- Latest articles
Iyon ay isang mainam na umaga sa pamilihan. Magkasamang humahangos ang may edad nang mag-asawa sa mga pasilyo. Nilayag ng matandang babae ang karwahe habang ang kanyang asawa ay painda-indayog sa pagkolekta ng mga gamit sa kanilang listahan. Bigla na lang, habang paliko, natumbok ng karwahe ang isang estante na naglalaman ng mga pinggan. Ang malakas na lagapak ay umalingaw ngaw. Nagbulungan ang mga tao at tumanga sa kalamidad.Kinakabahang sumilip ang matandang babae sa mga basag na pinggan na nakapaligid sa kanila. Namumula sa kahihiyan, sya’y napaluhod, balisang pinulot ang mga basag na piraso, habang sinimulan ng kanyang asawa na mag-alis ng mga bar codes mula sa mga nabasag na pinggan at paungol na nagsabing “Ngayon, kailangang bayaran natin ang lahat ng ito!”
Ang bawat tao’y nakatayo lamang doon, nakapako ang tingin sa kanya, hanggang sa ang tagapangasiwa ng tindahan ay mabilis na dumating. Nakaluhod sa sahig sa tabi niya, sinabing, “Iwan mo, lilinisin namin ito. Kunin namin ang iyong impormasyon nang sa gayon ay maka punta ka sa ospital para matingnan ang hiwa sa iyong kamay.”
Namimighati, ang babae ay walang magawang napatitig sa kapinsalaan sa kanilang paligid, “Ngunit kailangan ko munang magbayad para sa lahat ng ito.” Ang tagapangasiwa ay ngumiti habang tinulungan siyang makatayo na nagsasabing, “Hindi po, mayroon kaming seguro para dito, hindi mo na kailangang magbayad ng anupaman.”
Isipin ang mga ginhawang kanyang nadama nang nauunawaan nya ang pagsisi at gastos ay na ganap na inalis mula sa kanyang mga balikat. Ngayon, saglit nating isara ang ating mga mata at isalarawan ang Dios na ginagawa ang tulad nito sa atin!
Tipunin ang mga piraso ng iyong durog na puso, dinurog ng mga tampal at hampas na naranasan nito. Ang seguro na bibinigay ng Dios laban sa pagbasag ay tinatawag na Biyaya. Kapag tinanggap natin Siya sa ating buhay, sinunod ang Kanyang Daan at humingi ng tawad, ang Tagapangasiwa ng Sangsinukob, sasabihin ng—DIYOS—, “Lahat ng bagay ay bayad na.”
'Pakiramdam mo ba ay hindi ganap?
Ang Panginoon ay ganap ang pagmamahal sa iyo!
Ikaw ba ay hindi sakdal?
Ang Panginoon ay sakdal ang pagmamahal sa iyo!
Sumunod sa Paraang Tinalaga ng Panginoon
Gusto ko mang isipin na ako ay Katoliko sarado at sumusunod sa utos ng Panginoon , alam ko na ako ay nagkukulang , lubos na nagkukulang . Labis na napakahirap sa akin na maipakita ang pagmamahal sa mga taong nakasakit ng aking damdamin. Subukan ko man paulit ulit na patawarin ang mga taong nakasakit sa akin, (mas mahigit pa sa dami ng 70×7) , sa aking puso ay hindi taos sa puso ang pagpapatawad at pagmamahal.
Ang bilin ng Panginoong Jesus ay mahalin ang ating mga kabitbahay katulad ng pagmamahal sa ating sarili. Sinabi ng Panginoong Jesus na mahalin lahat ng tao na dumating sa ating buhay; kahit na ang mga taong hindi tama ang pagtingin sa atin, mga taong hindi nagmamahal sa atin; mga taong hindi inaasahan ang paghingi ng patawad sa kanilang pagkukulang sa atin. Nauunawaan ko ang dahilan ng utos ng Panginoong Jesus kahit na ang pakiramdam ko ay mahirap magampanan. Ang ating buhay ay hindi lamang para sa atin at sa ating kagustuhan. Hindi naman ipinangako ng Panginoong Jesus na ang ating buhay ay magiging madali at patas na kalagayan. Ang ipinangako ng Panginoong Jesus ay hinding hindi niya tayo tatalikuran. Ang Panginoong Jesus ay parating nasa ating pamumuhay.
Mas mabuting sundin ang bilin ng Panginoong Jesus, hindi lamang para matupad ito kundi pagsunod sa kanyang bilin na taus sa ating puso. Kung gusto natin makita ang Panginoong Jesus na nakangiti sa atin, at makatanggap ng salita mula sa kanya na katulad nito, “ napakaayon ng iyong pagpapatawad at pagmamahal, Aking magaling at matapat na anak “ , sundin natin ng taus puso ang bilin ng ating Panginoong Jesus.
Masakit Bang Magmahal?
Mahal na mahal tayo ng Panginoon kaya siya ay naging isang kaugnay natin, nag daan sa dusa at ibinigay ang kanyang buhay para sa atin. Ang pagmamahal niya sa atin ay walang kundisyon at hinihiling niya sa atin na gawin din ang ganitong pagmamahal sa ibang tao. Hindi natin maituturing na tayo ay Katoliko kung tayo ay namimili lamang ng utos ng Panginoon ng gusto nating sundin. Nagiging mapag pakumbaba tayo kapag tayo ay lubusang masunurin sa utos ng Panginoon.
Natagpuan ko sa aking sarili na para mawala ang hadlang sa pagmamahal sa ibang tao, ay payagan ko ang Panginoon na mahalin niya ako. Ngunit ako ay makasalanan, walang tiwala sa aking sarili. May mga araw na ako ay galit at puno ng sakit sa aking kalooban. Mamahalin kaya ako ng Panginoon kung ganito ang kalagayan ko?
Mahal na mahal ako ng Panginoon lalong lalo na sa aking kahinaan. Ang isang hakbang para ito maganap ay ang pagsuko ng buong puso, lahat ng sakit at pagmamalaki sa aking buhay. Mahirap man gawin , katulad ng sabi ni Mother Teresa ng Calcutta “ Ang pag-ibig para maging totoo , ay nangangailangan ng katumbas, nagdudulot na masaktan,at nangangailangang linisin ang ating puso ng walang kabuluhan”
Ipaubaya Sa Panginoon
Kapag patuloy natin itatago ang ating kahinaan sa harap ng Panginoong Jesus , lalo lang natin inilalayo ang ating sarili sa kanya at sa mga biyayang nakalaan para sa atin. Ang ating pagkatao ay alam na alam ng ating Panginoong Jesus, mahigit pa sa pagkakaalam natin sa ating sarili.
Maglaan tayo ng panahon na makapagisa sa harap ng isang altar o isang tahimik na lugar at ibuhos natin sa Panginoong Jesus ang lahat ng sakit ng ating kalooban, dungis ng budhi at ang ating kahinaan. Damhin natin ang patnubay ng Espiritu Santo na mapunuan ang ating mga kakulangan, ang pagmamahal at katahimikan sa buhay na ating inaasam-asam.
Ang bahagi at susi sa patuloy nating pagbabago ng buhay ay ang magkaroon ng pansariling ugnayan sa Panginoon.
Paano natin magagawa ang magkaroon ng pansariling ugnayan sa Panginoon?
Gawain natin ang parating pagdarasal, ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagmumuni muni at pakikinig sa mga salita ng Panginoon, at parating pagtanggap ng mga sakramento.
Kapag mas maraming oras ang nakatuon sa pagninilay nilay sa ating Panginoon, tayo ay mas natatanggap na maintindihan ang kanyang mga salita tagos sa ating puso. Ito ang hakbang na nagdudulot na gawin natin ang Bilin ng Panginoong Jesus.
Ipinaalala ko lang na kahit tayo at nagbago na sa pamamagitan ng pagmamahal ng Panginoong Jesus, maaaring patuloy pa rin dumaan tayo sa pakikibaka sa ibang tao. Sa puntong ito, masasabi nating “ Ibigay natin sila sa kamay ng ating Panginoong Jesus “
Ipagpatuloy natin ang pagdarasal sa mga taong nakikibaka sa atin at ialay natin ang sitwasyon sa Panginoong Jesus.
Ipahayag natin ang liwanag ng pagbabago ng ating puso na biyaya ng ating Panginoon para magbigay ng inspirasyon sa ibang tao.
Panginoon Ko, pag apawin mo po ang aming puso ng init ng iyong pagmamahal na malampasan ang aking mga pagkukulang, ang sakit ng kalooban. Iniaalay ko po sa iyo ang aking kahinaan at mga pagnanasa at isinasamo ko po ang iyong walang kundisyong pagmamahal. Pagbaguhin nyo po ang aking puso upang maging ilaw ng inyong pagmamahal sa lahat. Amen
'
Ang lahat ng ito ay nasa paghahanap ng daan at direksyon ng buhay!
Madalas kong maisip na isang pagpapala ang pinalaki akong isang Katoliko. Naipakita sa akin ang tamang daan mula ng ako’y isilang. Mula pa lang sa pagkabata ay naging madali para sa akin na panatilihin ang nagniningas kong pananampalataya.
Nabigyan ko ba ng sapat na katuwiran ang aking mga paniniwala habang ako ay lumalaki? May mga oras ako ng pag-aalinlangan, pagkalungkot at kawalan ng pag-asa. Gayun paman, nanatili ang aking pananampalataya at lalong tumibay magmula noon. Hindi ko magagawa ang lahat ng ito kung sa sariling pangunawa ko lang. Malinaw na dahil ito sa malaking sa malaking tulong na natanggap ko.
Malinaw pa sa aking ala-ala nuong ako’y siyam na taong gulang pa lamang, malapit na ang aking kaarawan ng kami ng nanay ko ay tumitingin ng mga panindang pang regalo sa tindahang Katoliko ni Santo Miguel. Sa gitna ng kamangha-manghang mga larawan ng Banal, mga Imahen at maliliit na bagay na maayos na magkakasama, may isang natatangi ang nakatawag ng aking pansin, ang Imahen ng Inang Maria na sa kalaunan ay nalaman kong siya ang “Ina ng Laging Saklolo”
Nakatagpo ako ng mapagalagang ina sa langit na tutulong sa akin sa maraming paraan at sa mga darating na panahon. Nang mabasa ko ang librong ” Our Lady of Fatima’s Peace Plan from Heaven’ na bigay ng aking Ina, nalaman ko kung gaano tayo kamahal at hinangad ng mapagpalang Ina ang ating kaligtasan. Lalong pinagtibay ang aking paniniwala habang pinapanood ko ang isang magandang palabas tungkol sa mga banal na pagpapakita ni Maria.
Simula ng makilala ko si Mother Mary, Siya na ang lagi kong kausap anumang oras at kalagayan ng aking pananalig. Lagi niya akong inilalapit sa Panginoon. Kadalasan sa aking pagdarasal humihingi ako ng tulong sa kanya dahil a mahigpit na pangangailangan. Maraming pagkakataon na ang mga inihingi ko sa kanya ng tulong ay nasasagot sa araw ng Miyerkoles, ang araw ng debosyon ng ” Ina ng Laging Saklolo”.
Hinimok din ako ni Mother Mary na huwag kong ituring ang Panginoon bilang isang Salamangkero na ibibigay ang mga kahilingan ko, sapagka’t pinalakas niya ako upang matuto at malampasan ang mga pagsubok na ibibigay niya at hinubog para sa karapat-dapat na kasagutan sa tamang kahilingan. Madalas sa kanyang pamamagitan pinapaalala niya sa akin na huwag masyadong mag-alala, ipagpatuloy ang pamumuhay at magbalik sa kanyang anak na si Jesus.
Pagkatapos kong mapagdugtong dugtong ang lahat ng mga banal na tulong, pamamagitan, at pagpapala na natanggap ko sa mga nakaraang taon, napagtanto ko, na ang lahat ng iyon ay nagbigay daan upang makasunod ako sa tamang pamamaraan ng pamumuhay na sa palagay ko ay angkop na kahulugan ng banal na paglalakbay.
Napakaganda sana kung lahat tayo ay maglalaan ng ilang sandali upang makapagisip-isip kung kailan lumalakas ang ating pananampalataya sa Panginoon? Maaaring ang tao sa mundo ay nagagabayan at nabibigyan ng tulong mula sa langit, na sila; Inang Maria, San Jose, San Antonio, at lahat ng mga banal na Santo upang mapalapit tayo kay Jesus at para sa pagbubunyag ng kanyang sarili sa atin, at ang pagtahak sa tamang landas patungo sa kanya sa pamamagitan ng kanyang patnubay bilang isang mabuting Pastol.
Alalahanin natin kung gaano kadalas tayong pinagkalooban ng Panginoon ng higit pa sa kailangan natin; Ang mga pagkakataon na nag-ugnay sa atin sa ating mga asawa, sa mga kaibigang katulad ng ating pag-iisip, at lahat ng mga munting himala na nagbibigay liwanag sa ating buhay na hindi natin napapansin dahil sa sobrang abala. Alamin natin ang daan at ang paraan na inilaan sa atin ng Panginoon, panindigan at manalangin tayo ng taimtim sapagka’t ngayon ang panahon na ang mundo ay nangangailangan ng mga panalangin higit kailanman.
'Halimbawang ang isang taong nag i eski sa kalsada ay naka tutok sa iyong patutunguhan at iniwasan mo ito ngunit sa pag iwas mo ay nakarinig ka ng tunog ng nakakayod. Ano ang gagawin mo?
Paminsan, sa aming lugar, ang taglamig ay umaabot hanggang Marso. Sa paglilinis ng nyebe sa kalsada, ang mga sobrang nyebe ay natatambak sa mga pinaparadahan ng sasakyan. Ang dalawang salubungan na kalsada ay nagiging isang daan na lang at makitid dahilan sa sobrang nyebe.
Sa isang pagkakataon na dumaan ako sa naging makitid na kalsada, na puno ng mga naka paradang sasakyan, nakasalubong ako ng isang nag i eski na handang isagasa ang sarili sa aking sasakyan. Iniwasan ko ito ngunit sa pag iwas ko ay nagasgasan ng aking sasakyan ang isang itim na sasakyan SUV. Hindi man lamang huminto ang taong nag I eski at nilagpasan ako na parang hindi siya nagdulot ng problema.
Sa pag kakaalam ko sa sandaling iyon na walang nakakita sa pagkakagasgas ng sasakyan, ako ay umalis na. Galit man ako at naging biktima ng isang hunghang na tao, inuusig pa rin ako ng aking responsibilidad sa pagkakagasgas ng itim na SUV. Ngunit, hindi ko ito pinagukulan ng pansin.
Pagtusok ng Kunsiyensya
Sa araw araw na nakikita ko ang itim na SUV pagdaan ko sa lugar na iyon ay lalong nababagabag ang aking isip. Isang beses ay tinignan ko ang naging gasgas sa SUV. Nagtatalo sa aking isip ang mga sari saring tanong na magdudulot sa akin ng tamang hakbang para malinis ang aking kunsiyensa. Sumasagi sa aking isip ang mga ito ;
Maliit lang naman ang gasgas, kaunting pahid lang ng pintura ay maayos na , …kapag dinala sa pagawaan ng sasakyan ay malaking gastos sa akin, …. sa klase ng SUV na ito ay nangangahulugang may pera ang may ari nito, hindi ko ito gagastusan.
Ngunit, sa kabila ng aking isip ay ang mga sari saring tanong; paano kung bata ang driver at hiniram lang ang sasakyan,… kung siya ay nag iisang magulang lamang, …paano kung wala siyang pambayad sa pag pagpapagawa ng gasgas sa sasakyan
Pinagisipan ko ng malawak ang mga ito at dumating sa aking isip ang pag aayos ng lahat sa tama.
Hindi Na Makatulog
Sa pangamba at takot, hindi ako makatulog sa gabi. Alam kong kailangan, ng kumpisal. Ginawa ko ang hakbang na tamang gawin.
Gumawa ako ng sulat para ilagay sa SUV. “Ako ang nagmamaneho ng sasakyan na naka gasgas sa SUV mo. Inilagay ko sa sulat ang lahat ng impormasyon para sa pagpapagawa ng sasakyan.”
Sa tatlong linggo na ang itim na SUV ay pirming nasa paradahan nito, unang pagkakataon na hindi ito naka parada ng araw na handa kong ilagay ang sulat. Hanggat sa sumunod pang mga araw ay hindi ko na nakita ang SUV
Ano ang aking masasabi? Pinagbigyan ako ng Panginoon ng malaking pagkakataon na gawin ang tamang hakbang. Ang biyaya ng katahimikan ay napasaakin ng ako ay nangumpisal. Ang Panginoon, sa kanyang awa, ay tinanggap ng maluwalhati ang aking ginawang sulat na katunayan ng pagtanggap sa aking kamalian.
Kung sakali man may ganitong pangyayari dumating sa aking buhay, ang Panginoon lamang ang aking tatakbuhan sa pag sasaysay ng pangyayari at ng paghingi ng tamang hakbang ng paglutas. Kailangan kong itanim sa aking isipan na ang payo galing sa ating Panginoon ay hindi mapapantasan ng aking sariling isip lamang.
'Sa gitna ng Pandemya ng Coronavirus sa buong daigdig and buhay ng tao ay patuloy na nagbabago. Maraming bagay na bahagi ng aming pamumuhay sa araw- araw ang nawala. Sa gitna ng lahat patuloy nating inaalam kung sino tayo sa bagong pamumuhay na ito. Karanawiwan ginugugol natin ang ating panahon upang hubugin ang ating sariling pagkakakilanlan. Nais nating ipakita ang uri ng ating pagkatao. Ibinubuhos natin ang ating panahon sa mga gawaing interesado tayo tulad ng Palakasan, Libangan, at anumang gawaing makakatulong sa paghubog ng pangunawa kung sino tayo sa mundo. Ipinakikita natin ang ating mga natatanging nakamit at tagumpay upang makita at makilala. Naniniwala tayo na ang mga bagay na meron tayo at nagawa ay ang nagpapakilala sa ating pagkatao.
Pagkatapos, Biglang Tumigil ang Mundo
Wala ng palaro
Wala ng konsiyerto
Wala ng malaking pagtitipon
Wala ng pakikipag-ugnay sa mga matalik na kaibigan
Wala ng paglalakbay
Wala ng katiyakan
At para sa ilan,
pagkawala ng pera
pagkawala ng trabaho
pagkawala ng negosyo
pagkawala ng kalusugan
pagkawala ng mga mahal sa buhay
pagkawala ng buhay
Nawalan tayo. Nawalan tayo ng maraming bagay na inakala nating kailangan, pati na ating pagkatao. Mahirap, masakit at kung minsan nakakatakot ang mawalay sa mga ito.
Kung minsan, kahit na walang krisis sa kalusugan sa buong mundo, pinapayagan tayo ng Diyos na dumaan sa isang paraan ng pag – iwas mula sa mga bagay at daan na ginagamit natin upang makilala ang ating sarili at tuklasin ang ating tunay na pagkatao.
Karaniwan, kung hindi natin alam kung sino tayo at ang halaga natin, iniuugnay natin ang ating pagkakakilanlan sa mga makamundong bagay na madaling lumipas at madaling makuha sa atin anumang oras. Ang tiyak at matibay na makakapitan natin ay ang ating Panginoon at tanging siya lamang. Kailangan natin siyang kilalanin ng lubos upang malaman natin kung gaano ang pagpapahalaga niya sa atin.
Ikaw at Ako, Kaibigan, ang una at pinakamamahal na mga Anak ng isang mapagmahal na Ama. Iyon ang katotohanan sa ating pagkatao at iyon ang mahalaga. Susubukang sabihin sa iyo ng Mundo, ng mga Kaibigan mo at Manunukso na iba ang katotohanan tungkol sa yo, ngunit walang makapagbabago ng katotohanan kung sino ka. Ito ang katotohanan para sa iyo, sa akin, at ng bawat tao. Hindi mahalaga kung tatanggapin at paniniwalaan natin ito dahil walang makakapagbago ng katotohanan anuman ang sabihin o gawin natin. Ang ating pagkatao ay nakaugat sa Ama na pinanggagalingan ng buhay. Kapag tayo ay nakaramdam ng kawalan, saka natin maiisip na wala na tayong kailangan pa.
Ngayon, sa gitna ng Krisis na ito, ang bawat isa sa atin ay nabawasan ng ilang aspeto sa dati nating pamumuhay, at ngayon din ang panahon upang magnilay at angkinin ang ating tunay na pagkatao.
Kaya magsisimula Ako, Ako si Jackie Perry, pinakamamahal na anak ng maawaing Ama.
Sino Ka?
'Kagustuhan kaya ng Ama ng Diyos ang pagkamatay ng kanyang Anak na si Jesus upang magdulot ng kabutihan?
Si James Thornhill as isang pintor na taga London. Habang siya ay nagpipintura sa pader sa St. Paul Cathedral sa London, siya ay nasabik sa kanyang ginagawang pintura ng akwarela at humakbang patalikod para makita ng mabuti ang kanyang ginagawa. Hindi niya namamalayan na siya ay nasa dulo na ng kanyang tuntungan sa pag pipinta. Nakita ng kanyang kasamang nagpipinta ang masamang mangyayari ngunit nangamba siya na kung pagsasabihan niya si James ng sitwasyon ay lalong mabibilis ang disgrasya ng pagkahulog niya. Sa walang dalawang pag iisip ay inilubog niya ang isang gamit na pang pintura at inihagis sa ginagawang pintura sa pader na ginagawa ni James. Sa pagkamangha ni James, siya ay humakbang pausog. Napinsala ang kanyang bagay na pinipintura ngunit nailigtas naman ang kanyang buhay.
Ang ganitong pangyayari ay ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon, paminsan . Dumarating ang pag gulo ng ating katahimikan at plano sa buhay para mailigtas tayo sa kailaliman ng ating hinaharap. Ang ating Panginoon ay ating kapanig; ngunit hindi kapanig ng kumakalat na salot.
Ang Panginoon mismo ang nagsabi, mula sa Aklat ng Banal Na Bibliya, Jerimias 29.11 “Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo, mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong kabutihan. Ito’y mga planong magdudulot ng kinabukasang punong puno ng pagasa “
Kung ang salot na ito ay parusa mula sa Panginoon, hindi ito magdudulot ng sakit na kapantayan sa mga mabuti at masamang tao. Hindi rin para sa mga mahihirap na nagdurusang lubha. Sila ba ay napaka makasalanan? Hindi!
Si Jesus na nag damdam at umiyak sa pagkamatay ng kaniyang kaibigan na si Lazarus ay kasama nating nagdadalamhati dahil sa salot na sumapit sa sangkatauhan.
Oo, ang Panginoon ay nagdurusa katulad ng isang magulang kapag ang kanilang anak ay maysakit. Karamay natin ang Panginoon sa sakit upang ito ay mapagtagumpayan. Sinulat ni St. Agustine… sa pagiging napakagaling niya para sa ating kabutihan , hindi pababayaan ng Panginoon ang kasamaan na magmula sa kanya maliban kung sa kanyang kapangyarihan at kabutihan, ay magbubunga ng kabutihan ang masama.
Minarahil kaya ng Ama ng Diyos ang pagnanasa ng kamatayan ng kanyang Anak na si Jesus para magbunga ng kabutihan? Hindi!
Pinahintulutan lamang niya ang kalayaan ng tao na gawin ang kurso nito. Ganun paman, ito ay nagsilbi sa pagsalba sa sangkatauhan.
Gusto kaya ng Panginoon na siya ay pakiusapan para ibigay ang kanyang benipisyo? Makapag babago kaya ang mga dasal natin sa plano ng Panginoon? Hindi! Ang Panginoon ay may mga bagay na nakalaan para bigyan tayo ng bunga ng kanyang grasya sa ating pagdarasal.
Sinabi nga sa Aklat ng Banal na Bibliya ni Mateo 7:7 “Magsihingi kayo at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’s makakasumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan “
Sinabi ng Panginoon kay Nikodemus, “at kung paanong itinaas ni Moses sa ilang na disyerto ang ahas, ay gayon kinakailangan itaas ang Anak ng Tao upang sinumang sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Sa kasalukuyang panahon, tayo ay biktima rin ng isang hindi nakikitang nakakalason na katumbas ng “ahas”. Ipako natin ang ating pananaw sa kurus at sambahin nating lahat ang Panginoon na itinaas sa kurus para sa sang katauhan. Ang taong may pananampalataya ay pinangakuan ng buhay na walang hanggan.
'Mula sa kamusmusan, di ko nadama ang pagkalinga ng aking mga magulang. Wala akong natatandaang nagpahayag ng pagmamahal ang aking ina, sa salita man o sa gawa. Halimbawa na lang, nang ako’y nagsuka matapos kumain ng mga ligaw na kabute, galit niyang pinalinis sa kin ang ginawa kong kalat. Mahilig sa kasayahan at sayawan ang aking ina kaya’t walang panahon sa mga anak; ang ama ko naman ay mahilig mamaril at mangisda kaya madalas wala sa bahay. Tila hindi sumagi sa kanilang kaisipan ang pangagailangan naming mga anak ng pag-aaruga.
Sa madaling salita, lumaki akong walang magandang pundasyon at dahil dito nagpasya ang aking ama na ipadala ako sa boarding school. Tuwing pista opisyal ng paaralan, pinapupunta naman nya ako sa bukid ng mga lolo’t lola ko. Mga Saradong Katoliko, sila ang nagbigay sa akin ng pagmamahal na hinanaphanap ko.
Nang ako’y umuwi sa unang pagkakataon, nalaman kong ang aking ina ay nasa hospital, malubha ang kalagayan matapos magsilang sa kapatid kong bunso. Malaking kagulatan ito sa aming lahat dahil wala man lang nakaalam na sya pala ay buntis. Kinuha ng mga Lolo’t Lola ang ibang mga kapatid ko at dinala sa kanilang bukid. Ako naman ay isinama ng aking ama at ng kanyang kaibigan sa ospital. Pagkagaling sa ospital, tumuloy sila sa isang bahay inuman at nag-inuman bilang ‘pagbasbas sa sanggol’. Dahil bawal pumasok ang mga bata sa alinman sa dalawang lugar, naiwan lang ako sa sasakyan.
Nang bumalik sila sa sasakyan sino man sa kanila ay di angkop para magmaneho. Sa kalasingan, namali ng liko ang aking ama, napahinto sa isang tahimik at liblib na lugar at nakatulog sa manibela. Naisipan kong lumabas ng sasakyan para magpahangin at maniyasat. Bigla na lang hinatak ako mula sa likuran; hinubadan at pinagsamantalahan ng kaibigan ng aking ama. Iniwan na lang akong umiiyak at sya’y bumalik sa sasakyan.
Natanto kong isa lang ang tanging paraan para makauwi nang gabing iyon, kaya’t nagmamadali kong isinuot na muli ang damit ko at bumalik sa sasakyan. Walang napansing kakaiba ang aking ama at hindi ko din alam kung paano ko sasabihin ang nangyari. Pagdating sa bahay, nagkainan sila sa kusina at nagmamadali naman akong nagkulong sa banyo at naligo ng mainit na tubig. Sinikap kong kalimutan ang nangyari. Wala akong sinabihan sa nangyari pero higit akong naapektohan nito.
Malaking ginhawa sa akin ang pagpunta sa boarding school at ang puspusang pag-aaral para maging isang Anak ni Maria, pero nahirapan ako sa mahigpit na disiplina. Sa umpisa pa lang, may disgusto na sa akin ang madreng namamahala sa mga boarders. Madalas niya akong punahin at pulaan; ni hindi nya ako binibigyan ng ano mang espesyal na pagkakataon tulad ng ginagawa nya sa ibang mag-aaral.
Sa tuwing may nangyayari, ako ang sinisisi nya kahit hindi ko kasalanan. Isang araw, nang diktahan ako ni Sister kung ano ang dapat kong ipinta para sa art project ko, pakiramdam ko’y umabot na sa sukdulan ang maltrato nya sa akin. Tumakbo ako palayo sa escuelahan, at nang dumilim na, nagtago ako sa simbahan, matapos kong gugulin ang maghapon sa isang abandonadong gusali. Natagpuan ako doon ng pulisya at ibinalik ako sa escuelahan. Lantarang akong dinisiplina at pinagbawalang makausap ng sinuman sa loob ng 48 oras.
Pakiramdam ko’y lubos akong iniwang mag-isa at walang kadamay; lalo na kapag ang lingguhang sulat ko sa aking ina sa ospital ay bumabalik na may markang ‘Return to Sender, Hindi sa Address na ito’. Durog ang buong espiritu, nawala ang tiwala ko kanino man.
Sa panahong ito ng kapanglawan, ang cura paroko ay isang malaking pampalubag-loob sa akin. Tinuring niya akong isang anak, pinapalakas ang loob kapag nawawalan ng pag-asa. “Dapat mong tandaan na ang iyong kaluluwa ay tulad ng isang bloke ng marmol. Upang mabuo itong isang bagay ng kagandahan, kailangan mong tanggalan ng mga labi sa labas nito”, wika pa nya.
Pinatibay din ng Mahal na Ina ang loob ko. Nang tuluyan akong matanggap sa Sodality ng mga Anak ni Maria, ibinabalot ko ng kanyang balabal sa katawan ko tuwing natatakot ako at hindi makatulog.
Ako ba ay isang pagkakamali?
Palaging sinasabi na mahal tayo ng Diyos, ngunit hindi ito nagkaron ng kabuluhan para sa akin. Nung ako’y lumaki, nakapag-asawa at nagkaron ng mga anak, palagi kong hinahanap ang Diyos na ito, na dapat na nagmamahal sa akin.
Alam ko ang panukala ng simbahan; sinikap kong maging isang mabuting Katoliko, kumakanta sa koro, at tumutulong sa parokya; ngunit damdam ko’y pasunod-sunod lang ako sa agos.
Sinabi sa akin ng tiyahin ko na ang aking ina ay may ibang minahal, ngunit kailangang pakasalan ang aking ama dahil nagbuntis sya sa kin. Siguro ito ang dahilan kung bakit hindi nya ako minamahal.
Ako’y isang pagkakamali
Isa pang tiyahin ang nagsabi sa akin na halos mamatay ako sa malnutrisyon nang ako ay 18 buwan pa lamang dahil ayaw kong kumain o uminom. Naging laging palaisipan ito sa akin: bakit gugustuhin ng isang sanggol na mamatay? Mahabang panahong tinatanong ko ang Banal na Espiritu kung ano ang mali sa sanggol na iyon?
Isang araw sa aking pagpipinta, nakaramdam ako ng matinding pagnanasang kumausap ng isang pari tungkol sa lahat ng mga bagay na bumagababag sa akin. Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, naka Pangumpisal ako ng maayos.
Sa sandaling iyon, naramdaman kong nakabalot ako sa ulap ng Dakilang pagmamahal. Tumagos si Jesus sa aking puso at nabatid kong mahal ako ni Jesus bilang ako sa natural kong katauhan. Ito ay nagdulot sa akin ng malaking kasayhan .
Dahil sa karanasang ito, naisip kong dapat akong maging mapagpatawad sa mga taong naging malupit sa akin. Napakahirap gawin! Hindi ko man lang kayang dasalin ang Ama Namin dahil ayaw kong patawarin ang mga umapi sa akin.
Sinangguni ko ito kay Jesus. Habang taimtim akong nagdadasal, biglang tumambad sa kin ang isang kakila-kilabot na pangitain: ang imajen ni Jesus na nakapako sa Krus, nagdudugo ang buong katawan at halos di na makahinga sa sakit na dinadanas; ang Kanyang mga mata na puno ng pagmamahal at lambing ay nakatuon sakin. At nadinig ko Siyang nagwika, “Patuloy mong ihandog ang kabilang pisngi. Tulad ng pagpapatawad ko sa iyo, humayo ka at magpatawad”.
Naupo na lang ako, nag-iisip. Tama nga, dapat lang din akong magpatawad! Kelangang ipasantabi ko na ang aking mga hinaing sapagkat ako ay napatawad na.
Kaya, hiniling ko sa Banal na Espiritu na ipakita sa akin ang bawat taong kailangan kong mapatawad. Matagal…. Isa-isa…. Nang dumating na sa aking mga magulang, ito’y naging isang napakabigat na pagsubok sa akin.
Nagdasal ako at humingi ng tulong kay Jesus. Pagdating sa bahay, naupo ako sa tabi ng aking ama. Ganun na lamang ang pagka mangha naming pareho nang taos- puso kong sabihin: “Tay, mahal kita”. Tahimik lang ang aking ama, tumingin sa akin, at ngumiti. Sa mga sandaling iyon, naramdaman ko ang tunay na pagpapatawad at pagmamahal para sa aking ama.
Ang Kawalang-pag-asa Ay Naging Galak
Lumipas ang ilang linggo, nasuring may cancer ang aking ama at nabuhay sya ng 7 buwan lamang. Sa loob ng simbahan, namimighating titanong ko si Jesus, “Bakit mo kinuha ang aking ama? Nagsisimula pa lang akong makilala siya.” Lumuluhang tumingin ako sa altar. Doon, nakita ko si Jesus, nakaakbay sa aking ama, na nagmukhang bata, guwapo at makisig! Parehong nakangiti. Mapagmahal na sinabi ni Jesus, “Irene, maaari ka nang makipag-usap sa iyong ama anumang oras.” Agad, naangat ako mula sa kawalan ng pag-asa, nagagalak sa kaalamang kasama ng aking ama si Jesus.
Nagkaron din ako ng biyayang magpatawad sa aking ina. Mapalad ako’t naalagaan ko sya nang siya ay ma-stroke, at makasama hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Napatawad ko din ang aking rapist.
Sa tulong ng Diyos, nakatagpo ako ng isang pari na sa kalaunan ay naging Espirituwal Direktor ko, maunawain sa aking dinaramdam bago ko pa man ito isangguni sa kanya. Tulad ng tunay na ama, pinatnubayan nya ako patungong landas na matuwid. Madalas niyang sabihin, “Kung kailangan mo ng tagapamagitan para sa anuman, magpapadala ng sugo ang Diyos para lamang sa iyo.” Nang sya ay namatay, di inaasahang nakilala ko ang isang bumibisitang pari mula sa India na syang nagbigay ng mga payong kinailangan ko. Alam kong siya ang tinutukoy ng naunang pari na dadating para lang sa akin.
Pinagaling at Ginawang Buo
Isang gabi, binigyan ng Banal na Espiritu ng kasagutan ang aking tanong. Matapos Syang magwikang, “Ang bata ay inaabuso.” nakaramdam ako ng matinding sakit mula ulo hanggang paa. Hindi ko halos malaman kung paano ako uuwi, pero nilapitan ako ni Jesus; tangan-kamay Nya kong dinala pabalik sa ‘sanggol’. Kinuha niya ang sanggol na si Irene at pinahiga sa kanyang mga bisig, malumanay na tinitigan. At Siya ay huminga ng buhay sa sanggol.
Nakadama ako na malaking pasasalamat at kaluwalhatian. “Ibinigay ni Jesus ang buhay sa akin, sa sanggol!” Mayamaya ay naisip ko, “Ngunit Jesus, kung ikaw ay huminga ng buhay sa sanggol na iyon, bakit nangyari ang hindi kanaisnais na mga bagay sa kanya? Nasaan ka noon? ” Isinagot Nya, “Irene, kasama mo Akong nagdurusa sa buong panahong yon; ikaw ay espesyal sa akin”.
Kaya’t nang magkaroon ako ng mga anak, napagpasyahan kong gawin ang lahat ng aking makakayanan para mabigyan sila ng pagmamahal at pagat pag-aruga na di ko natamasa sa aking pagkabata. Sa kabila ng malungkot kong nakalipas , nagpapasalamat pa din ako pagka’t ito ang naghubog sa aking pagkatao. Dumadating pa din ang mga pagsubok sa buhay ko, ngunit ang pagtitiwala ko sa Diyos at ang Kanyang Grsya ang nagbibigay ng lakas sa akin.
Minsang ako ay nasa isang retreat, bigla akong dinalaw ng matinding pag-aalilangan kung Totoong bang si Jesus ay nasa Banal na Sakramento; nagpunta lang ako dahil bayad na ang tiket. At habang nasa loob ng Adoration chapel, nagmamasid, naitanong ko sa sarili, “Paano nila mapaniniwalaan ang lahat ng walang kapararakang bagay na ito?!” Nanalangin ako at humingi ng tulong. Palit-ulit kong binigkas na gaya ng isang mantra, “Naniniwala ako, Panginoon, at tulungan Mo ako sa kawalan ko ng pananampalataya” [Marcos 9:24] gaya ng isang mantra. Bigla kong nadama ang napakaliwanag na ilaw at lahat ng aking mga alinlangan ay naglaho.
Ngayon, ang buhay ko ay masaya at mapayapa dahil sa dakilang pag-ibig ni JESUS na nagturo sa akin ng pagpapakasakit at katatagan para harapin ang dumadating na mga pagsubok. Pinasasalamatan ko araw-araw ang Dakilang Ama sa buhay na bigay Nya at sa panibagong pag-asa sa mga araw pang darating na kasama Sya.
'Nasa aking gunita ang aking ina na humahagulgul sa balikat ng aking ama , kasama na ang mga kamaganak, kaibigan at pati mga taong hindi ko kakilala na umiiyak at nagdarasal para sa akin. Naalala ko ang mga manggagamot na nagbubulungan sa isat isa na wala na akong pagasa na mailigtas. Naalala ko na isinara ko ang aking mga mata at nanalangin na biyayaan ako ng isa pang araw na mabuhay.
Sa Araw na Pangyayari
Noong 2007, habang ako ay nasa apat na baytang ng mababang paaralan, ang aking tiyuhin ay bumili ng isang computer . Inaasam asam ko araw araw na magamit ko at makapaglaro ako sa computer.
Isang hapon , pagkagaling sa paaralan, nagmamadali akong nagtanggal ng damit at naglaro sa computer. Kasabay ng sandaling iyon, ay ang pagdating nang aking lola na may hawak ng kaldero na may kumukulong tubig. Sinabihan ako ng lola ko na ang dala niya ay kumukulong tubig . Ganun paman ,sa pagkakita ko sa aking lola, ay sinalubong ko at niyapos siya .
Tumapon sa akin ang kumukulong tubig at nalapnos ang kabuuang balat sa tiyan ko. Naalala ko ang iyak ng aking lola at ang aking ina ay nagmamadaling lumapit sa akin. Dahil sa lakas ng pag-iyak ng aking ina, nagpuntahan sa aming bahay ang mga kapitbahay at ng malaman ang nangyayari ang lahat ay namangha sa nakita. Biglang nakaramdam ako ng matinding sakit sa paligid ng aking tiyan at di nagtagal ako ay dinala sa malapit na pagamutan.
Tanda Ng Kalungkutan
Habang ako ay mabilisang dinadala sa silid ng kagipitan, nagsumamo ang aking lola na banggitin ko ang banal na pangalan ni Jesus, ni Maria at Jose. Habang ako ay tinitignan ng mga maggagamot, nakita ko ang kakila kilabot na kalagayan ng aking tiyan . Nagdarasal ang aking mga magulang, kaibigan at kamag-anak sa makapangyarihang pamamagitan ng ating Mahal na Ina ng Diyos. Ngunit ,lahat sila ay hindi umaasa sa aking paggaling.
Pagkatapos ng isang buwan sa pagamutan, ako ay nakauwi sa bahay namin Ang aking tiyuhin ang nag alaga sa akin, sa dahilang ang aking mga magulang ay parating nangangamba at nangingibabaw ang kalungkutan. Parati lang akong nakahiga sa kama. Patuloy akong ipinagdarasal ng aking mga kaibigan, mga kasama sa simbahan, mga pare at madre at mga guro sa paaralan. Saan man ako lumingon , ay nakikita ko ang mga tao na nagdarasal para sa aking paggaling. Ngayon ang katunayan na ang kanilang mga dasal ay pinakinggan at sinagot ng Panginoon.
Sunog na Marka
Sa mas maagang panahon kaysa sa inaasahan ng mga manggagamot, ako ay gumaling ng husto. Ito ay isang milagro ng Panginoon. Walang umaasa na ako ay mabubuhay , ngunit ngayon ako ay magaling na at malusog. Ang ating Panginoon lamang ang makakagawa ng milagrong naganap.
Kahit na ako ay bata pa ng mangyari ang milagrong ito, itinanim sa akin ng Panginoon ang binhi ng pagmamahal at pananampalataya sa murang edad. Ang sunog na marka ay makikita pa rin sa aking katawan at nagsisilbing taga pag papaalala ng kapangyarihan ng pagpapagaling ng Panginoon .
Ang aking buhay ngayon ay kalangkap ng awa ng Panginoon. Ang Panginoon ang siyang ating tanging tagapagligtas .
'