Home/Makatagpo/Article

Feb 21, 2024 251 0 Father Vinh Dong
Makatagpo

Ang Diyos ay Gagawa ng Paraan

Takot at nag-iisa sa isang bangka sa gitna ng isang mabagyong dagat, ang munting Vinh ay nakipagkasundo sa Diyos…

Nang matapos ang Digmaan sa Vietnam noong 1975, bata pa ako, ang pangalawa sa huli sa 14 na mga anak.  Ang aking kahanga-hangang mga magulang ay mga debotong Katoliko, ngunit dahil ang mga Katoliko ay dumanas ng pag-uusig sa Vietnam, ninais nilang kaming mga anak ay tumakas patungo sa ibang bansa para sa isang mas maayos na buhay.

Ang mga nagkakanlong ay kadalasang lumilisan sakay ng maliliit na bangkang kahoy, na kadalasang tumataob sa dagat, na walang naiiwang buhay sa mga pasahero.  Kaya, nagpasya ang aking mga magulang na susubok kaming umalis nang paisa-isa, at gumawa sila ng malaking sakripisyo upang makaipon ng sapat para mabayadan ang napakalaking gastos.

Sa unang pagkakataon na sinubukan kong lumisan, siyam pa lamang ako.  Inabot ako ng dalawang taon at labing-apat na pagtatangka bago ako tuluyang nakatakas.  Aabutin pa ng sampung taon bago makatawid ang aking mga magulang.

Ang Pagtakas

Siksikan sa isang maliit na bangkang kahoy kasama ng 77 iba pa, ang 11 taong gulang na ako ay nag-iisa sa gitna ng kawalan.  Madaming panganib kaming hinarap.  Nang ikapitong gabi, habang hinahampas kami ng napakalaking bagyo, nakiusap sa akin ang isang babae: “Maaaring hindi tayo makaligtas sa bagyong ito; anuman ang iyong relihiyon, manalangin sa iyong Diyos.”  Tumugon ako na nagdasal na ako.  Sa katunayan, nakipagkasundo ako: “Iligtas Mo ako, at magiging mabuting bata ako.”  Habang humahampas ang hangin at alon sa bangka nang gabing iyon, nangako akong iaalay ko ang aking buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga tao sa natitirang bahagi ng aking buhay.

Nang magising ako kinaumagahan, nakalutang pa din kami, at tahimik ang dagat.  Kami ay nasa matinding panganib pa din, gayunpaman, dahil naubusan kami ng pagkain at tubig.  Pagkalipas ng dalawang araw, nasagot ang aking mga panalangin nang tuluyan kaming makadating sa Malaysia pagkatapos ng sampung araw sa dagat.

Sa pagsisimula ng bagong buhay sa isang kampo ng mga takas maging tapat sa pakikipagkasundo na ginawa ko sa Diyos.  Walang mga magulang, walang sinoman na mag-aalaga sa akin, walang sinumang magsasabi sa akin kung ano ang gagawin, inilagay ko ang aking buong pagtitiwala sa Diyos at hiniling na gabayan Niya ako.  Araw-araw akong nagsisimba, at hindi nagtagal hiniling sa akin ng pari na ako ay maging tagapaglingkod sa altar.  Si Father Simon ay isang misyonaryong pari na Pranses na talagang kumikilos nang lubos, tinutulungan ang mga takas sa lahat ng kanilang mga pangangailangan, lalo na ang kanilang mga aplikasyon sa imigrasyon.  Naging bayani ko siya.  Natagpuan niya ng labis na kagalakan sa paglilingkod sa iba kaya nais kong maging katulad niya paglaki ko.

Sa mga hamon na hinarap ko sa pagsisimula ng bagong buhay sa Australia, nakalimutan ko ang dati kong pangako.   Sa pagtatapos ng ika-10 taon, habang iniisip ko kung ano talaga ang nais kong gawin sa buhay ko, ipinaalala sa akin ng ating Panginoon ang aking pagnanasang maging isang pari.  Nakipagkasundo sila sa aming kura paroko, na si Monsignor Keating, para sa isang pagsasanay para sa akin.  Ibig na ibig ko ito kaya nagpasiya akong pumasok sa seminaryo minsang natapos ko ang mataas na paaralan.

Tagatupad Ng Mga Pangako

Sa mga lumipas na 26 na taon, pinaglilingkuran ko ang Arkidiyosesis ng Perth bilang isang pari.  Gaya ni Padre Simon, natagpuan ko ang malaking kagalakan sa paglilingkod sa mamamayan ng Diyos.  Ang pinakamalaking hamon ko ay ang hinirang na magtatag ng bagong parokya sa labas ng Perth noong 2015.  Nataranta ako.  May paaralan ngunit walang simbahan o pasilidad, kaya nagsimula kami sa pamamagitan ng pagpupulong para mag Misa sa isang silid-aralan.

Humingi ako ng payo sa mga kapwa kong pari. Dalawang pahayag nila ang nakahuli ng aking pansin.  Ang isa ay nagsabi: “Magtayo ka ng isang simbahan, at magkakaroon ka ng mga mamamayan,” sabi ng isa pa: “Magbuo ng isang pamayanan, kapag mayroon kang mamamayan, maaari kang magtayo ng isang simbahan.”  Tinanong ko ang aking sarili, “Mayroon ba akong manok, o mayroon akong itlog?”  Nagpasya ako na kailangan ko ang kapwa manok at itlog, kaya itinayo ko ang kapwa pamayanan AT ang simbahan.

Isang Vietnamese refugee na may bahagyang pagkakataon na makaligtas sa pag-uusig sa kanyang sariling bansa, natatakot na hindi matkkatagal nang isang gabi ng nakahihindik na bagyo sa gitna ng karagatan, na naglulunsad ng isang pamayanan ng simbahang sa Australia —mangha pa din ako sa mga kahanga-hangang gawain ng Panginoon!!

Tinulungan ako ng Dominican Sisters na magbuo ng komunidad at gayundin sa pangangalap ng pondo para maisakatuparan ang Simbahang Katoliko ng San Juan Pablo II.  Madaming bukas-palad na puso mula sa ibang mga parokya sa Perth at sa buong mundo ang nagpaabot sa amin ng tulong, at nagpapasalamat ako sa Diyos sa lahat ng kanilang pagtaguyod.  Ang mga pagkakataong tulad nito ay paulit-ulit na nagpapaalala sa akin na ang salitang ‘Katoliko’ ay nangangahulugan na pandaigdigan—saan man tayo naroroon sa mundo, tayo ay mga tao ng Diyos.  Ang aming simbahan, na nagsimula sa isang dosenang mamamayan, ay mayroon na ngayong mahigit 400 parokyano.  Ang aming mga kasanib ay nagmula sa 31 iba’t ibang kultura. Bawat linggo, nakakakita ako ng mga bagong mukha.  Habang natututo ako tungkol sa magkakaibang kultura at mga taong may iisang pananampalataya, nakakatulong ito na mapalalim ang aking kaugnayan sa Diyos.

Ang Pagtanggap Ay Nagbubunga Ng Pagbibigayan

Bagamat nasisiyahan ako sa aking buhay at ministeryo sa Australia, hindi ko nakalimutan ang aking pinagmulan sa Vietnam.  Ginagamit ako ng Panginoon upang itaguyod ang isang bahay ng mga ulila na pinamamahalaan ng Dominican Sisters.  Kasabay ng pangangalap ng pondo, dinadala ko din ang mga mamamayan sa mga misyong paglalakbay upang tulungan ang mga madre na pangalagaan ang mga ulila.  Itinutuon ng mga kabataan ang kanilang sarili sa misyonerong gawain, pinapakain sila, tinuturuan sila, ginagawa ang anumang kinakailangan, at nagbubuo ng isang ugnayan na nagpapatuloy sa paglipas ng aming mga pagdalaw.  Walang umuuwi nang hindi nakakadanas ng matinding pagbabago sa kanilang pananaw sa buhay.

Mahigit 40 taon na ang lumipas mula noong ako ay nasa maliit na bangkang iyon kung saan ako ay nangako sa Diyos.  Ang aking pakikipag-ugnay sa Diyos ay inaruga ng aking mga magulang hanggang sa maabot ang puntong iyon ng pagsuko.  Noong tinuruan nila akong bumigkas ng-Rosaryo, inisip kong ito ay nakakainip.  Dadaing ako, “Bakit kailangan nating ulit-ulitin ang mismong dasal?  Hindi ba natin mabibigkas ang mga ito nang minsanan at pagkatapos ay sabihin ang pareho din, pareho din, pareho din nang makalabas ako at makapaglaro.”  Ngunit napagtanto ko na ang Rosaryo ay buod ng buong Bibliya, at ang pag-uulit ng panalangin ay nagbibigay-daan sa akin na pagnilayan ang mga misteryo.  Sinasabi ko sa mga tao ngayon na ang kahulugan ng BIBLE ay Batayang Impormasyon Bago Lisanin ang Earth.

Binigyan ako ng aking mga magulang ng pormasyon na maging tapat sa pangakong binitiwan ko sa bangka, at sa Diyos, sa Kanyang awa, inalagaan ako noong hindi magawa ng aking mga magulang.  Patuloy silang nanalangin para sa kanilang mga anak, ipinagkatiwala kami sa Panginoon, at isang nakatutuwang sorpresa para sa kanila nang ako ay naging pari.  Ngayon, gawain ko na alalayan ang mga mag-anak sa pag-aaruga ng pananampalataya at mangaral sa sinumang lalapit sa akin para sa payo: “Huwag matakot na aninawin ang isang tawag mula sa Diyos.  Maglaan ng oras para makipag-usap sa Diyos at tulutang ang Diyos na makausap ka.  “Marahan mong malalaman kung ano ang nais ng Diyos na gawin mo sa iyong buhay.”

Ako ay patuloy na magdasal araw-araw na maging tunay na tapat sa pangakong binitiwan ko sa Diyos—na maging Kanyang anak kailan pa man.

Share:

Father Vinh Dong

Father Vinh Dong has served in the Perth archdiocese for over 26 years.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles