap na pagdadalantao sa yugto ng aking buhay, ngunit salamat sa makapangyarihang pamamagitan ni Maria, nagkaroon ako ng mabuting paglilihi nang walang anumang komplikasyon.  Syempre ang mga doktor ay nagulat na ako ay nahaharap sa isang normal na panganganak, ngunit nais pa din nilang magsagawa ng isang ‘caesarean’ seksyon dahil ako ay buntis ng kambal sa aking katandaanan.  Nakipagtulungan kami at pagka-Linggo ng Pagkabuhay, natutuwa kaming nagpasalamat sa Diyos sa pagpapala sa amin ng aming mga kambal na sanggol—sina Carlton at Vanessa—mas magandang handog kaysa anumang Easter egg.  Kung naghihintay ka ng isang himala sa iyong buhay, nais kitang hikayatin na maging matatag sa pananampalataya.  Huwag sumuko.  Patuloy na magbalik sa Diyos kasama ng iyong mga panalangin at hilingin si Maria na samahan ka sa panalangin.  Laging dinidinig ng Diyos ang ating mga panalangin at hindi tayo pinagkakaitan ng tugon.

Ave Maria!  Sa Diyos Ang Lahat Ng Papuri!

 

Ang SANAYSAY na ito ay batay sa patotoo na ibinahagi ni Victoria Christopher para sa palatuntunang Shalom World na “Maria Aking Ina”.  Upang mapanood ang bahagi, dalawin ang: shalomworld.org/show/mary-my-mother-2

 

Share:

Victoria Christopher

Victoria Christopher

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles