Home/Makatawag ng Pansin/Article

Nov 19, 2020 1097 0 Irene La Palambora
Makatawag ng Pansin

Basag, at Nabuong Muli

Mula sa kamusmusan, di ko nadama ang pagkalinga ng aking mga magulang.  Wala akong natatandaang nagpahayag ng pagmamahal ang aking ina, sa salita man o sa gawa. Halimbawa na lang, nang ako’y nagsuka matapos kumain ng mga ligaw na kabute, galit niyang pinalinis sa kin ang ginawa kong kalat. Mahilig sa kasayahan at sayawan ang aking ina kaya’t walang panahon sa mga anak; ang ama ko naman ay mahilig mamaril at mangisda kaya madalas wala sa bahay. Tila hindi sumagi sa kanilang kaisipan ang pangagailangan naming mga anak ng pag-aaruga.

Sa madaling salita, lumaki akong walang magandang pundasyon at dahil dito nagpasya ang aking ama na ipadala ako sa boarding school. Tuwing pista opisyal ng paaralan, pinapupunta naman nya ako sa bukid ng mga lolo’t lola ko.  Mga Saradong Katoliko, sila ang nagbigay sa akin ng pagmamahal na hinanaphanap ko.

Nang ako’y umuwi sa unang pagkakataon, nalaman kong ang aking ina ay nasa hospital, malubha ang kalagayan matapos magsilang sa kapatid kong bunso.  Malaking kagulatan ito sa aming lahat dahil wala man lang nakaalam na sya pala ay buntis. Kinuha ng mga Lolo’t Lola ang ibang mga kapatid ko at dinala  sa kanilang bukid. Ako naman ay isinama ng aking ama at ng kanyang kaibigan sa ospital. Pagkagaling sa ospital, tumuloy sila sa isang bahay inuman at nag-inuman bilang ‘pagbasbas sa sanggol’. Dahil bawal pumasok ang mga bata sa alinman sa dalawang lugar, naiwan lang ako sa sasakyan.

Nang bumalik sila sa sasakyan sino man sa kanila ay di angkop para magmaneho. Sa kalasingan, namali ng liko ang aking ama, napahinto sa isang tahimik at liblib na lugar at nakatulog sa manibela. Naisipan kong lumabas ng sasakyan para magpahangin at maniyasat. Bigla na lang hinatak ako mula sa likuran; hinubadan at pinagsamantalahan ng kaibigan ng aking ama. Iniwan na lang akong umiiyak at sya’y bumalik sa sasakyan.

Natanto kong isa lang ang tanging paraan para makauwi nang gabing iyon, kaya’t nagmamadali kong isinuot na muli ang damit ko at bumalik sa sasakyan. Walang napansing kakaiba ang aking ama  at hindi ko din alam kung paano ko sasabihin ang nangyari.  Pagdating sa bahay, nagkainan sila sa kusina at nagmamadali naman akong nagkulong sa banyo at naligo ng mainit na tubig. Sinikap kong kalimutan ang nangyari.  Wala akong sinabihan sa nangyari pero higit  akong naapektohan nito.

Malaking ginhawa sa akin ang pagpunta sa boarding school at ang puspusang pag-aaral para maging isang Anak ni Maria, pero nahirapan ako sa mahigpit na disiplina. Sa umpisa pa lang, may disgusto na sa akin ang madreng namamahala sa mga boarders. Madalas niya akong punahin at pulaan; ni hindi nya ako binibigyan ng ano mang espesyal na pagkakataon tulad ng ginagawa nya sa ibang mag-aaral.

Sa tuwing may nangyayari, ako ang sinisisi nya kahit hindi ko kasalanan. Isang araw, nang diktahan ako ni Sister kung ano ang dapat kong ipinta para sa art project ko, pakiramdam ko’y umabot na sa sukdulan ang maltrato nya sa akin.  Tumakbo ako palayo sa escuelahan, at nang dumilim na, nagtago ako sa simbahan, matapos kong gugulin ang maghapon sa isang abandonadong gusali.  Natagpuan ako doon ng pulisya at ibinalik ako sa escuelahan.  Lantarang akong dinisiplina at pinagbawalang makausap ng sinuman sa loob ng 48 oras.

Pakiramdam ko’y lubos akong iniwang mag-isa at walang kadamay; lalo na kapag ang lingguhang sulat ko sa aking ina sa ospital ay bumabalik na may markang ‘Return to Sender, Hindi sa Address na ito’.  Durog ang buong espiritu, nawala ang tiwala ko kanino man.

Sa panahong ito ng kapanglawan, ang cura paroko ay isang malaking pampalubag-loob sa akin. Tinuring niya akong isang anak,  pinapalakas ang loob kapag nawawalan ng pag-asa. “Dapat mong tandaan na ang iyong kaluluwa ay tulad ng isang bloke ng marmol. Upang mabuo itong isang bagay ng kagandahan, kailangan mong tanggalan ng mga labi sa labas nito”, wika pa nya.

Pinatibay din ng Mahal na Ina ang loob ko. Nang tuluyan akong matanggap sa Sodality ng mga Anak ni Maria, ibinabalot ko ng kanyang balabal sa katawan ko tuwing natatakot ako at hindi makatulog.

Ako ba ay isang pagkakamali?

Palaging sinasabi na mahal tayo ng Diyos, ngunit hindi ito nagkaron ng kabuluhan para sa akin. Nung ako’y lumaki, nakapag-asawa at nagkaron ng mga anak, palagi kong hinahanap ang Diyos na ito, na dapat na nagmamahal sa akin.

Alam ko ang panukala ng simbahan; sinikap kong maging isang mabuting Katoliko, kumakanta sa koro, at tumutulong sa parokya; ngunit damdam ko’y pasunod-sunod lang ako sa agos.

Sinabi sa akin ng tiyahin ko na ang aking ina ay may ibang minahal, ngunit kailangang pakasalan ang aking ama dahil nagbuntis sya sa kin. Siguro ito ang dahilan kung bakit hindi nya ako minamahal.

Ako’y isang pagkakamali

Isa pang tiyahin ang nagsabi sa akin na halos mamatay ako sa malnutrisyon nang ako ay 18 buwan pa lamang dahil ayaw kong kumain o uminom. Naging laging palaisipan ito sa akin:  bakit gugustuhin ng isang sanggol na mamatay? Mahabang panahong tinatanong ko ang Banal na Espiritu kung ano ang mali sa sanggol na iyon?

Isang araw sa aking pagpipinta, nakaramdam ako ng matinding pagnanasang kumausap ng isang pari tungkol sa lahat ng mga bagay na bumagababag sa akin. Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, naka Pangumpisal ako ng maayos.

Sa sandaling iyon, naramdaman kong nakabalot ako sa ulap ng Dakilang pagmamahal. Tumagos si Jesus sa aking puso at nabatid kong mahal ako ni Jesus bilang ako sa natural kong katauhan. Ito ay nagdulot sa akin ng malaking kasayhan .

Dahil sa karanasang ito, naisip kong dapat akong maging mapagpatawad sa mga taong naging malupit sa akin. Napakahirap gawin! Hindi ko man lang kayang dasalin ang Ama Namin dahil ayaw kong patawarin ang mga umapi sa akin.

Sinangguni ko ito kay Jesus. Habang taimtim akong nagdadasal, biglang tumambad sa kin ang isang kakila-kilabot na pangitain:  ang imajen ni Jesus na nakapako sa Krus, nagdudugo ang buong katawan at halos di na makahinga sa sakit na dinadanas; ang Kanyang mga mata na puno ng pagmamahal at lambing ay nakatuon sakin.  At nadinig ko Siyang nagwika, “Patuloy mong ihandog ang kabilang pisngi. Tulad ng pagpapatawad ko sa iyo, humayo ka at magpatawad”.

Naupo na lang ako, nag-iisip. Tama nga, dapat lang din akong magpatawad!  Kelangang ipasantabi ko na ang aking mga hinaing sapagkat ako ay napatawad na.

Kaya, hiniling ko sa Banal na Espiritu na ipakita sa akin ang bawat taong kailangan kong mapatawad.  Matagal…. Isa-isa….  Nang dumating na sa aking mga magulang, ito’y naging isang napakabigat na  pagsubok sa akin.

Nagdasal ako at humingi ng tulong kay Jesus.  Pagdating sa bahay, naupo ako sa tabi ng aking ama.  Ganun na lamang ang pagka mangha naming pareho nang taos- puso kong sabihin: “Tay, mahal kita”.  Tahimik lang ang aking ama, tumingin sa akin, at ngumiti.  Sa mga sandaling iyon, naramdaman ko ang tunay na pagpapatawad at pagmamahal para sa aking ama.

Ang Kawalang-pag-asa Ay Naging Galak

Lumipas ang ilang linggo, nasuring may cancer ang aking ama at nabuhay sya ng 7 buwan lamang. Sa loob ng simbahan, namimighating titanong ko si Jesus, “Bakit mo kinuha ang aking ama?  Nagsisimula pa lang akong makilala siya.” Lumuluhang tumingin ako sa altar. Doon, nakita ko si Jesus, nakaakbay sa aking ama, na nagmukhang bata, guwapo at makisig! Parehong nakangiti.  Mapagmahal na sinabi ni Jesus, “Irene, maaari ka nang makipag-usap sa iyong ama anumang oras.”  Agad, naangat ako mula sa kawalan ng pag-asa, nagagalak sa kaalamang kasama ng aking ama si Jesus.

Nagkaron din ako ng biyayang magpatawad sa aking ina. Mapalad ako’t naalagaan ko sya nang siya ay ma-stroke, at makasama hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.  Napatawad ko din ang aking rapist.

Sa tulong ng Diyos, nakatagpo ako ng isang pari na sa kalaunan ay naging Espirituwal Direktor ko, maunawain sa aking dinaramdam bago ko pa man ito isangguni sa kanya. Tulad ng tunay na ama, pinatnubayan nya ako patungong landas na matuwid. Madalas niyang sabihin, “Kung kailangan mo ng tagapamagitan para sa anuman, magpapadala ng sugo ang Diyos    para lamang sa iyo.” Nang sya ay namatay, di inaasahang nakilala ko ang isang bumibisitang pari mula sa India na syang nagbigay ng mga payong kinailangan ko.  Alam kong siya ang tinutukoy ng naunang pari na dadating para lang sa akin.

Pinagaling at Ginawang Buo

Isang gabi,  binigyan ng Banal na Espiritu ng kasagutan ang aking tanong. Matapos Syang magwikang,  “Ang bata ay inaabuso.” nakaramdam ako ng matinding sakit mula ulo hanggang paa. Hindi ko halos malaman kung paano ako uuwi, pero nilapitan ako ni Jesus; tangan-kamay Nya kong dinala pabalik sa ‘sanggol’. Kinuha niya ang sanggol na si Irene at pinahiga sa kanyang mga bisig,   malumanay na tinitigan. At Siya ay huminga ng buhay sa sanggol.

Nakadama ako na malaking pasasalamat at kaluwalhatian. “Ibinigay ni Jesus ang buhay sa akin, sa sanggol!” Mayamaya ay naisip ko, “Ngunit Jesus, kung ikaw ay huminga ng buhay sa sanggol na iyon, bakit nangyari ang hindi kanaisnais na mga bagay sa kanya?  Nasaan ka noon? ” Isinagot Nya, “Irene, kasama mo Akong nagdurusa sa buong panahong yon; ikaw ay espesyal sa akin”.

Kaya’t nang magkaroon ako ng mga anak, napagpasyahan kong gawin ang lahat ng aking makakayanan para mabigyan sila ng pagmamahal at pagat pag-aruga na di ko natamasa sa aking pagkabata.  Sa kabila ng malungkot kong nakalipas , nagpapasalamat pa din ako pagka’t ito ang naghubog sa aking pagkatao.  Dumadating pa din ang mga pagsubok sa buhay ko, ngunit ang pagtitiwala ko sa Diyos at ang Kanyang Grsya ang nagbibigay ng lakas sa akin.

Minsang ako ay nasa isang retreat, bigla akong dinalaw ng matinding pag-aalilangan kung Totoong bang si Jesus ay nasa Banal na Sakramento; nagpunta lang ako dahil bayad na ang tiket. At habang nasa loob ng Adoration chapel, nagmamasid, naitanong ko sa sarili, “Paano nila mapaniniwalaan ang lahat ng  walang kapararakang bagay na ito?!”  Nanalangin ako at humingi ng tulong. Palit-ulit kong binigkas na gaya ng isang mantra, “Naniniwala ako, Panginoon, at tulungan Mo ako sa kawalan ko ng pananampalataya” [Marcos 9:24] gaya ng isang mantra. Bigla kong nadama ang napakaliwanag na ilaw at lahat ng aking mga alinlangan ay naglaho.

Ngayon, ang buhay ko ay masaya at mapayapa dahil sa dakilang pag-ibig ni JESUS na nagturo sa akin ng pagpapakasakit at katatagan para harapin ang dumadating na mga pagsubok. Pinasasalamatan ko araw-araw ang Dakilang Ama sa buhay na bigay Nya at sa panibagong pag-asa sa mga  araw pang darating na kasama Sya.

Share:

Irene La Palambora

Irene La Palambora ARTICLE is partly based on the Shalom World TV program “Seventy times Seven” where Irene La Palambora shares her extraordinary story of forgiveness. To watch the episode visit: https://shalomworld.org/episode/irene-la-palombara

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles