Home/Makatawag ng Pansin/Article

Jul 27, 2023 472 0 Deacon Doug McManaman, Canada
Makatawag ng Pansin

UGALI NG PAGPAPASALAMAT

Ano ang susi para sa kagalakan sa buhay na ito? Kapag napagtanto mo ito, magbabago ang buhay mo

Ang ulat tungkol sa pagpapagaling ni Kristo ng sampung ketongin ay patuloy na tumatalab nang malalim sa akin.  Ang ketong ay isang kakila-kilabot na sakit na naglayo sa mga biktima sa kanilang mga pamilya at tungo sa pag-iisa. “Maawa ka sa amin”, taghoy nila sa Kanya. At ginagawa niya. Ibinabalik Niya sa kanila ang kanilang buhay. Maaari silang bumalik sa kanilang mga mag-anak, sumamba kasama ang kanilang komunidad at magtrabaho muli, takasan ang dumudurog na kahirapan na kinakailangang magmakaawa sila para sa lahat ng bagay.  Ang kagalakang nadanasan nila ay magiging di-kapani-paniwala.  Ngunit isa lamang ang nagbalik upang magpasalamat.

Sa Likod Ng Handog

Hindi ko tangka na husgahan ang siyam na hindi bumalik, ngunit ang isa na bumalik kay Hesus ay naunawaan ang isang bagay na napakahalaga tungkol sa “mga handog”.  Kapag nagbigay ang Diyos ng handog, kapag sinasagot Niya ang isang panalangin, ito ay pansarili.  Lagi siyang nakapaloob sa handog na iyon.  Ang mahalagang punto ng pagtanggap ng handog ay ang pagtanggap sa Taong nagbigay nito.  Ano mang handog na mapagmahal na ibinigay ay sumisimbolo sa pagmamahal ng nagbigay, kaya ang taong tumatanggap ng handog ay tumatanggap sa taong nagbigay nito.  Ang handog mismo ay maaaring tuluyang masira o maluma, ngunit ang ugnayan sa nagbigay ay nananatili.  Dahil ang Diyos ay walang hanggan, ang Kanyang pag-ibig ay

walang hanggan at hindi na mababawi.  Tulad ng isang mapagmahal na magulang na may anak na walang utang na loob, Siya ay patuloy na nagbibigay, naghihintay sa sandali na ang alibugha ay magbabalik sa Kanya.  Ang pagtanggi na pasalamatan ang isang tao para sa isang handog ay ang gawi ng isang laki sa layaw, kahalintulad sa pagnanakaw.  Sa kanyang kasiyahan, hindi ito nalimutan ng ketongin na nagbalik.

Ang diwa ng pasasalamat ay ang ugat ng relihiyosong espirito.  Ang ating buong buhay, bawat sandali, ay isang napakagandang handog.  Maglaan ng ilang sandali upang huminto at pag-isipan kung gaano kadaming mga pagpapala ang iyong natanggap.  Ano ang sinasabi Niya sa bawat isa sa atin nang paisa-isa?  “Mahal kita.”  Ang bawat pagpapala ay isang paanyaya na ibalik ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng paggamit ng handog upang ibahagi ang Kanyang pagmamahal.  Kung nabigo tayong matuklasan ang Tao na pinagmumulan ng ating mga handog, hindi na sila magkakaroon ng kabuluhan pagkaraan ng ilang sandali.  Sila ay “tatanda” at isasantabi habang tayo ay di-mapakaling naghahanap ng higit pa.

Pagkatapos ng aking ordinasyon, naatasan akong dumalaw sa isang saykayatriko na pagamutan at isang kalapit na bilangguan.  Sa bilangguan, madalas na may mahabang paghihintay para dumaan sa seguridad. Matapos na tumuloy sa selda kung saan dapat naghihintay ang nakakulong, kadalasan ay may isa pang nakakabagot na pagkaantala. Pagkatapos nang lahat ng ito, maaari kong makausap ang bilanggo sa telepono sa pamamagitan ng salamin na dingding sa loob ng apatnapung minuto lamang.

Mga Nakakandadong Pinto at Kongkretong Pader

Sa kabaligtadan, bagama’t ang bawat silid sa pagamutan ay nakakandadon, ako ay binigyan ng susi upang makapasok at makalabas.  May isang nabubukod para sa mga pinaka-delikadong pasyente sa schizophrenic.  Wala itong susi. Sa halip, kikilalanin ako ng mga bantay sa pamamagitan ng camera at aalisin ang kandado ng pinto nang malayuan.  Minsang ang pinto sa likod ko ay sumara na, isa pang pinto ang bubukas upang makapasok ako para makita ang mga pasyente. Matapos gumugol ng buong katapusan ng linggo na napapalibutan ng mga nakakandadong pintong bakal at mga kongkretong pader, na binabantayan ng mga gwardya at mga kamera, naginhawahan ako nang ako ay makalisan at makauwi. Nakatingala sa magandang bughaw na langit, na walang harang na mga pader, ako ay dinaig ng isang malalim na pakiramdam ng sobrang kagalakan.  Sa unang pagkakataon, lubos kong pinahalagahan ang aking kalayaan.  Maaari akong lumabas sa anumang labasan, naisip ko sa aking sarili, at huminto kung saan ko naisin; magpunta sa isang drive-through at bumili ng kape, o marahil ng isang donut.  Malaya akong makakapili at walang sinuman ang maghahangad na pigilan ako, hanapin ako, sundan ako, o panoodin ako.

Sa gitna ng sobrang kagalakan  na karanasang ito, napagtanto ko kung gaano kadami ang aking mga pagwawalang bahala. Ito ay isang kawili-wiling kasabihan: “pagwawalang bahala”. Ito ay nangangahulugan ng pagkabigong mapansin na ang isang bagay ay “ibinigay”, at hindi mapansin at mapasalamatan ang nagbigay.  Ang susi sa kagalakan sa buhay na ito ay ang pag-unawa na ang lahat ay isang napakagandang handog at ang pagkamulat sa Tao na nasa likod ng bawat handog, na ang Diyos Mismo.

Hindi Ganap na Pagkakaunawa

Ang susunod na mahalagang punto tungkol sa pagpapagaling ng sampung ketongin ay may kinalaman sa paraan ng kanilang pagpapagaling.  Sinabi ni Hesus sa kanila: “Humayo kayo at ipakita ang inyong sarili sa mga saserdote” (sila lamang ang makapagpapatunay na sila ay walang impeksiyon para sila ay makauwi).  Ngunit sinasabi ng ebanghelyo na sila ay “gumaling sa daan”.  Sa madaling salita, nang sabihin sa kanila ni Hesus na humayo at ipakita ang inyong sarili sa mga pari, hindi pa sila magaling. Sila ay gumaling “sa daan”.  Isipin ang mahirap na kalagayan. “Bakit ako magpapakita sa pari, wala Ka pang ginagawa?  May ketong pa ako”.  Kaya nga, kinailangan nilang magtiwala.  Kinailangan nilang sumunod at kumilos muna.  Noon lamang sila gagaling.  Matapos nito, duon lamang na sila ay gagaling.

Ganyan nagaganap ang mga bagay sa Diyos.  Talagang nauunawaan lang natin ang Panginoon kapag pinili nating isabuhay ang pananampalatayang iyon sa pamamagitan ng pagsunod muna sa Kanya—sundin Siya sa kadiliman, wika nga.  Ang mga nagpupumilit na ganap munang makaunawa bago kumilos ay halos palaging napapalayo.

Alam natin kung ano ang Kanyang sinabi sa atin: Sundin ang mga utos.  Sa Huling Hapunan, inutusan Niya ang Kanyang mga apostol na “Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin”.  Pinayuhan din niya tayo na huwag mabalisa sa ating sinusuot, kinakain, o iniinom, sapagkat alam ng Panginoon ang ating mga pangangailangan.  “Hanapin muna ang kaharian ng Diyos at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay ipagkakaloob.”  Kung hahakbang tayo nang may pananampalataya at kikilos ayon sa Kanyang Salita, mauunawaan natin sa bandang huli ang liwanag ng biyaya.  Ngunit ngayon madaming tao ang natatakot sa anumang bagay na nakakagambala sa kanilang kaginhawahan at tumatangging kumilos ayon sa mga kautusan maliban kung sila ay makakatiyak na walang panganib ang katuparan ng kanilang sariling mga hangarin.  At kaya sila ay tumatahak ng buhay sa kadiliman, nang walang kagalakan ng tunay na pagkakakilala sa Panginoon.  Ngunit ang pagpapagaling ay kasunod ng pagpasiya na iayon ang ating mga kilos sa Kanyang mga utos, bago pa man natin maunawaan kung bakit, tulad ng maliliit na bata na nagtitiwala at sumusunod sa kanilang mga magulang.

Share:

Deacon Doug McManaman

Deacon Doug McManaman is a retired teacher of religion and philosophy in Southern Ontario. He lectures on Catholic education at Niagara University. His courageous and selfless ministry as a deacon is mainly to those who suffer from mental illness.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles