Home/Magturo ng Ebanghelyo/Article

Jul 05, 2024 101 0 Sean Booth, UK
Magturo ng Ebanghelyo

Halina Magpalipad Tayo ng Saranggola

Panatilihing bukas ang iyong mga tainga sa pinaka mahinay na udyok ng kalikasan…Ang Diyos ay nangungusap sa iyo sa tanang oras.

Walang tigil  na sinisikap ng Diyos na ipaalam sa atin ang Kanyang mensahe ng pag-ibig—sa maliliit na bagay, sa malalaking bagay, sa lahat ng bagay.  Minsan sa kaabalahan ng buhay, madalas nating makaligtaan ang sinisikap Niyang sabihin sa atin, sa sandaling iyon at pagkatapos.  Ang ating mapagmahal na Diyos ay nananabik na tayo ay lumapit sa Kanya sa katahimikan ng ating mga puso.  Doon natin Siya tunay na makakatagpo at masisimulang lumago sa ating kaugnayan sa Kanya—sa pamamagitan ng pakikinig sa “mabuting guro” (Huan 13:13). Itinuro ni Santa Teresa ng Calcutta: “Nangungusap ang Diyos sa katahimikan ng ating mga puso.” Itinuturo din sa atin ng banal na kasulatan, na matapos mawala ang malakas na hangin, lindol, at apoy ay nuon lamang nadinig at naunawaan ni Elias ang Diyos sa pamamagitan ng “mahinahong tinig” (1 Hari 19:9-18).

Ang Kapangyarihang Nakakabagbag Sa Atin

Kamakailan, sumama ako sa aking pamangkin sa tabing dagat sa North Wales; ninais naming magkasamang magpalipad ng saranggola.  Habang papalayo ang dagat, kinalas namin ang tali sa may buhanginan. Inihagis ko ang saranggola pataas habang nagsimulang tumakbo ang aking pamangkin sa bilis ng kanyang makakaya, tangan ang hawakan nito.  Ang dalampasigan ay bahagyang napapalibutan ng mga bangin, kaya sa kabila ng malakas na hanging dala ng mga alon, ang saranggola ay hindi nanatili sa taas nang matagal.  Muli siyang tumakbo, sa pagkakataong ito ay mas mabilis pa, at sinubukan namin nang paulit-ulit.  Matapos ang ilang pagtatangka, napagtanto namin na hindi ito gumagana.

Minasdan ko ang paligid at nakita ko na sa tuktok na bahagi ng talampas, may isang maluwag na kalawakan at malaking lupain.  Kaya sabay kaming umakyat nang mataas pa.  Habang sinimulan naming kalasing muli ang tali, nagsimulang gumalaw ang saranggola; mahigpit na kumapit ang pamangkin ko sa hawakan.  Bago pa namin malaman, ang saranggola ay ganap na dumips at lumipad nang napakataas.  Ang kagandahan sa pagkakataong ito ay magkasama naming pinaglugdan ang sandaling ito sa napakaliit na pagsisikap.  Ang susi ay ang hangin, ngunit ang lakas ng pumailanglang na saranggola ay naganap sa pagtungo sa isang lugar kung saan ang hangin ay talagang makakaihip.  Ang saya, halakhak, kagalakan, at pagmamahalan na pinagsaluhan sa sandaling iyon ay walang katumbas. Parang tumigil ang oras.

Ang Matutong Umunlad

Nang maglaon habang ako’y nagdadasal, bumalik sa akin ang mga alaalang ito, at nadama ko na binibigyan ako ng mabisang mga aral sa pananampalataya, lalo na ang tungkol sa panalangin.  Sa buhay, kaya nating subukang gawin ang mga bagay sa sarili nating lakas.  May isang bagay sa ating makasalanang pagkatao na nagnanais na mangibabaw sa lahat. Ito ay katulad ng nasa manibela ng sasakyan.  Maaari tayong magtiwala sa Diyos at pahintulutan Siya na gabayan tayo, o maaari nating gamitin ang ating malayang pag-iisip. Hinahayaan tayo ng Diyos na hawakan ang manibela kung at kapag pipiliin natin.  Subalit habang naglalakbay kasama Siya, nakikita natin na sa katunayan, ninanasa Niya na hindi natin subukan at gawin ang lahat nito nang mag-isa.  Ni ayaw din niyang gawin ang lahat nito nang mag-isa.  Nais ng Diyos na gawin natin ang lahat—sa pamamagitan Niya, kasama Niya, at sa Kanya.

Ang pinaka akto ng pagdadasal ay isang handog mismo, subalit nangangailangan ito ng ating pagtutulungan.  Ito ay tugon sa Kanyang tawag, subalit ang pagpili na tumugon ay atin.  Mabisang itinuturo sa atin ni San Agustin na “kilanlin ang ating tinig sa Kanya at ang Kanya sa atin” (CCC 2616).  Ito ay hindi lamang totoo para sa panalangin kundi para sa lahat ng bagay sa buhay.

Totoo, kung minsan ay pinahihintulutan tayo ni Jesus na magpagal nang “magdamag” at “walang mahuli.” Ngunit ito ay naghahatid sa atin sa pagtanto na sa pamamagitan lamang ng Kanyang patnubay ay makakamit natin ang ating ninanais.  At higit pa kapag binuksan natin ang ating mga puso upang makinig sa Kanya. (Lukas 5:1-11)

Kung nais nating lumipad nang mataas, kailangan natin ang hangin ng Banal na Espirito, ang hininga ng Diyos, na nagpapabagong-anyo at nag-aangat sa atin paitaas (Huan 20:22).  Hindi ba’t ang hangin ng Banal na Espiritu ang siyang bumaba sa natatakot na mga disipulo sa mas mataas na silid noong Pentecostes at binigyan sila ng bagong anyo na puno ng pananampalataya, walang takot na mga mangangaral at mga saksi ni Kristo (Mga Gawa 1-2)?

Naghahangad Nang Buong Puso

Mahalagang kilalanin na ang pananampalataya ay isang kaloob na dito ay dapat tayong mangunyapit (1 Mga Taga-Corinto 12:4-11).  Kung hindi, maaari tayong mabuhol sa mahihirap na kalagayan sa mundo na, kung wala ang Kanyang biyaya, ay imposible tayong makalaya.  Dapat  tayong patuloy na abutin ang mas mataas na antas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espirito—upang “matamo ang Panginoon at mabuhay” (Amos 5:4, 6).  Mahigpit tayong hinihikayat ni San Pablo na “Magalak lagi, manalangin nang walang humpay, magpasalamat sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Kristo Hesus para sa inyo” (1 Tesalonika 5:16-18).

Samakatuwid, ang panawagan ay para sa bawat mananampalataya na maging mas taimtin sa panalangin sa pamamagitan ng paglikha ng puwang para sa katahimikan, alisin ang lahat ng mga abala at mga hadlang, at pagkatapos ay hayaan ang hangin ng Banal na Espiritu na tunay ngang umihip at gumalaw sa ating buhay.  Ang Diyos Mismo ay nag-aanyaya sa atin sa pakikipagtagpo na ito na may pangako na Siya ay sasagot: “Tumawag Ka sa Akin, at sasagutin Kita, at sasabihin Ko sa iyo ang mga dakila at natatagong bagay na hindi mo nalalaman.” (Heremias 33:3)

Share:

Sean Booth

Sean Booth is a member of the Lay Missionaries of Charity and Men of St. Joseph. He is from Manchester, England, currently pursuing a degree in Divinity at the Maryvale Institute in Birmingham.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles