Home/Magturo ng Ebanghelyo/Article

Jan 24, 2024 212 0 Sister M. Gerard Fernandez RGS, Singapore
Magturo ng Ebanghelyo

Hindi Nawala ang Lahat

Sa edad na anim, nagpasya ang isang batang babae na hindi niya gusto ang mga salitang ‘kulungan’ at ‘binitin’. Hindi niya alam na sa edad na 36, ​​makakasama niya ang mga bilanggo sa death row.

Noong 1981, nasa unang pahina ng mga balita sa Singapore at sa buong mundo ang nakakagulat na pagpatay sa dalawang bata. Ang pagsisiyasat ay humantong sa pag-aresto kay Adrian Lim, isang tagapamagitan na sekswal na nang-abuso, nangikil, at nakontrol ang isang hilera ng mga kliyente sa pamamagitan ng panloloko sa kanila sa paniniwalang siya ay may kahima-himalang kapangyarihan, pinahirapan sila sa pamamagitan ng paggamit ng may kuryenteng ‘terapewtika.’ Isa sa kanila, si Catherine, na aking naging isang estudyante  na pumunta sa kanya upang gamutin ang kanyang depresyon pagkatapos ng kamatayan ng kanyang lola. Siya ay ginawang babaing bayaran at inabuso ang kanyang mga kapatid. Nang mabalitaan kong kinasuhan siya ng pakikisama sa mga pagpatay, pinadalhan ko siya ng sulat at isang magandang larawan ng Sacred Heart of Jesus.

Pagkalipas ng anim na buwan, sumulat siya pabalik, na nagtatanong, “Paano mo ako kayang mahalin pagkatapos ng mga nagawa kong mga masasamang bagay?” Sa sumunod na pitong taon, binisita ko si Catherine linggu-linggo sa bilangguan. Pagkatapos ng mga buwan ng pagdarasal na magkasama, ginusto niyang humingi ng tawad sa Diyos at sa lahat ng taong nasaktan niya. Pagkatapos niyang ikumpisal ang lahat ng kanyang mga kasalanan, nagkaroon siya ng totoong kapayapaan, para siyang naging ibang tao. Nang masaksihan ko ang kaniyang pagbabalik-loob, ako ay tuwang-tuwa sa aking sarili, ngunit ang aking ministeryo sa mga bilanggo ay nagsisimula pa lamang!

Pagbabalik Tanaw

Lumaki ako sa isang mapagmahal na pamilyang Katoliko na may 10 anak. Tuwing umaga, lahat kami ay sama-samang pumupunta sa misa, at ginagantimpalaan kami ng aking ina ng almusal sa isang kapihan malapit sa simbahan. Ngunit pagkaraan ng ilang sandali, ito ay tumigil sa pagiging tungkol sa pagkain para sa katawan at naging tungkol lamang sa pagpapakain para sa kaluluwa. Nababakas ko pa ang aking pagmamahal sa Eukaristiya sa mga misa ng madaling araw kasama ang aking pamilya kung saan inihasik ang binhi ng aking bokasyon.

Ipinadama ng aking ama sa bawat isa sa amin na lalo kaming minamahal, at hindi kami kailanman nakalimot na masayang tumakbo sa kanyang mga bisig sa kanyang pagbabalik mula sa trabaho. Noong panahon ng giyera, kapag kailangan naming tumakas sa Singapore, siya ay nagtuturo ng pampaaralan sa amin sa bahay. Tinuturuan niya kami ng paulinigan tuwing umaga, na hinihiling niya sa amin na ulitin ang isang sipi kung saan may nasentensiyahan ng kamatayan sa kulungan ng Sing Sing. Sa murang edad na anim, alam ko na na hindi ko gusto ang talatang iyon. Kapag ako na, imbes na basahin ko, binibigkas ko ang Hail Holy Queen. Hindi ko alam na balang araw ay mananalangin ako kasama ng mga bilanggo.

Hindi pa huli Kailanman

Nang simulan kong bisitahin si Catherine sa bilangguan, maraming iba pang bilanggo ang nagpakita ng interes sa aming ginagawa. Sa tuwing may hihiling na isang bilanggo na dalawin, natutuwa akong makilala sila at ibahagi ang maibiging awa ng Diyos. Ang Diyos ay isang mapagmahal na Ama na laging naghihintay sa atin na magsisi at bumalik sa Kanya. Ang isang bilanggo na lumabag sa batas ay katulad ng Alibughang Anak, na natauhan nang siya ay umabot sa pinakamababa at napagtanto, “Maaari akong bumalik sa aking Ama.” Nang siya ay bumalik sa kanyang Ama, humihingi ng kapatawaran, ang Ama ay tumakbo palabas upang salubungin siya pabalik. Hindi pa huli kailanman para sa sinuman na magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik sa Diyos.

Pagyakap sa Pag-ibig

Nalaman ni Flor, isang babaeng Pilipinong inakusahan ng pagpatay, ang tungkol sa aming ministeryo mula sa iba pang mga bilanggo, kaya binisita ko siya at sinuportahan siya habang inaapela niya ang kaniyang hatol na kamatayan. Matapos tanggihan ang kanyang apela, galit na galit siya sa Diyos at ginustong huwag ko na siyang pakialaman. Sa pagdaan ko sa kanyang pintuan, sinabi ko sa kanya na mahal pa rin siya ng Diyos kahit anong mangyari, ngunit naupo siya sa kawalan ng pag-asa habang nakatitig sa blangkong dingding. Hiniling ko sa aking grupo ng panalangin na dasalin ang Nobena ng Our Lady of Perpetual Succor at ialay ang kanilang mga paghihirap para sa kanya. Pagkalipas ng dalawang linggo, biglang nagbago ang puso ni Flor at hiniling niya akong bumalik kasama ang isang pari. Walang pagsidlan ang kanyang tuwa dahil binisita ng Mahal Na Ina ang kanyang selda, sinabihan siyang huwag matakot dahil sasamahan siya  hanggang sa wakas. Mula sa sandaling iyon, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, tanging saya ang nasa puso niya.

Ang isa pang hindi malilimutang bilanggo ay isang lalaking Australyano na nakulong dahil sa pagbebenta ng droga. Nang marinig niya akong kumakanta ng isang himno sa Ating Ina sa isa pang bilanggo, labis siyang naantig anupat hiniling niya sa akin na dalawin siya nang regular. Ang kanyang ina ay nanatili sa amin nang bumisita siya mula sa Australia. Sa kalaunan, hiniling din niya na mabinyagan bilang isang Katoliko. Mula sa araw na iyon, siya ay puno ng saya, kahit na ng siya ay naglalakad papunta na sa bitayan. Ang superintendente doon ay isang binata, at habang ang dating nagbebenta ng droga na ito ay naglalakad patungo sa kanyang kamatayan, lumapit ang opisyal na ito at niyakap siya. Napaka kakaiba, at nadama namin na parang ang Panginoon Mismo ang yumakap sa binatang ito. Hindi mo lang maiwasang maramdaman ang presensya ng Diyos doon.

Sa katunayan, alam ko na sa bawat pagkakataon, nariyan sina Inang Maria at Hesus para tanggapin sila sa langit. Naging isang kagalakan para sa akin na tunay na maniwala na ang Panginoon na tumawag sa akin ay naging tapat sa akin. Ang kagalakan ng pamumuhay para sa Kanya at para sa Kanyang mga tao ay higit na kapaki-pakinabang kaysa anupaman.

Share:

Sister M. Gerard Fernandez RGS

Sister M. Gerard Fernandez RGS , founder of the Roman Catholic Prison Ministry in Singapore, has devoted her life to sharing the goodness of the Lord. For over 40 years, she has been counseling prisoners and accompanying inmates on death row.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles