Home/Magturo ng Ebanghelyo/Article

Oct 29, 2021 1531 0 Shalom Tidings
Magturo ng Ebanghelyo

ANO ANG IYONG LAYUNIN?

Si Raymund Kolbe ay isinilang sa isang mahirap na mag-anak, na ang ikinabubuhay ay ang pagsasaka, sa Poland noong 1894. Nang siya ay bata pa, siya ay isang pasaway kaya’t walang sinuman ang nakahula na sya ay ituturing na isang Martir ng Kawanggawa, Santo ng Auschwitz, Tagapagtatag ng Militia Immaculata, Apostol ni Maria, at Santong Patron ng ika-20 siglo! Isang araw ang kanyang ina ay lubhang nabagot sa kanyang asal kaya sa matinding pagkayamot, sinigawan siya nito ng: “Raymund, ano na kaya ang mangyayari sa iyo ?!”

Lubha niya itong ikinaligalig. Puno ng pighati, siya ay nagtungo sa isang simbahan at sa panalangin ay inialay ang katanungang ito, “Ano na kaya ang mangyayari sa akin?” Matapos nito, nagkaroon siya ng isang pangitain ng Birheng Maria na may hawak na dalawang korona, isang puti at isang pula. Mapagmahal siyang tinitigan nito at tinanong siya kung gusto niya ng isa sa mga ito. “Oo,” ang sagot ni Raymund, pareho niyang gusto.

Ang puting korona ng Pagkadalisay ang nauna, nang kunin niya ang pangalang Maximilian Kolbe at nagpahayag ng relihiyosong mga panata, isa dito ang Kalinisang-puri. Nang siya ay bumalik sa Mababang Seminaryo, madalas niyang banggitin sa kanyang mga kamag-aaral na nais niyang ilaan ang kanyang buong buhay sa isang mahusay na layunin. Kinalaunan, itinatag niya ang “Militia Immaculata” noong 1917 na may layuning dalhin ang sangkatauhan sa Panginoon sa pamamagitan ni Kristo sa ilalim ng pamumuno ni Maria Immaculata. Upang matupad ang layuning ito, inialay niya ang lahat, at ito ang  nagdala sa kanya sa pulang korona ng Pagkamartir.

Noong 1941 si Kolbe ay nadakip ng Gestapo at ipinadala sa Auschwitz. Isang bilanggo na may asawa at mga anak ang tumangis dahil sa kanyang asawa at mga anak matapos na siya ay mapiling ilagay sa kulungan kung saan ang mga bihag ay pinapatay sa gutom kapalit ng isang nakatakas na bilanggo. Nang madinig ito ni Padre Kolbe, nagkusa siyang humalili para dito. Habang nasa kulungan, pinangunahan niya sa pagdadasal ang mga nandoon, at tumulong na palakasin ang kanilang loob. Tuwing oras ng pagsusuri, habang ang iba ay nakahiga sa sahig, nakaluhod o nakatayo sa may gitna si Padre Maximilian at masayang nakatingin sa mga opisyal. Makalipas ang dalawang linggo, lahat ng mga bilanggo, maliban kay Padre Maximilian, ay namatay dahilan sa pagkatuyot at gutom. Nang bisperas ng kapistahan ng Pagpunta ni Maria sa Langit, tinurukan ng mga nabubugnot na mga Nazi ng carbolik acid si Padre Kolbe, na mahinahon pang itinaas ang kaliwang braso para tanggapin ang nakakamatay na iniksyon. Noong 1982 itinanghal na santo ni Pope John Paul II si Maximilian Kolbe bilang isang Martir ng Pagkakawanggawa, at “Santong patron ng ating mahirap na siglo.”

Share:

Shalom Tidings

Shalom Tidings

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles