Home/Makatawag ng Pansin/Article

Jul 05, 2024 177 0 PADRE JOSEPH GILL, USA
Makatawag ng Pansin

Ang Pagmamahal Ko Ba sa Palakasan ay Idolatriya?

Q – Paano ko malalaman kung ang pagmamahal ko sa palakasan ay idolatriya?  Nagsasanay ako ng apat na oras sa isang araw, umaasa na makakuha ng iskolarsip sa kolehiyo, at iniisip ko ito sa lahat ng oras, sinusundang maigi ang mga propesyonal na koponan.  Mahal ko ang Diyos, ngunit hindi lang Niya makuha ang pagkahilig ko tulad ng ginagawa ng palakasan.  Kailan lumalampas sa guhit ng idolatriya ang aking hilig sa palakasan?

A – Ako din, ay mahilig sa palakasan. Naglaro ako ng baseball nuon sa mataas  na paaralan at kolehiyo, at kahit bilang pari, patuloy akong naglalaro ng Ultimatong Prisbi, saker, at Amerikanong putbol. Ang palakasan ay maaaring maging “ang larangan ng kabanalan,” gaya ng sinabi minsan ni San Juan Paul II. Ngunit sa ating makabagong mundo, madalas nating pinahahalagahan ang palakasan…marahil higit pa.

Ang aking tagasanay ng besbol sa kolehiyo ay may magandang kasabihan: “Walang bagay sa palakasan na walang katapusan.” Nakatulong iyon sa akin na panatilihing nasa tamang pananaw ang lahat.  Ang pagkapanalo sa kampeonato o pagkatalo sa laro ay hindi magkakaroon ng kaunting pagkakaiba sa kawalang-hanggan. Ito ay pangkatuwaan, na nagbibigay sa atin ng pagkakataong mag-ehersisyo at magsagawa ng pagtutulungan nang magkakasama, disiplina, lakas ng loob, at pagiging patas—subalit walang kahihinatnan sa isang paligsahan sa atleta na hindi nagmamaliw.  Kaya paano natin mapapanatili ang palakasan sa tamang pananaw nito?  Tingnan natin ang tatlong bagay upang malaman kung ang palakasan (o anumang bagay) ay nagiging isang diyos-diyosan.

Una, ang oras.  Gaano kadaming oras ang ginugugol natin dito laban sa kung gaano kadaming oras ang ginugugol natin sa Panginoon?  Minsan ay hinamon ko ang isang klase ng mga kabataan na gumugol ng sampung minuto bawat araw sa pagdadasal, at sinabi sa akin ng isang batang lalaki na imposible iyon dahil naglalaro siya ng mga video game.  Tinanong ko siya kung gaano siya katagal maglaro, at sinabi niya sa akin na madalas siyang naglalaro ng walo hanggang labing-isang oras bawat araw!  Kung ang isang tao ay walang oras para sa isang seryosong buhay panalangin—labing lima hanggang dalawampung minuto pinakamababa, araw-araw, dahil ginugugol nila ang oras na iyon sa palakasan, kung gayon ito ay tunay na idolatriya.  Hindi ito nangangahulugan na dapat itong maging ganap na magkatumbas—kung magsasanay ka ng dalawang oras bawat araw, hindi mo kailangang magdasal ng dalawang oras bawat araw.  Ngunit kailangang magkaroon ng sapat na oras sa iyong buhay upang magkaroon ng matatag na buhay panalangin.

Kinabibilangan nito ang pagtiyak na ang ating buhay palakasan ay hindi sumasalungat sa pagsamba sa Linggo.  Ang aking kapatid na lalaki, isang mahusay na manlalaro, minsan ay kinailangang maligtaan ang isang mahalagang pagsubok dahil ito ay gaganapin sa umaga ng Linggo ng Pagkabuhay.  Kahit anong gawin natin sa halip na Misa sa Linggo ay nagiging idolo natin!

Kasama din dito ang pag sasan-tabi ng oras na gawing mahalagang bahagi ng ating sakripisyo para sa Panginoon.  Mayroon ka bang oras upang magboluntaryo sa iyong simbahan o isang lokal na kawanggawa?  Mayroon ka bang sapat na oras upang maisagawa nang maayos ang iyong mga tungkulin sa araw-araw (upang gawin ang iyong pag-aaral sa abot ng iyong makakaya, gawin ang mga gawaing bahay, at maging mabuting anak at kaibigan)?  Kung ang palakasan ay tumatagal ng napakadaming oras na wala nang oras para sa iba, sa gayon tayo ay wala sa balanse.

Pangalawa, pera.  Magkano ang ginagastos natin sa mga larong pang palakasan, kagamitan, tagasanay, membership sa gym—hambing sa kung gaano kadaming pera ang ibinibigay natin sa simbahan, mga kawanggawa, o mga mahihirap?  Kung saan natin ginugugol ang ating pera ay nagpapakita kung ano ang mahalaga sa atin.  Muli, ito ay hindi kinakailangang isang ganap na pagkakatumbas—ngunit ang pagiging bukas-palad ay isang pangunahing bahagi ng pagiging kasapi ng Panginoon, na kung Kanino nagmumula ang lahat ng mabubuting handog.

Panghuli, sigasig.  Sa amerika, kung saan ako nakatira, ang Amerikanong putbol ay ang aming pambansang relihiyon.  Namangha ako na makita ang mga matatandang lalaki na nakaupo sa labas sa ilalim na nagyeyelo na temperatura sa isang laro ng Green Bay Packers, na walang suot na kamiseta at ang kanilang mga dibdib ay pinintahan ng mga kulay ng koponan, nakasuot ng foam na sumbrero sa hugis ng keso (ito ay isang kakatuwang tradisyon!), masayang sumisigaw sa ituktok ng kanilang mga baga…at madami sa mismong mga lalaking ito ay maiinip sa simbahan sa Linggo ng umaga, halos ibinubulong ang mga tugon sa Misa (kung sila man ay dumalo).

Ano ang nakapagpapasabik sa iyo?  Mas nasasabik ka ba para sa isang paligsahan sa palakasan na hindi na maaalala paglipas ng isang taon o para sa hamon at kagalakan ng epikong paghahangad sa kabanalan, ang pagkakataong isulong ang Kaharian ng Diyos, ang labanan para sa mga kaluluwa na may panghabang-panahong kahihinatnan, ang pagtugis ng walang hanggang tagumpay na magpapaputla sa iyong mga tropeo kung ihahambing?

Kung malaman mong mas malakas pa din ang iyong sigasig sa palakasan, isaalang-alang kung ano talaga ang Kristiyanismo.  Walang talagang higit na kapana-panabik at kapangahasan sa mundo kaysa sa pagnanais na maging isang santo. Ito ay nagsasangkot ng madami sa maturang mga katangian bilang isang mahusay na atleta: pagtanggi sa sarili, pag-uukol, at matapat na paghahangad ng isang layunin.  Ngunit ang aming layunin ay may panghabang-panahong kahihinatnan!

Sa pagsasaalang-alang ng tatlong bagay na ito—kung saan mo ginugugol ang iyong oras, kung paano mo ginagastos ang iyong pera, at kung ano ang nagpapasaya sa iyo.  Ang mga ito ay maaaring magbigay ng mahalagang pananaw kung kailan ang isang bagay ay nagiging diyos-diyosan sa atin.

Share:

PADRE JOSEPH GILL

PADRE JOSEPH GILL ay isang kapelyan sa mataas na paaralan at naglilingkod sa ministeryo ng parokya. Siya’y isang gradwado ng Franciscan University of Steubenville at ng Mount Saint Mary’s Seminary. Si Padre Gill ay nakapaglathala ng mga ilang album na Kristiyanong himig-ugoy (makukuha sa iTunes). Ang kanyang unang nobela, Days of Grace, ay makukuha sa amazon.com.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles