Home/Makatawag ng Pansin/Article

Oct 29, 2021 948 0 Luke Lancaster, USA
Makatawag ng Pansin

HUWAG MATAKOT!

Ako ay sinilang at lumaki sa Tampa, Florida, USA. Ang aking ina at ama ay Katoliko at mula pagsilang, pinalaki akong isang Katoliko.  Subalit noong ako ay anim na taong gulang, ang mga bagay at pangyayari ay hindi naging maayos. Naghiwalay ang aking mga magulang at ang aking ama ay naghain ng demanda para sa tuluyang paghihiwalay, o diborsyo. Nasundan ito ng mahabang pagtatalo tungkol sa pangangalaga ng anak hanggang sa muli silang magkabalikan noong ako ay 8 taong gulang. Lingid sa aking kaalaman, ito ay simula pa lamang.

Noong ako ay 10 taong gulang, ang aking ina ay naghabla para sa diborsyo. Iginawad sa kanya ang pangangalaga sa akin, ngunit kinailangan ko pa ding dumalaw sa aking ama. Madami siyang magagandang katangian —masipag, matipid, at mahilig sa mga laro— ngunit mayroon isang pagkukulang sa kanyang pagkatao na lubhang puminsala sa aking pakipag-ugnayan sa Diyos, at iyon ay ang kawalan niya ng tiyaga. Sa isang sandali, siya ay masaya, ngunit kung sa di sinasadya ay mabubo mo ang isang baso ng gatas, bigla syang sisiklab at pagagalitan ka na nang husto. Ang mala-‘atomic bomb’ na galit na ito ay maaaring makasama sa mga bata sa isa sa dalawang paraan. Maaaring ang bata ay maging makapal-ang-balat at tuloy walang pakialam kaya babale-walain lang ang mga pagsiklab na gaya nito, o kaya nama’y ang isang bata ay magkakaroon ng napakalaking takot na magkamali at sa gayon ay magsimulang ‘maglakad sa balat ng itlog’. Nangyari sa akin ang huli. Ito ay mahalagang tandaan sapagkat ito ay isang tamang-tamang paraan upang magbuo sa akin ng pagiging mabusisi.

Ang ating mga ama sa lupa ay dapat na mga kapilas na larawan ng ating Ama sa Langit, ang Diyos (Efeso 3: 14-15).  Anuman ang gawin ng iyong ama na nasa lupa, kasama nang kanyang mga katangian, kung paano siya magsalita, at kung paano siya kumilos, ay maipapakita sa iyong panlarawan ng Diyos.  Kaya, noong ako ay magbibinata, sinimulan kong katakutan nang lubha ang aking Ama sa Langit.  Araw-araw akong ‘nagalakad sa balat ng itlog’, o naging napakaingat, nag-aalala na sa anumang sandali ay makakagawa ako ng isang mabigat na kasalanan at mapupunta sa impiyerno.  Sa bawat isip, bawat salita, at bawat gawa, naiisip kong baka ako’y nagkakasala.

Isang halimbawa: kapag kumakain ako ng isang maliit na tinapay na may palamang manok sa Wendy’s, naiisip kong magiging katakawan o kalabisan na ang kumain ng isa pa.  Subalit hindi ko ito tiyak kaya’t pabalik-balik akong nagmumuni-muni sa kabutihan o kamalian ng pagkain ng pangalawang tinapay.  Ang karamdamang ito ay naging sanhi na bumaba ng 20 libras ang aking timbang sa dati nang maliit kong katawan.

Inisip kong makasalanan ang mga bagay, na hindi naman pala sa totoo lang.  Sa katunayan, ginugugol ko ang lahat ng oras ng mga pari sa kumpisalan.  Purihin ang Diyos at mayroon akong isang mahusay na pastor sa aking simbahan na matiyagang nagpayo sa akin.  Ngunit ito ay isang maliit na bahagi lamang ng mas malaking pakikibaka.  Ang buong pagkaunawa ko ng Diyos ay ibang-iba.  Ang kailangan ko ay isang banayad at matiyagang kaanyuan ng ama. Nang magtapos ako sa mataas na paaralan, nag-aral ako sa Pamantasan ng Ave Maria sa timog-kanlurang Florida kung saan ay sinimulan kong harapin ang aking takot.  Araw-araw akong nasa kapilya at duon ay sinimulan kong unawain ang pagmamahal ng Diyos, ang aking Abba.

Nang manalangin ako, pabalik-balik sa aking gunita ang isang awit —”Shoulders” ng “For King and Country.” Lubusang binago ng mga salitang, “Hindi kailangang ako ay makakita upang maniwala na binubuhat Mo ako sa Iyong balikat, Iyong balikat”, ang pag-iisip ko at ang aking puso.  Sa paglipas ng panahon, ang aking takot ay

nagsimulang mapalitan ng pagmamahal.  Minasdan ako ng Diyos bilang Kanyang Minamahal na Anak, na kinalugdan Niya (Marcos 1:11). Siya ay isang banayad na Ama, isinasaalang-alang ang aking mga karupukan. Tulad ng sinasabi ng Mga Awit, Siya ay “hindi madaling magalit.” Bumuo ako ng kaunting litanya para sa Diyos, ang tunay kong Ama:

Amang pinaka malumanay (1 Hari 19:12).
Amang pinaka mahabagin (Isaias 40:11).
Amang pinaka mapagbigay (Mateo 7:11).
Amang kalugud-lugod (Awit 23: 1).
Amang pinaka mapagpakumbaba (Lukas 2: 7).
Amang pinaka malumay magsalita (1 Hari 19:12).
Amang pinaka masayahin (Zefanias 3:17).
Amang pinaka- mapagtaguyod (Oseas 11: 3-4).
Amang pinakamapagmahal (1 Juan 4:16).
Amang pinaka masintahin (Jeremias 31:20).
Amang pinaka magiliw (Isaias 43: 4).
Ama, aking tagapagtanggol (Awit 91).

Hinihimok ko kayo na basahin ang mga siping nabanggit tulad ng ginawa ko, at magrakon ng malapit na ugnayan sa Ama.  Ang landas patungo sa kalunasan at pagiging buo ay bukas para sa iyo.    Samahan mo ako sa paglalakbay na iyon.  Lagi nating tandaan ang mga salitang ito mula kay Santa Therese ng Lisieux, “Anong matamis na kagalakang isipin na ang Diyos ay makatarungan.  Isinasaalang-alang niya ang ating kahinaan, alam Niya nang ganap ang likas nating karupukan.  Ano ang dapat kong ikatakot?” (‘Kuwento ng Isang Kaluluwa’ ni Santa Therese).

Share:

Luke Lancaster

Luke Lancaster is the Director of Biblical Apologetics for the website stpeterinstitute.com and writes short articles answering objections to the Catholic Faith. He lives in the Tampa suburbs of Florida.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Latest Articles