Home/Makatawag ng Pansin/Article

Dec 04, 2021 822 0 Teresa Ann Weider, USA
Makatawag ng Pansin

TURUAN MO AKONG MANALANGIN

Madaming ulit na nababalewala tayo dahil sa mga intindihin at alalahanin, at nagiging masalimuot ang buhay. Ano ang paraan para makaiwas dito?

“Anong mundo ito! Anong mundo ito! ” wika ng buktot na mangkukulam ng Kanluran sa “The Wizard of Oz” habang ito ay natutunaw hanggang sa mawala na sa paningin matapos na masabuyan ng isang timba ng tubig. Gaano kadalas natin madinig na ginagamit ang mga salitang ito dahil ang mundo ay parang nababaliw? Ang mga suliranin at pangyayari sa mundo ay maaaring magpadama sa atin ng kahinaan, na tayo ay naliligaw ng daan at nalulunod sa timba ng kadiliman. Nakaharap tayo sa mga paghihirap at sa isang kultura na pagulo nang pagulo bawat araw. Anong mundo ito! Anong mundo ito!

Likha ng Mumunting Alon

Bagamat madaling sisihin ang “mundo” sa ating mga suliranin, ang bawat isa sa atin ang sama-samang bumubuo ng “mundo”. Ang ating mga kilos o di-pagkilos ay lumilikha ng mumunting alon ng mga pangyayari sa loob ng ating mga tahanan at pamayanan na patuloy na magpaalon-alon, lumalaganap palabas. Nababagbag natin ang kalooban ng mga tao sa ating paligid at napapagbago sila ng ating buhay. At dahil dito, gayun din Ang nagagawa nila sa kapwa. Ang pandaigdigang pagkalat ng mikrobyo ng Covid-19 ay nagpapakita kung gaano di-kapani-paniwalang magkakasanib ang sangkatauhan.

Kaya bakit tayo nasa ganitong kaguluhan?

Marahil, ito ay dahil sa tayo ay naligaw ng daan. Marahil ay katulad tayo ni Apostol Pedro na lumunsad sa daong, datapuwa’t pagkakita niyang malakas ang hangin, nagngangalit ang bagyo, siya ay natakot, at sa pag-alis niya ng paningin kay Jesus siya ay nagsimulang lumubog (Mateo 14:30). Kapag inalis natin ang ating paningin kay Jesus, madaling mawala ang lakas natin ng loob, at malubog sa mga kagipitang bumabalot sa atin. Ang buhay ay maaaring maging magulo nang napakabilis.

Ano ang ibig sabihin ng alisin ang ating paningin kay Jesus? Ipapaliwanag ko sa pagbabahagi ng aking kasaysayan. Noong ang apat kong anak ay maliliit pa at ang buhay namin ay abalang-abala sa dami ng pang araw-araw kong mga gawain, bahagyang panahon lamang ang naiwan na maigugol ko sa pananalangin sa Panginoon. Gayon pa man, tuwing umaga ay inaanyayahan ko Siya na samahan ako sa aking bawat gawain. At dagdag pa sa lahat ng aking mga pang-araw-araw na pananagutan, nagkaroon ako ng matinding kawilihan sa pananahi na tuluyang naging isang kalakal-pantahanan at sa bandang huli ay mabilis na umunlad na hindi ko na nakayanan.

Pagkaraan ng buong araw ng pag-aaruga sa aking mag-anak, mananahi ako kapag tulog sila. Ngunit ang linggo-linggong paggawa nito na kulang ang tulog ay nakapagpaiba sa aking pag-iisip at ugali, at ito ay nagbunga ng di mabuti sa aking mag-anak.  Di magandang magkakasunod na pangyayari ang nasimulan. Isang gabi, ako ay pagod na pagod at nakaharap sa isa pang nakapanlulumong gabi ng pananahi, kumawala ang baha ng luha mula sa pilapil. Humihikbi at puno ng pagkabigo, naalala ko na ang Panginoon ay kasama ko sa lahat ng ito, kayat inakala kong Siya ang mainam na sisihin sa aking katayuan. “Bakit Panginoon?” Tanong ko. “Bakit mo ako binigyan ng hilig at talino sa pananahi ngunit hindi mo ako binigyan ng panahon na manahi? BAKIT?”

Hindi Nakatuon

Tila hinhintay ako ng Panginoon na itanong ang gayon, sapagkat pagkalabas nito sa aking bibig, tumugon Siya, “Sapagkat binigay ko ito sa iyo para sa iyong kasiyahan, hindi para Ikaw ay kumita!” Napatulala ako at ang aking luha ay agad na natigil at natuyo. Wala akong maisagot. Bigla kong napagtanto na hindi ko hiningi ng patnubay sa Panginoon o inalam ang Kanyang kalooban bago sinimulan ang aking pangangalakal sa pananahi. Masaya na akong hayaang nakasama Siya. Hiyang-hiya ako. Sumulong akong mag-isa at nalimutan kong magdasal. Inilagay ko Siya sa likuran na hindi ko Siya makita. At sa pag-alis ng paningin ko kay Jesus, ako ay nalubog. Ang aking pananahi ay nagkakaroon ng isang di magandang bunga para sa akin, sa aking pamilya at sa aking mundo.

Nalimutan ko na ang Diyos, na makakatulong at nais na tumulong sa atin, ay ang dapat na mamuno, hindi ang sumunod sa likuran ko. Sa kabutihang palad, may tulong para sa atin kapag inalis natin ang ating mga mata kay Jesus. Sinabi sa atin ni Hesus, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.” (Mateo 11:28) Hindi tayo dapat maghanap ng ginhawa o katugunan sa ibang mga tao, mga bagay o mga huwad na diyos ng mundong ito. Ang ating unang “puntáhan” ay dapat na ang palaging manalangin sa ating maawain na Panginoon na matiyagang naghihintay sa atin na hanapin Siya. Tulad ni San Pablo, nais ng Panginoon na iabot ang Kanyang kamay sa atin, iligtas tayo, sumakay sa ating mga bangka at akayin tayo sa kaligtasan. At nagsisimula ang lahat sa “pagtatanong”. Malinaw itong sinabi ni Hesus sa ebanghelyo ni San Mateo:

 

“Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y

          mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan.

          Sapagka’t ang bawa’t humihingi ay tumatanggap; at ang

          humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay

          binubuksan…. Kung kayo nga, bagaman masasama ay marunong

          mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa

          kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting

          bagay sa nagsisihingi sa kaniya?”(Mateo 7: 7-11).

 

Tulad ng isang mabuting magulang, nagtakda ang Diyos ng ilang patakaran sa pagtugon sa panalangin. Sinabi sa atin ni Apostol Juan na: “Kung tayo’y humingi ng ano mang bagay na ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay dinidinig Niya” (1 Juan 5:14). Hindi maaring lumabag ang ating mga panalangin sa kalooban ng Panginoon. Kaya kailangan nating makilala ang Panginoon at manalangin alinsunod sa Kanyang kalooban. (1 Juan 5:14)

Paano natin makikilala ang kalooban ng Panginoon? Sinasabi sa atin ni Jesus, “Kung kayo ay mananatili sa akin at ang aking mga salita ay manatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong ibigin at ito ay mangyayari sa inyo.” (Juan 15: 7) Nangangahulugan na upang maunawaan ang Kanyang kalooban, kailangan nating Siyang makilala. Upang makilala Siya kailangan nating damputin ang ating mga Bibliya. Sa Banal na Kasulatan madidinig natin Siya, matututo tayo sa Kanya at ng tungkol sa Kanya, at maunawaan natin ang Kanyang kalooban. Kasunod nito, kailangang kapiling natin Siya sa panalangin at sa mga sakramento.

Pangako Magpakailanman

Si San Pablo ay nagbigay- timbang din sa paksa ng pagdadasal. Sinabi niya sa atin na “Huwag kayong mabalisa patungkol sa anumang bagay. Sa halip, ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Panginoon na may pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin at ng panalanging may paghiling.” (Mga Taga Filipos 4: 6). Maliwanag mula kay Pablo na hindi natin dapat pabayaan na biguin tayo ng mga alalahanin ng mundo. Kailangan nating lumapit sa Panginoon nang may pagtitiwala at pagpapasalamat sa puso. Kung napagtanto nating humihingi tayo ng tulong mula sa Lumikha ng Sanlibutan na nagmamahal sa atin at makakagawa ng ano pa man, mag-aalala pa ba tayo sa kahit ano pa man?

Sa Ebanghelyo ayon kay San Marko, sinabi sa atin ni Jesus, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, lahat ng mga bagay na inyong idinadalangin at hinihingi, magsisampalataya kayo na inyong tinanggap na, at inyong kakamtin. Samakatuwid sasabihin ko sa iyo, anuman ang hiniling mo sa panalangin, maniwala na natanggap mo ito, at ito ay magiging iyo” (11:24). Kung totoong naniniwala tayong sasagutin ng Panginoon ang ating mga panalangin dapat tayong magpasalamat bago pa ito sagutin, sapagkat alam natin na ito ay sasagutin. May kasabihan na kumakalat sa internet na nagpapahayag, “Huwag mong sabihin sa Panginoon kung gaano kalaki ang iyong mga suliranin. Sabihin sa iyong mga suliranin kung gaano kalaki ang Panginoon!” Mahusay na payo ito na makakatulong sa atin na mailagay ang mga suliranin sa mas maliit na pananaw.

Para sa madami sa atin, ang diwa ng pagdadasal ay nakakapangamba. Nais nating bumaling sa Panginoon sa pagdadasal, ngunit hindi natin alam kung saan magsisimula. Madaming taon na ang lumipas, ang buhay ko ay naging mabigat pasanin. Alam ko na kailangan kong manalangin, ngunit hindi ko alam kung papano. Humingi ako ng tulong at ang Panginoon ay tumugon sa pagpapadala ng Banal na Espirito upang gabayan ako. Ang buong pagkatao ko ay napuspos ng sumusunod na panalangin, napakabilis na pakiramdam ko’y basta isinulat ko na lang kung ano ang iniutos ng Banal na Espirito.

Mahal na Hesus,

Turuan Mo akong manalangin, Panginoon.

Turuan Mo akong manalangin upang makilala Kita.

Turuan Mo akong manalangin para sa mga bagay na nakalulugod sa Inyo at akayin Mo ako sa Iyong mahusay na loobin para sa aking buhay.

Turuan Mo akong manalangin sa pagamit ng lahat ng aking pandama… .aking mata, aking tainga, aking ilong, aking bibig, aking pansalat.

Turuan Mo akong manalangin sa paggamit ng aking mga mata, na masdan lamang ang mga bagay na lumuluwalhati sa Iyo.

Turuan Mo akong manalangin sa paggamit ng aking mga tainga, sa pakikinig lamang sa mapagpatibay na mga katotohanan na iginagalang Ka.

Turuan Mo akong manalangin sa paggamit ng aking ilong. Paalalahanan Mo ako ng Iyong Hininga ng Buhay at ng Iyong Banal na Espirito na nananahan sa akin, habang napupuno ang aking baga ng bawat paghinga.

Turuan Mo akong manalangin sa paggamit ng aking mga salita na dakilain Ka at ang Iyong mahal na pangalan.

Turuan Mo akong manalangin sa paggamit ng aking mga kamay sa pakikipagpag-ugnay sa kapwa nang may pagmamahal, sa ngalan Mo.

 

Turuan Mo akong maalaala ang manalangin.

Turuan Mo akong manalangin sa pagtawag sa Iyo para maging patnubay ko sa lahat ng aking pangangailangan.

Turuan Mo akong manalangin sa gitna ng mga kaguluhan ng aking buhay.

Turuan Mo akong magdasal para sa kapwa at isiping ang kanilang mga hangarin ay animo sa aking sarili din.

Turuan Mo akong makilala ang Iyong katotohanan, ang iyong daan, ang iyong kapayapaan, ang iyong biyaya, at ang Iyong pananggalang. 

Turuan Mo akong manalangin bilang pasasalamat sa mga pagpapala at biyaya na sagana mong ipinagkaloob  sa akin.

Turuan Mo akong ipanatag ang aking isipan at manalangin nang tahimik upang madinig ko ang mga salita Mo sa akin.

Turuan Mo akong manalangin na mapakinggan ko at makilala ang Iyong Banal na Espirito na nasa akin, nang sa gayon ay mabatid ko kapag ang Panginoon ay nangungusap sa akin, ang Kanyang tagapaglingkod.  

Turuan Mo akong manalangin na magawa kong mahalin Ka nang buong puso, ng buong kaluluwa, ng buong lakas at ng buong pag-iisip.

Turuan Mo akong bayaan ang buong buhay ko na maging isang panalangin sa Iyo.

 

Hesus, hinihiling ko sa iyo na makasama ka.

Hesus, inaanyayahan kita na manahan sa akin.

Hesus, buong kababaang-loob kong hinihiling sa Iyo na tapusin Mo ang paglikha sa akin.

Jesus, turuan mo akong manalangin.

Siya nawa.

 

Inaanyayahan ko kayo na dasalin ang panalangin na ito at tandaan na bagamat napapagod na tayo sa mga pagsubok sa mundong ito, tiyak na tayo ay hindi kaawa-awa. May kapangyarihan tayong manalangin!

Ngayon para sa natitirang bahagi ng salaysay ni Pedro. Nang maunawaan ni Pedro na inalis niya ang kanyang paningin kay Jesus at nagsimulang malunod, hindi siya sumuko. Sumigaw siya, “Pangunoon! Sagipin Mo ako!” At kaagad na iniabot ni Jesus ang Kanyang kamay at hinawakan siya! At nang sila ay nakasakay na sa bangka, tumigil ang hangin.

Ngayon para sa natitirang bahagi ng aking salaysay … Nang mapagtanto kong inalis ko ang aking paningin kay Jesus at nalulunod sa dami ng mga gawain at kakulangan ng tulog, ako din ay humiling kay Jesus na iligtas Niya. Sumakay siya sa aking bangka at itinurong muli ang daan sa aking buhay. Tinapos ko ang aking mga pananagutan at kasunod nito ay ginawa kong isang kasiya-siya at nakakalibang na gawain ang aking pananahi.

Binabago ng panalangin ang mga bagay para sa atin at sa mundo sa paligid natin. Kung pinagdadasal natin ang ating sarili at ang ating kapwa, makakagawa tayo ng mabuting likha ng mumunting-alon. Dalangin ko ay na sa lalong madaling panahon, sa halip na magpanaghoy ng “Anong mundo ito! Anong mundo ito!”, uulitin natin ang walang-kupas na awitin ni Louis Armstrong: “What a Wonderful World”.

Share:

Teresa Ann Weider

Teresa Ann Weider ay naglingkod sa Simbahan sa loob ng maraming taon sa pamamagitan ng kanyang aktibong pakikilahok sa iba't ibang ministeryo. Nakatira siya kasama ang kanyang pamilya sa California, USA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles