Home/Makatagpo/Article

Oct 17, 2023 246 0 Patrick Reynolds, Ireland
Makatagpo

ANG AKTOR NA NAGING EBANGHELISTA

Bilang isang aktor at direktor, akala ni Patrick Reynolds ang Diyos ay para lamang sa mga banal na tao. Nabigo siyang maunawaan ang plano ng Diyos hanggang sa araw na nagkaroon siya ng kahima-himalang karanasan habang nagdadasal ng Rosaryo. Narito ang kanyang hindi kapani-paniwalang paglalakbay.

Ipinanganak at lumaki ako sa isang Katolikong pamilya. Nagpupunta kami sa Misa bawat linggo, nagdarasal araw-araw, nag-aral sa Katolikong paaralan, at maraming mga banal na bagay sa bahay, ngunit kahit papaano ay hindi tumagos ang pananampalataya. Sa tuwing tatawid kami sa bukana, sinasabuyan kami ni Nanay ng banal na tubig, ngunit sa kasamaang palad, wala kaming personal na kaugnayan kay Hesus. Hindi ko alam na posible pala iyon. Ang pagka intindi ko ang Diyos ay nabubuhay sa itaas ng mga ulap sa kung saan. Tinitignan Niya tayong lahat dito sa ibaba, ngunit sa sarili kong isip at puso, ay napakalayo Niya at hindi maabot. Bagama’t may mga natutunan ako tungkol sa Diyos, hindi ko nalaman kung sino Siya. Noong mga sampung taong gulang ako, nagsimulang pumunta ang nanay ko sa isang charismatic prayer group, at nakita ko ang kanyang pananampalataya na naging tunay at personal. Siya ay gumaling sa depresyon, kaya alam ko na ang kapangyarihan ng Diyos ay totoo, ngunit naisip ko na ang Diyos ay para lamang sa mga banal na tao tulad ng aking ina. Hinangad ko ang isang bagay na mas malalim kaysa sa iniaalok. Pagdating sa mga Banal, hindi ko naintindihan ang kanilang tungkulin at hindi ko inisip na mayroon silang anumang maiaalok sa akin dahil hindi ko naisip na maaari akong maging banal.

Bigo at Salat

Noong umalis ako sa paaralan, gusto kong maging mayaman at sikat para mahalin ako ng lahat. Akala ko iyon ang magpapasaya sa akin. Napagpasyahan ko na ang pagiging isang artista ang magiging pinakamadaling paraan upang makamit ang aking mga layunin. Kaya, nag-aral ako ng pag-arte at kalaunan ay naging matagumpay na artista at direktor. Nagbukas ito ng mga pinto sa isang buhay na hindi ko pa nararanasan at mas maraming pera na hindi ko alam kung ano ang gagawin sa mga ito, kaya ginugol ko ito sa pagsisikap na mapabilib ang mahahalagang tao sa industriya. Ang buong buhay ko ay naging isang paulit ulit na pagbili ng mga bagay para mapabilib ang mga tao at para mas kumita ako upang makabili ng mga bagay na magpapabilib sa mga tao. Sa halip na makaramdam ako ng kasiyahan, nakaramdam ako ng kawalan. Pakiramdam ko ako ay isang manloloko. Buong buhay ko ay puro pagpapanggap sa kung ano ang gusto ng ibang tao na maging ako. Naghahanap ako ng mas higit pa ngunit hindi ko naintindihan na may plano ang Diyos para sa akin. Ang buhay ko ay puro tungkol sa mga kasiyahan, inuman, at relasyon, ngunit puno ng kawalang-kasiyahan.

Isang araw, inimbitahan ako ng nanay ko sa isang malaking Kahali-halinang Katolikong Komperensya sa Scotland. Sa totoo lang, hindi ko gustong pumunta dahil naisip ko na naisantabi ko na ang lahat ng bagay na tungkol sa Diyos, ngunit ang mga ina ay mahusay sa emosyonal na pang-blackmail; mapapagawa ka nila ng mga bagay na hindi kayang gawin ng iba. Sabi niya, “Pat, aalis ako para magmisyon sa Africa sa loob ng dalawang taon. Kung hindi ka pupunta sa retreat na ito, hindi ako magkakaroon ng oras na makasama ka bago ako umalis.” Kaya pumunta ako. Natutuwa ako ngayon, ngunit sa oras na iyon, hindi ako komportable. Kakaiba ang pakiramdam na makita ang napakaraming tao na umaawit at nagpupuri sa Diyos. Habang mapanghusga kong tinignan ang kapaligiran ng silid, biglang dumating ang Diyos sa buhay ko. Ang pari ay nagsalita tungkol sa pananampalataya, si Hesus sa Eukaristiya, ang mga Banal, at ang Mahal na Birhen sa isang tunay, na madaramang paraan at sa wakas ay naunawaan ko na ang Diyos ay napakalapit, hindi nasa isang lugar sa itaas ng mga ulap, at Siya ay may plano para sa aking buhay .

Mas Mahalaga

Naunawaan ko na nilikha ako ng Diyos nang may dahilan. Sinabi ko ang aking unang taos-pusong panalangin noong araw na iyon, “Panginoon, kung nariyan Ka, kung mayroon kang plano para sa akin, kailangan ko ang iyong tulong. Ipakita mo sa akin sa paraang maiintindihan ko.” Nagsimulang magdasal ang mga tao ng Rosaryo, na hindi ko nadarasal mula pa noong bata pa ako, kaya nakiisa ako sa anumang panalangin na naaalala ko. Nang magsimula silang kumanta, may natunaw sa puso ko, at sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, naranasan ko ang pag-ibig ng Diyos. Sa sobrang pag-ibig na ito ay napaiyak ako. Dahil sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ako ay nakarating sa presensya ng Diyos. Nagpunta ako sa Misa noong araw na iyon, ngunit alam kong hindi ako makakatanggap ng komunyon dahil matagal na akong hindi nakakapunta sa Kumpisalan. Ang puso ko ay nananabik na maging mas malapit sa Diyos, kaya ginugol ko ang sumunod na ilang linggo sa paghahanda na gumawa ng isang tapat, at masinsinang Pagkumpisal. Noong bata pa ako, regular akong pumupunta sa Kumpisalan, ngunit sa palagay ko ay hindi ako naging tapat. Kinuha ko ang aking listahan ng aking mga kasalanan—parehong tatlo o apat na bagay sa bawat pagkakataon. Nang maranasan ko ang pagpapatawad sa pagkakataong ito, nadama ko ang matinding kapayapaan at pagmamahal. Napagpasyahan ko na gusto ko pa ng mga ito sa aking buhay.

Susunod o Hindi?

Bilang isang artista, napakahirap ipamuhay ang aking pananampalataya. Bawat bahaging iniaalok sa akin ay sumasalungat sa aking mga paniniwala bilang isang Katoliko, ngunit wala akong sapat na pormasyon sa pananampalataya. Alam kong kailangan ko pa ng maraming tulong. Nagsimula akong pumunta sa isang Pentecostal na Simbahan, kung saan nakilala ko ang mga taong nagturo sa akin tungkol sa Bibliya at kung paano magpuri at sumamba. Inalok nila ako ng pagtuturo, pagkakaibigan, at komunidad, ngunit hindi ko mabitawan si Hesus sa Eukaristiya, kaya nanatili ako sa Simbahang Katoliko. Bawat linggo ay hinahamon nila ang aking mga paniniwalang Katoliko, kaya pumupunta ako sa sesyon ng katekismo upang makabalik na may dalang mga sagot para sa kanila. Tinulungan nila akong maging mas mabuting Katoliko, nauunawaan ko na kung bakit ako naniniwala.

Sa isang punto, nagkaroon ako ng kaisipan at emosyonal na balakid tungkol sa kung bakit ang mga Katoliko ay may ganoong debosyon kay Maria. “Bakit ka nananalangin kay Maria?” Tanong nila, “bakit hindi ka dumiretso kay Hesus?” Naisip ko na Ito. Nahirapan akong maghanap ng sagot na may katuturan. Si Saint (Padre) Pio ay isang manggagawa ng himala na ang kanyang buhay ang siyang naging inspirasyon ko para maging mas mabuting tao. Habang binabasa ko ang tungkol sa kung paano siya dinala ng kanyang debosyon sa Mahal na Birhen sa kaibuturan ng puso ni Kristo at ng Simbahan at nakinig kay Pope John Paul II, ang pagsaksi ng dalawang dakilang lalaking ito ay nagbigay inspirasyon sa akin na magtiwala at sundin ang kanilang halimbawa. Kaya, nagdarasal ako araw-araw para sa mga intensyon ng Papa sa pamamagitan ng Kalinis-linisang Puso ni Maria.

Sumama ako sa isang Marian retreat para mas may malaman pa. Narinig ko ang tungkol sa dakilang debosyon ni Saint Louis De Montfort kay Maria at kung paano ang pakikipag-usap sa kanya sa pamamagitan ng panalangin ang pinakamabilis at pinakasimpleng paraan para maging katulad ni Hesus. Ipinaliwanag niya na may dalawang paraan ng paggawa ng isang estatwa—ipitin ito nang husto mula sa isang matigas na piraso ng materyal gamit ang martilyo at pait, o punuin ang isang hulmahan ng resina at hayaan itong tumigas. Ang bawat estatwa na nabuo sa isang hulmahan ay ganap na sumusunod sa hugis nito (basta ito ay puno). Si Maria ang hulmahan kung saan nabuo ang Katawan ni Kristo. Ginawa siya ng Diyos na perpekto para sa layuning iyon. Kung hinubog ka ni Maria, bubuoin ka niya nang ganap, kung ibibigay mo ang iyong sarili nang buong buo.

Nang marinig ko ito, naunawaan kong totoo ito. Noong nagdasal kami ng Rosaryo, sa halip na sabihin lamang ang mga salita, sinubukan kong dasalin ang mga salita nang buong puso, habang pinagninilayan ang mga Misteryo. May nangyaring hindi ko inaasahan. Naranasan ko ang pagmamahal ng ating Mahal na Ina. Ito ay tulad ng pag-ibig ng Diyos, at alam kong nagmula ito sa pag-ibig ng Diyos, ngunit ito ay iba. Tinulungan niya akong mahalin ang Diyos sa paraang hindi ko kailanman nagagawa nang mag-isa. Sobra akong nabigla sa pag-ibig na ito kaya napaluha ako sa tuwa. Ang paghahanap ng napakagandang regalo ay tulad ng kayamanan sa bukid mula sa talinghaga. Handa kang ibenta ang lahat para mabili ang bukid na ito para mapanatili mo ang kayamanang ito. Mula sa sandaling iyon, alam ko na hindi ako maaaring magpatuloy sa pag-arte. Hindi ako puwedeng mabuhay sa sekular na mundong iyon at maging isang mabuting Katoliko. Alam ko rin na kailangang malaman ng mga tao ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Kaya isinantabi ko ang aking karera para makapag-ebanghelyo ako.

Ang Pagtahak sa mas malalim na Pananampalataya

Pumunta ako sa Knock sa Ireland para tanungin ang Diyos kung ano ang gusto Niya. Ang Mahal na Birhen ay nagpakita doon noong 1879 kasama sina Saint Joseph, Saint John, at Hesus bilang Kordero ng Diyos sa altar, na napapalibutan ng mga anghel. Dumating si Maria upang akayin ang mga tao kay Hesus. Ang kanyang tungkulin ay dalhin ang mga tao sa Kordero ng Diyos. Sa Knock, nakilala ko ang babaeng pakakasalan ko at ang mga taong nag-alok sa akin ng trabaho sa paggawa ng gawaing misyon. Nagpunta ako para sa isang katapusan lang ng linggo, at makalipas ang 20 taon, nakatira pa rin ako sa Ireland.

Ang aking pagmamahal sa Mahal na Birhen ay patuloy na lumago nang ako ay natutong magdasal ng Rosaryo ng maayos. Noon pa man ay nahihirapan na akong dasalin ito nang mag-isa hanggang sa pumunta ako sa National Shrine sa Walsingham, England. Sa maliit na Kapilya na may rebulto ng Our Lady of Walsingham, humingi ako sa ating Mahal na Birhen ng biyayang manalangin at maunawaan ang Rosaryo. May nangyaring hindi kapani-paniwala! Habang sinisimulan kong dasalin ang Mga Misteryo ng Kagalakan, sa bawat Misteryo, naunawaan ko na ang Mahal na Birhen ay hindi lamang ina ni Hesus, siya ay ang aking ina, at naramdaman ko ang aking sarili na lumalaki kasama ni Hesus mula sa Kanyang pagkabata.

Kaya’t nang si Maria ay nagsabi ng “Oo” sa Pagpapahayag ng pagiging Ina ng Diyos, siya rin ay nagsasabi ng “Oo” sa akin, tinatanggap niya ako sa kanyang sinapupunan kasama si Hesus. Habang naglalakbay si Maria upang bisitahin ang kanyang pinsan, naramdaman kong dala-dala niya ako sa kanyang sinapupunan kasama si Hesus. At si Juan Bautista ay lumundag sa tuwa dahil ako ay naroon sa Katawan ni Kristo. Sa Kapanganakan ni Kristo, parang binigyan ako ni Maria ng bagong buhay, na nagsasabing “Oo” sa pagpapalaki sa akin. Habang inihaharap nila ni San Jose si Hesus sa Templo, inihandog din nila ako sa Ama, tinanggap ako bilang kanilang anak. Nang matagpuan nila si Hesus sa Templo, naramdaman kong hinahanap din ako ni Maria. Ako ay nawala, ngunit si Maria ay hinahanap rin ako. Napagtanto ko na si Maria ay nagdarasal kasama ang aking ina sa lahat ng mga taon na iyon para bumalik ako sa aking pananampalataya.

Tumulong ako sa pagtatatag ng Holy Family Mission, isang bahay kung saan maaaring pumunta ang mga kabataan upang malaman ang tungkol sa kanilang pananampalataya at makuha ang pormasyon na maaaring hindi nila nakamit noong mga bata pa sila. Pinili namin ang Banal na Pamilya bilang aming mga patron, batid na kami ay pumasok sa puso ni Hesus sa pamamagitan ni Maria. Si Maria ang ating ina, at sa kanyang sinapupunan, tayo ay nabuo tulad ni Kristo sa ilalim ng pangangalaga ni San Jose.

Biyaya galing sa Grasya

Ang aming Mahal na Ina ay naging instrumento sa pagtulong sa akin na mahanap ang aking asawa sa Knock at makilala siya habang nagtutulungan kami sa isa’t isa sa isang kilusang tinatawag na Youth 2000, na nakasentro sa Ating Ina at sa Eukaristiya. Sa araw ng aming kasal, itinalaga namin ang aming sarili, ang aming kasal, at ang sinumang magiging mga anak namin sa darating na panahon sa Our Lady of Guadalupe. Mayroon na kaming siyam na magagandang anak, na bawat isa ay may kani-kanilang kakaibang pananampalataya at debosyon sa Ating Ina, na labis naming ipinagpapasalamat.

Ang Rosaryo ay naging isang mahalagang bahagi ng aking pananampalataya at isang daan para sa napakaraming mga biyaya sa aking buhay. Sa tuwing may isyu ako, ang unang bagay na ginagawa ko ay kunin ang aking rosaryo at bumaling sa Ating Ina. Sinabi ni San John Paul II na parang paghawak niya sa iyong kamay para gabayan ka niyang malampasan ang anumang madilim na panahon—isang ligtas na gabay sa mga problema.

Minsan, nakaaway ko ang isang malapit na kaibigan, at nahihirapan akong makipagkasundo. Alam kong nagkasala sila sa akin, kaya nahihirapan akong magpatawad. Hindi nakikita ng taong ito ang sakit na idinulot niya sa akin at sa iba. May bahagi sa akin na gustong gumawa ng isang bagay tungkol dito, may bahagi rin sa akin na gusto kong maghiganti. Pero sa halip, inilagay ko ang aking kamay sa aking bulsa at kinuha ang aking rosaryo. Nakapagdasal pa lang ako ng isang dekada ng rosaryo, bago lumingon ang kaibigang ito na nagbago na ang mukha ay nagsabing, “Pat, ngayon ko lang napagtanto kung ano ang nagawa ko sa iyo at kung gaano kita nasaktan. Humihingi ako ng pasensya.” Sa aming pagyayakap at pagkakasundo, napagtanto ko ang kapangyarihan ng Mahal na Birhen na magbago ng mga puso.

Si Maria ang paraan na pinili ng Diyos para pumasok sa mundong ito, at pinili rin Niya na dumating sa pamamagitan niya. Naiintindihan ko na ngayon kung bakit tayo pumupunta kay Maria sa halip na kay Hesus, pinupuntahan natin si Maria dahil nasa loob niya si Hesus. Sa Lumang Tipan, ang Kaban ng Tipan ay naglalaman ng lahat ng bagay na banal. Si Maria ay ang Kaban ng Bagong Tipan, ang buhay na tabernakulo ng Pinagmumulan ng lahat ng Kabanalan, ang Diyos Mismo. Kaya, kapag gusto kong maging malapit kay Kristo, palagi akong bumabaling kay Maria, na nagbahagi ng pinakamatalik na relasyon sa Panginoon sa loob ng kanyang sariling katawan. Sa paglapit ko sa kanya, napapalapit din ako sa Panginoon.

Share:

Patrick Reynolds

Patrick Reynolds is the director of formation at the Holy Family Mission in Ireland.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles