Trending Articles
Nagdatingan ang mga krus nang sunod-sunod, ngunit ang awa ng Panginoon ay hindi kailanman nabigo sa mag+anak na ito!
Nagsilang ako sa aking panganay sampung taon na ang lumipas, at kami ay tuwang-tuwa! Naaalala ko pa ang araw; tuwang-tuwa kaming malaman na ito ay isang sanggol na babae. Hindi ako makapagpasalamat ng sapat sa Panginoon para sa Kanyang mga pagpapala sa aking mag-anak. Tulad ng bawat ina, pinangarap kong bumili ng mga nakatutuwang baro, ipit, at booties para sa aking maliit na manika. Pinangalanan namin siyang ‘Athalie,’ ibig sabihin ay ‘Ang Diyos ay dakila.’ Pinupuri namin ang Diyos dahil sa Kanyang magandang regalo.
Lingid sa aming kaalaman na di magtatagal ang kagalakan namin ay mauuwi sa matinding kalungkutan o na ang aming panalangin ng pasasalamat ay mapapalitan ng mga pagsamo sa Kanyang awa para sa aming pinakamamahal na sanggol.
Sa apat na buwang gulang, siya ay nagkasakit ng malubha. Sa dami ng pagsalakay ng seizure, iiyak siya ng ilang oras at hindi makatulog o makakain nang maayos. Matapos ang madaming pag-eksamen, nasuri siyang maykapansanan sa utak; nagdurusa din siya sa isang pambihirang uri ng malubhang childhood epilepsy na tinatawag na ‘West Syndrome,’ na lumiligalig sa isa sa bawat 4,000 na bata.
Ang pagsuri ay lubhang nakakagitla at nakakasugat ng puso para sa amin. Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang bagyo. Ninais kong maging manhid ang aking puso sa kirot na dinadanas ko. Madaming mga tanong ang tumatakbo sa isip ko. Ito ay simula pa lamang ng isang mahaba at mahirap na paglalakbay na kailanman ay hindi ako nakahandang akuin. Ang aking sanggol na babae ay patuloy na dumadanas ng mga seizure sa loob ng halos dalawa at kalahating taon. Sinubukan ng mga doktor ang madaming gamot, masakit na turok, at araw-araw na pagsusuri ng dugo. Ilang oras siyang iiyak at ang tanging magagawa ko lamang ay humiling na ipataw ng Diyos ang Kanyang awa sa aking anak. Pakiramdam ko ay wala akong magawa dahil hindi ko siya mabigyang-ginhawa sa anumang paraan. Ang buhay ay parang isang malalim at madilim na hukay ng paghihirap at kawalan ng pag-asa.
Ang kanyang mga seizure sa kalaunan ay humupa, ngunit siya ay dumanas ng madaming pagkaantala sa pag-unlad. Habang umuusad ang paglalapat-lunas sa kanyan, isa pang nakakasindak na balita ang bumalot sa aming mag-anak. Ang aming anak na si Asher, na may pagkaantala sa pagsasalita at mga isyu sa pag uugali, ay nasuri na may mataas na gumaganang autism sa gulang na tatlo.
Kami ay nasa bingit ng kawalang pag-asa; ang buhay ay naging napakabigat para sa amin bilang mga bagong magulang. Hindi maiintindihan o mararamdaman ng isa ang sakit na aming pinagdadaanan. Nakadama kami ng lungkot at pagka-aba. Gayunpaman, ang panahong ito ng kalungkutan at ang mapighating mga araw ng pagiging ina ay nagpalapit sa akin sa Diyos; Ang Kanyang Salita ay nagdulot ng kaginhawahan sa aking pagod na kaluluwa. Ang kanyang mga pangako, na binabasa ko ngayon nang may mas malalim na kahulugan at mas buong pang-unawa, ay nagpaganyak sa akin.
Iyon ay sa masalimuot na panahon ng aking buhay na hinayaan ako ng Diyos na magsulat ng mga blog na puno ng pananampalataya at nakakaganyak para sa mga taong dumadanas ng mga hamon at paghihirap na katulad ng sa akin. Ang aking mga artikulo, na sumibol mula sa mga pang-araw-araw kong debosyon, ay nagbahagi ng mga hamon ng kakaibang pagiging magulang at naglakio ng mga karanasan at pananaw ko sa buhay. Ginamit ng Diyos ang aking mga salita upang pagalingin ang madaming namimighating kaluluwa. Ako ay tunay na nagpapasalamat sa Kanya sa pagpaikot sa aking buhay na maging isang kapaki-pakinabang na sisidlan para sa Kanyang pag-ibig.
Sasabihin ko na ang desperasyon sa karamdaman ng aming anak na babae ay nagpatibay sa pananampalataya ng aming mag-anak sa Diyos. Habang kami ng aking asawa ay nakipagsapalaran sa di- batid na landas ng naiibang paglalakbay na ito bilang magulang, ang kinailangan naming panghawakan ay ang mga pangako ng Diyos at ang pananampalataya sa aming mga puso na hindi kami iiwan o pababayaan ng Diyos. Ang dating tila mga tambak ng abo ay nagsimulang maging ganda ng kalakasan habang iniabot ng Diyos ang Kanyang biyaya, kapayapaan, at kagalakan sa amin sa panahon ng napakasakit at madilim na panahon ng aming buhay. Sa pinakamalungkot na sandali, ang paggugol ng oras sa Kanyang paanan ay nagdulot sa amin ng panibagong pag-asa at lakas ng loob upang sumulong.
Matapos ang mga taon ng paggagamot at walang katapusang mga panalangin, umayos na ngayon ang mga kombulsyon ni Athalie, ngunit patuloy siyang nagkakaroon ng malubhang anyo ng cerebral palsy. Hindi siya makapagsalita, makalakad, makakita, o makaupo nang mag-isa at lubos na umaasa sa akin. Kalilipat kamakailan lang sa Canada mula India, ang aming mag-anak ay kasalukuyang tumatanggap ng pinakamahusay na paggagamot. Ang malaking kaunlaran sa kanyang kalusugan ay ginagawang mas makulay ang aming buhay.
Si Asher ay nasa labas na ng pagbukod-bukod, at siya ay ganap nang nakahabol sa kanyang pananalita. Matapos ang unang pagtanggi sa kanya ng madaming paaralan dahil sa kanyang kawalan ng sigasig, siya ay nag-aral sa bahay hanggang ikalimang baytang. Bagama’t nagpapakita siya ng ilang tanda ng ADHD, sa awa ng Diyos, nakalista na siya ngayon sa ika anim na baytang sa isang pribadong paaralang Kristyano. Isang mahilig sa aklat siya ay nagpapakita ng kakaibang interes sa solar system. Nais na nais niyang matuto tungkol sa iba’t ibang bansa, sa kanilang mga bandila, at mga mapa. Bagama’t ang buhay ay puno pa din ng mga hamon, ang pag-ibig ng Diyos ang nagtutulak sa amin na maging magulang ng aming mga anak nang may pagmamahal, tiyaga, at kabutihan.
Sa patuloy na pagyakap sa pananalig namin kay Hesus at pagtahak ng kakaibang landas na ito ng espesyal na pangangailangan ng pagiging magulang , naniniwala ako na may mga pagkakataon na mayroong mga dagliang sagot sa aming mga panalangin, at ang aming pananampalataya ay nagsisilbi at nagdudulot ng mga bunga. Ang mga panahong iyon, ang lakas at kapangyarihan ng Diyos ay ipinahayag sa ano mang ginagawa Niya para sa amin—ang tiyak na sagot sa aming mga panalangin.
Sa ibang mga pagkakataon, ang Kanyang lakas ay patuloy na tumatanglaw sa amin, tinutulungan kaming matiis ang aming dinaramdam nang may katapangan, hinahayaan kaming madanasan ang Kanyang mapagmahal na awa sa aming mga paghihirap, ipinapakita sa amin ang Kanyang kapangyarihan sa aming mga kahinaan, tinuturuan kami na paunladin ang kakayahan at karunungan na tanggapin ang mga tamang hakbang, binibigyan kami ng kapangyarihan na magkuwento ng Kanyang lakas, at hinihikayat kaming saksihan ang Kanyang liwanag at pag-asa sa gitna ng mga paghamon.
Elizabeth Livingston ay isang manunulat, tagapagsalita at blogger. Sa pamamagitan ng kanyang mga nagbibigay inspirasyong mga sinulat, marami ang naantig ng nakapagpapagaling na pag-ibig ng Diyos. Nakatira siya kasama ang kanyang asawa at dalawang magagandang anak sa Kerala, India. Upang makabasa pa ng kanyang mga artikulo bisitahin ang: elizabethlivingston.in/
Want to be in the loop?
Get the latest updates from Tidings!