Home/Makatagpo/Article

Sep 09, 2021 985 0 Sherin Vincent
Makatagpo

KAILAN MAN AY HINDI NAG IISA

 Ano ang Pinakamabuting Lunas sa Kalungkutan?

Ito ay isang ordinaryong Linggo ng gabi sa paupahang bahay para sa mga estudyante kung saan ako ay tumutuloy. Karamihan sa aking mga kaibigan ay umuuwi sa kani-kanilang tahanan tuwing katapusan ng linggo. Matapos kong tapusin ang aking mga gawain at pag-aaral para sa araw na iyon, naghanda ako upang makadalo sa misa ng gabing iyon sa maliit na kapilya ng kumbento malapit sa aking tinutuluyan. Habang ako ay patungo sa kapilya ako ay nakaramdam ng lubos na pagkalungkot na halos hindi ko makayanan. Maliban sa katunayan na milya – milya ang layo ko sa aking pamilya, may isang bagay akong pinapasan, ngunit hindi ko matukoy kung ano ito. Ang kalungkutan ay bale wala na sa akin. Mahigit anim na taon na ang aking ginugol sa Kolehiyo/Unibersidad na aking tinutuluyan at nabibisita ko lang ang aking mga magulang na nagtratrabaho sa ibang bansa tuwing may mga araw ng pahinga sa eskwelahan.

Nang makarating ako sa kapilya, nagulat ako ng makita ko itong puno ng mga tao, na hindi pangkaraniwan. Gayunpaman, nakahanap ako ng upuan sa unahan at ako’y umupo. Hindi ko maitutok ang aking isipan sa mga panalangin dahil sa ibang mga bagay na umuukupa ng aking pag-iisip habang nagmimisa. Habang papalapit ako sa linya ng mga mangungumunyon ay lalong tumindi ang sakit ng loob na nararamdaman ko. Pagkatanggap ko kay Hesus, bumalik ako sa aking upuan at lumuhod upang magpasalamat.

Sa mga sumunod na sandali napagtanto ko na ang matinding kalungkutan at lumbay na nararamdaman ko ay nawala! Para bang may mabigat na naalis sa aking balikat sa isang iglap. Ako ay nagulat sa pagbabagong ito dahil hindi ako masyadong nakapagdasal sa oras ng Misa, o nakapagsabi man lang kay Hesus tungkol sa nararamdaman ko. Ngunit ang Panginoon ay nakatingin sa akin mula sa dambana. Alam niyang nahihirapan ako at nangangailangan ng tulong.

Ang maliit na pangyayaring iyon ay tumatak ng malalim sa aking ala-ala. Kahit sa paglipas ng maraming taon naalala ko kung paano niya ipinaramdam ang kanyang pagka mahabaging pag-aalaga sa akin. Ang Eukaristiyang Panginoon ang naging kanlungan ko sa lahat ng mahihirap na sandali ng aking buhay. Kahit minsan ay hindi siya nabigo na tulungan ako sa pamamagitan ng kanyang mga biyaya at awa. Kapag ang ating buhay ay parang binabagyo, at walang kasiguruhan, hindi natin malaman ang dapat gawin at tamang daan na tatahakin, ang dapat nating gawin ay tumakbo sa kanya. Ang ilan sa atin ay gumagastos ng maraming pera upang makipag-usap sa isang dalubhasa sa agham ng isip, ngunit madalas na hindi natin napagtanto na ang pinakadakilang tagapayo ay laging handa na makinig sa ating mga problema sa anumang oras, ng walang kailangang tipanan!

Walang hihigit na lunas sa kalungkutan kaysa sa presensiya ng Panginoon. Kapag naramdaman mo na talagang walang nakakaunawa o nagmamalasakit sa iyo, lumapit ka ng may buong pagtitiwala sa Banal na Sakramento. Hinihintay ka ng Panginoong Hesus upang maranasan mo ang kanyang dulot na kaginhawahan, lakas at labis na pagmamahal!

“Ang oras na ginugol mo kasama si Hesus sa Banal na Sakramento  ay ang pinaka mabuting oras na ginugol mo sa mundo”. – Saint Teresa ng Calcutta

O aking Hesus tunay na naririyan sa Banal na Sakramento, tulungan mo akong ipagkatiwala sa iyo ang lahat ng aking mga alalahanin tungkol sa hinaharap. Ako ay nagtitiwala at lubos na naniniwala na walang imposible para sa iyo. Ako ay iyong aluin at palakasin ng iyong labis na pagmamahal, Amen!

Share:

Sherin Vincent

Sherin Vincent serves on the Editorial Team of Shalom Tidings. Following a personal encounter with the Holy Spirit at age 13, her delight has been seeking God in the ordinary circumstances of life. She resides with her family in Bangalore, India.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles