Home/Magturo ng Ebanghelyo/Article

Mar 23, 2023 871 0 Claudia D’Ascanio
Magturo ng Ebanghelyo

HUWAG HUSGAHAN ANG AKLAT SA PABALAT NITO 

Hayaan ang Diyos na magsulat ng isang magandang salaysay sa iyong buhay

Iyon ay magandang araw ng tag-araw habang kami ay nagpapahinga at nagkukuwentuhan kasama ng mga kaibigan habang ang mga bata ay nagtatawanan at naglalaro sa sapa.  Nagmamalaki nilang sinabi sa amin ang tungkol sa kanilang nakakatandang anak na lalaki na nagtungo sa Mexico upang ituloy ang kanyang pagaaral sa pagpapagaling ng ngipin dahil ito ay mas abot-kaya sa kanilang sariling bansa.  Sinabi sa kanila ng kanilang anak ang tungkol sa mga bagong kaibigan na kanyang nakilala.  Namangha siya sa isa sa mga babaeng nakilala niya dahil sa kanyang pag-uugali na hindi gaanong tugma sa kanyang konserbatibong pagpapahalaga, kaya nagpasya siyang lumayo dito.  Ipinagmamalaki nila ang kanilang anak dahil napagtanto nito na hindi magandang ipagpatuloy ang pakikipagkaibigan o relasyon sa babaeng ito.  Naiintindihan ko ang kanyang pag-iingat, ngunit nagkaroon ako ng ibang pananaw dahil minsan, ako ay, ‘ang babaeng ‘yon”…

Sa Paglaki

Isinilang ako sa isang maliit na bayan sa Quebec na isang magandang pook para magbuo ng pamilya.  Sa kasamaang palad, naghiwalay ang aking mga magulang noong ako ay 2 taong gulang lamang, kaya lumaki ako kasama ang aking ina at ang kanyang kapareha, at dinadalaw ko lamang ang aking ama minsan bawat dalawang linggo.  Palagi kong nadama ang kawalan ng pagmamahal at hindi talaga ako ipinakilala kay Hesus.  Bagaman ang aking mga magulang ay mga Katoliko, at tiniyak ng aking ina na natanggap ko ang lahat ng aking mga sakramento, hindi niya ako nadala sa Misa pag Linggo, ni ang magdasal sa bahay, kahit na ang Rosaryo o Grasya bago kumain.  Ang aking pananampalataya ay napaka simple.  Ang aking ama ay Italyano, ngunit lumaki sa Canada.  Ang kanyang ina ay isang debotong Katoliko at hindi nakakalimot magdasal araw-araw.  Nakakahiyang hindi ko sinunod ang yapak niya…Gayon pa man, ang Diyos ay may ibang pakay para sa akin, sa palagay ko.

Habang lumalaki, ramdam kong tinanggihan ako ng ibang mga bata dahil sa kulay ng aking balat.  Ang aking ina ay mula sa Costa Rica kaya hindi ako ang pangkaraniwang French Canadian. Gayunpaman, nagawa kong magkaroon ng madaming kaibigan, bagamat hindi lahat sila ay magandang inpluwensiya.  Sa pagdadalaga, ako ay naging isang kaakit-akit na binibini na mukhang mas matanda kaysa sa aking edad.  Sinamantala ko ito para sumikat at huwag magkaroon ng problema sa pagkakaroon ng kasintahan.  Ang aking ina ay hindi talaga nagbigay sa akin ng sekswal na edukasyon na kinailangan ko at ang kapaligiran na aking tinitirhan ay hindi makaluma.  Sa paglipas ng panahon, dumanas ako ng panlilinlang.  Nakaramdam ako ng kawalan.  Ang aking “kagalakan” ay palaging pansamantala at sa maiksing panahon, humantong ako sa mga bisig ng kung kanino.

Paghahanap ng Pag-ibig

Nang matapos ako sa mataas na paaralan, ako’y nagpasiyang magpahinga ng isang taon at magtungo sa Costa Rica upang manirahan kasama ng aking tiyahin bago ako magsimula sa kolehiyo. Dahil nagkaroon na ako ng hindi pang buong araw na trabaho para makabili ng sarili kong mga usong damit, pampaganda, pabango atbp, nag-ipon ako ng pera para pondohan ang biyahe at matuto ng Espanyol sa isang akademya.  Dumating ako sa panahon ng kapaskuhan, kaya madaming kasiyahan ang nagaganap.  Dahil ang aking mga ugnayan sa mga lalaki ay palaging nagtatapos sa hindi mabuti, ako ay nagpasya (sa edad na18) na ako ay tapos na sa mga lalaki.  Nagpasiya akong gugulin ang aking panahon kasama ang mag-anak, subalit ang Diyos, may ibang pakay para sa akin…

Limang araw makalipas ang aking pagdating, dinala ako ng aking pinsan sa isang kainan na nagsisilbi ng alak  kung saan nakipagkita siya sa ilang mga kaibigan.  DI nagluwat pagkaupo namin, isang napakagwapong lalaki ang ngumiti sa akin.  Namula ako at ngumiti pabalik.  Tinanong niya kung maaari siyang sumali sa amin, at tinanggap ko ito nang may kasiyahan.  Pareho kaming nakaramdam ng isang agadang pagkakaisa at nagkaayos na magkitang muli kinabukasan, at sa susunod, at sa susunod at iba pa.  Sa kabila ng aming pagkakaiba ng kultura, madami kaming pagkakatulad at nagkakonekta kami sa paraang hindi namin maisip.  Sinabi niya sa akin, “Ang pinakamahalaga sa akin ay kung ano ang nasa iyong ulo at kung ano ang nasa iyong puso.” Wala pang nagsabi ng ganuon sa akin dati.

Kami ni William ay hindi mapaghiwalay.  Niyaya pa niya akong sumama sa misa bago kami magtungo sa kung saan.  Bagamat hindi naman ako talaga nagbayad-pansin, natuwa pa din ako dahil kasama ko siya.  Pagkatapos ay inanyayahan niya akong sumama sa kanyang pamilya sa paglalakbay sa banal na lugar sa basilica ng Cartago na may kasamang 4 na oras na paglalakad.  Muli, hindi talaga ako nagpunta dahilan sa aking pananampalataya.

Pusong Nagbuhos-loob

Namangha ako nang makita ang libu-libong taong dumadating sa simbahan, humihingi ng kabutihang-loob sa Mahal na Birheng Maria, o nagpapasalamat sa mga kabutihang-loob na kanilang natanggap. Di-mapaniniwalaan.  Bawat isa sa kanila ay papasok sa simbahan, luluhod at paluhod na lalakad hanggang sa makadating sa altar.  Nang kami na ang sumunod, maayos ang pakiramdam ko, ngunit nang sandaling lumuhod ako, parang nawalan ako ng hangin.  Isang malaking buhol ang nabuo sa lalamunan ko at napaiyak ako.  Umiyak ako na parang sanggol hanggang makadating sa altar. Tumingin sa akin si William, nagtataka kung ano ang nangyayari, ngunit hindi nagsalita.  Nang nasa labas na ulit kami, tinanong ako ng kaniyang inang si Sandra kung ano ang nangyari.  “Hindi ko alam,” pahingal kong tugon.  Sinabi niya na si Hesus ay dumating upang dalawin ang aking puso.  Alam kong tama siya.  Iyon ay para bang nakaharap mo ang taong minahal mo nang labis pagkatapos ng mahabang paghihiwalay.  Isang bagay na kahima-himala, na lampas sa aking pamamahala, ang gumampan sa akin.

Mula nang sandaling iyon, pakiramdam ko’y isa akong panibagong tao at ang aking buhay ay nagsimulang muli.  Dinala ako ni William sa Kumpisal sa unang pagkakataon mula nang aking Kompirmasyon sa edad na 11.  Napakahaba ng aking listahan…parang ibig ng pari na magretiro matapos madinig ang aking pag-amin.  Madami tayong gagawin ang sabi niya!

Nagpakasal kami ni William makalipas ang 4 na taon at biniyayaan kami ng Diyos ng 3 magagandang lalaki.  Noong 2016 inialay namin ang aming mag-anak sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.  Ang aking pananampalataya ay patuloy na lumago.  Nagsimula akong maglingkod sa Simbahan sa iba’t ibang ministeryo: pinakahuli bilang katekista.  Talagang pinaikot ng Diyos ang buhay ko sa naiibang direksyon.  Patuloy Niyang pinakikintab ang aking kaluluwa, nililikha ako sa Kanyang obra maestra.  Maging ang mga mapanghamong panahon ay bahagi ng Kanyang plano.  Kapag niyayakap ko ang aking krus at sinusundan Siya, inaakay Niya ako patungo sa Kanyang kaharian.  Pinili ako ni Hesus na maglingkod tulad ng ginawa Niya.

Kapag iniaalay ko ang maliliit na pagkayamot at kahihiyan bilang sakripisyo sa Kanya, binabago Niya ang mga ito sa isang bagay na mas maganda kaysa sa naiisip ko, gaya ng pagbago Niya sa akin.

Habang pinag-isipan ko ang sinabi ng aking mga kaibigan, naisip ko ang lumang ako, kung gaano ako nawala, at kung gaano ganap na binago ng Diyos ang buhay ko sa pamamagitan ng pagkakilala kay William.  Pinayuhan ko silang hikayatin ang kanilang anak na huwag tanggihan ang isang pagkakaibigan nang madalian, bagkos hayaan ang liwanag ng Diyos na sumikat sa kanilang kaluluwa.  Maaring Ang Diyos ay may plano…

Share:

Claudia D’Ascanio

Claudia D’Ascanio serves the Church remarkably through her active involvement in various ministries over the years. She lives with her husband and three sons in Calgary, Canada.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles